Isang Musical na Pambata
ni Njel de Mesa
(Halaw sa isang kwentong Manobo na isinalaysay ni Victoria Anonuevo)
Para sa aking pinakamamahal na hulog ng langit,

si Jan Christine Reyes
TAUHAN:
TERENGATI
ASAWA
ANIM NA DIWATA
MGA ALITAPTAP
LAWIN
APO SAWA
ANAK NI TERENGATI
HARI NG KALANGITAN
*Ilang tala sa pagsasaentablado: Dahil ito ay isang piyesang naglalayong magkwento kapwa sa mga bata at kanilang mga magulang, gumagamit ng mga awit at “First-person storytelling device” ang dula. Sa simula, dapat waring nagkukwento si Terengati sa mga alitaptap. Ngunit sa gitna ng dula, mababaling naman ito sa Lawin, pagkatapos ay sa Apo Sawa, sa Hari—hanggang makabalik na ang mag-anak sa lupa—at ang lahat pala ay isinasalaysay ni Terengati sa kanyang Ada. Kesa naman makailang ulit pang ikwento ni Terengati ang lahat, sa bawat tauhang kanyang hihilingan ng tulong, minabuti ko nang gawing “progressive” ang storytelling.
(Tagpo: Sa gitna ng dilim. Papasok na humahangos si Terengati, bitbit niya sa isang malaking sisidlan ang kanyang anak, wari’y naghahagilap sa kagubatan.)
TERENGATI: (Humahangos at balisa.) Noong unang panahon…
Awit: ADA
TERENGATI:
ADA
ADA
ADA
ADA
ADA, MAHAL
AKING DIWATA NAHA’N KA?
SA GITNA NITONG LIBLIB NA KAWALAN
AY HANAP KA
ADA
ADA
ADA
ADA
ADA, NAWA’Y
MAUNAWAAN MO SANA
KUNG NATUKSO AT NAHUMALING SA GANDA
NG DIWATA
AT SINADYA
NA IKA’Y PAGDAMUTAN NG LAYA
ILAYO SA LANGIT MO, SINTA
NGUNIT WALA NA AKONG NAISIP PANG PARAAN
AT NGAYON SA GITNA NITONG SANGANG DAAN
AKO’Y NANALIG NA BAKA LANG
NATATANAW MO SA LANGIT
AT BIGYAN NG PANSIN
(Papasok ang mga Alitaptap.)
ANG MGA ALITAPTAP
GAGAMITIN KONG SAKSI
NANG MAPATUNAYAN KO
ANG PAGKAKAMALING
SINUSUBOK KONG IWAKSI
ADA
ADA
ADA
ADA
ALITAPTAP NAWA’Y ITURO KUNG SAAN
BIGYANG LIWANAG ANG AKING DAAN
KUNG AKO’Y MAY BAGWIS LILIPARIN KO LANG
NGUNIT PA’NO BA MAHAHANAP
LANGIT MONG MAILAP!
ADA
ADA
ADA
ADA
TERENGATI: Mga alitaptap, pahiram ng inyong liwanag!
MGA ALITAPTAP: Magdusa ka sa dilim isa kang manloloko!
TERENGATI: Hindi ko hahayaang nar’yan na magwawakas ang lahat… tulungan niyo man ako o hindi’y hahanapin ko pa rin ang aking asawa…
MGA ALITAPTAP: Ha! At kung hindi mo siya matunton?
TERENGATI: Pwes, hahanapin ko siyang muli—at muli’t muli pa…
MGA ALITAPTAP: Ilang buwan ka na rin naming sinusundang magpalaboylaboy sa kung saan saan… at kung ipagpapatuloy mo pa itong ganitong kakulitan aba’y baka mapilitan na kaming tulungan ka… labag man sa aming kalooban.
TERENGATI: Lahat ng tao’y may karapatang magkamali… ngunit walang sino man ang may karapatang hindi humingi ng tawad.
MGA ALITAPTAP: Nasa’n na ba ang iyong asawa?
TERENGATI: (Pabalang.) Akala ko ba’y matagal na kayong sumusunod sa akin--sa aking paghahanap? Nasa gitna ako ng kawalan… mukha ba’ng alam ko kung nas’an siya?
MGA ALITAPTAP: Nagtatanong kami dahil ibig naming tumulong. Yamang ayaw mo naman ang aming iniaalok, hahayo na kami!!
(Mag-aalisan ang mga Alitaptap.)
TERENGATI: (Bubulalas habang papaalis ang mga Alitaptap.) Alam n’yo ba kung sa’n ang daan papuntang kaharian ng mga taga-langit?
MGA ALITAPTAP: (Muling babalik sa entablado.) At bakit mo hinahanap ang kaharian ng mga taga-langit?
TERENGATI: (Hihikbi.) Sapagkat ang aking asawa’y isang diwata… at nais ko na siya’y umuwi sa amin.
MGA ALITAPTAP: Si Terengati, nakapag-asawa ng diwata?!! Isang mahirap na tagabundok lamang ang pinakasalan ng magandang taga-langit?
(Biglang sasabog ang mga alitaptap. Magpapalit ang ilaw. Hapóng sisimulan ni Terengating magpaliwanag sa mga alitaptap.)
TERENGATI: Ugali ko na sigurong manlinlang yamang hanapbuhay kong manghuli ng mga mailap na labuyo. Gamit ang aking pulendag, ginagaya ko ang kanilang huni gabi-gabi para lumapit sila sa aking bitag …at saka ko sila ipagbibili pagsapit ng umaga. Ngunit isang gabi, sa aking paghihintay… bigla akong nakarinig ng isang mahinhing ingay… Ingay ng papalapit na mga bagwis, at napadapa ako sa gitna ng matataas na damo.
(May mga pitong puting ibon na lilipad lipad sa ibabaw ng mga manunuod at saka sa ibabaw ng entablado.)
TERENGATI: Mga puting ibon? Pitong puting ibon? Dumapo sila sa malinaw na batis malapit sa akin. Agad akong nagkubli. At sa liwanag ng buwan, nakita ko sila… (Magiging pitong diwata ang pitong ibon.) …magagandang mga diwatang taga-langit at lahat sila’y nakasuot ng puting-puting damit na may bagwis. Naghubad sila para maligo… at kahit nag-aantok, mabilis naman akong nakapag-isip. (Aabutin mula sa palumpong ang isang sa mga damit ng mga diwata at saka isisilid sa kanyang sisidlan o tampipi.)
ADA: (Abala sa paghahanap.) Hindi ko mahanap ang aking damit!
DIWATA1: Kailangan natin mahanap ‘yon bago mag-umaga kundi hindi ka makababalik sa langit.
DIWATA2: Pagtulungan natin hanapin…
TERENGATI: Kinuha ko ang isang damit at isinilid ko ‘yun sa aking sisidlan. Sinuyod nila ang lahat ng puno’t talahiban ngunit s’yempre hindi nila makita hanggang nag-umaga.
DIWATA3: Sisiskat na ang araw at dapat na tayong umuwi.
DIWATA4: Oo nga, magagalit si Ama.
DIWATA 5: Humayo na tayo’t bumalik sa langit, baka hindi na tayo pagbuksan ni Ama kung mababalam tayo dito sa paghahanap.
DIWATA6: Saan mo ba kasi nilapag?
DIWATA1: Paano kung hindi na kami pabalikin dito ni Ama?
ADA: Wala kayong magagawa kundi iwan ako’t baka may makakita pa sa inyong mga taga-lupa…
(Lilipad paalis ang anim na magkakapatid. Maiiwan ang isa sa entablado.)
TERENGATI: Naiwan ang isang para sa akin. Bagaman walang mapagsidlan ang aking tuwa, nalungkot akong makita siyang nangangatog sa takot, lamig, at ligalig.
ADA: Ay ano’ng pait nitong kapalaran! Bakit ako ang napili nitong tadhana’t tuluyang mahulog sa langit?! (Hahagulhol.)
Awit: HULOG NG LANGIT
(Makikitang ni Terengating umiiyak ang diwatang nawalan ng damit at iniwan ng mga kapatid. Aawit habang nagkukubli.)
TERENGATI:
HULOG KA BA NG LANGIT?
HULOG KA BA NG LANGIT?
IKA’Y WALANG SIN’ RIKIT
ANG ‘YONG MUKHA’Y ISANG AWIT
KUNG TADHANA MA’Y IKAW
KAY BAIT
NG DIYOS SA LANGIT
ADA:
LAHAT NGA BA’Y WALA NA?
LAHAT NGA BA’Y WALA NA?
PARANG BINURA BIGLA
LAHAT NG NALALAMAN
MAY TUTULONG BANG MATAGPUAN
ANG DAAN
PABALIK SA LANGIT
(Lalabas si Terengati sa pinagtataguan. Magpapakilala sa Diwata.)
ADA: Sino ka?
TERENGATI:
AKO’Y SI TERENGATI
ADA:
TUTULUNGAN MO BA AKO?
TERENGATI:
KUNG IKA’Y SA ‘KI’Y SASAMA
ADA:
SASAMA?
TERENGATI:
LAHAT IBIBIGAY SA’YO
AKO ANG SIYANG BAHALA
ADA:
SADYANG NAPAKABUTI MO
TERENGATI:
ITUTURING KANG ASAWA KO
ADA:
AKO’Y MAGING ASAWA MO?
TERENGATI:
PANGAKO KONG PATULOY NATIN
ADA:
HAHANAPIN ANG BAGWIS KO
TERENGATI:
HANGGANG MAHANAP MONG MULI
ADA:
AT MAGBALIK SA DIWA KO
TERENGATI: Dinala ko siya sa bahay ko at dahil ulila ako’t walang kapatid, napakagandang kapalaran ang lahat!
ADA: Dito ka ba nakatira?
TERENGATI: (Kay Ada.) Pasensya ka na, ha? Hayaan mo, gagawin ko ang lahat na maging parang langit ang pagsasama natin.
ADA: (Mapapangiti. Hahaplusin ang mukha ni Terengati.) Hindi na kailangan. Napakabuti mo kaya gagawin ko ang lahat upang masuklian ang iyong kabutihan.
ADA:
HULOG KA BA NG LANGIT?
HULOG KA BA NG LANGIT?
PA’NO MASUSUKLIAN
ANG IYONG ANGKING BAIT?
KUNG TADHANA MA’Y IKAW NA NGA
KAY BAIT
TERENGATI:
KAY BAIT
NG LANGIT
ADA:
KAY BAIT
NG LANGIT
TERENGATI:
KAY BAIT
SABAY:
KAY BAIT
NG LANGIT
TERENGATI: (Kukuha ng damit. Lalabas ang asawa para magbihis. Sa mga manunuod.) Matapos ko siyang bigyan ng damit-pambahay, isinuksok ko sa aking sisidlan ang kanyang mga bagwis. At mula noong araw ding ‘yon, tinawag ko na siyang… (Kay Ada.) Ada!!
ADA: (Nakabihis na ng pambahay.) Bakit mahal?
TERENGATI: Ikuha mo naman ako ng mga tali at kahoy. (Lalabas si Ada para kumuha ng mga tali at kahoy. Sa mga manunuod.) Wala na akong mahihiling pa, naging masunurin, masipag at mabait siyang asawa. Lumipas ang mga araw at kinailangan kong gumawa ng isang pang pulendag para maipagpatuloy ang pambibitag ng labuyo.
ADA: Heto, na ang mga kahoy… (Ibibigay ang kahoy at tali.) …at tali… (May maamoy na nasusunog.) …ay teka, nagluto pala ako… sumubo ka muna at baka malipasan ka ng gutom. (Lalabas.)
TERENGATI: Nagluto?!! (Takot.) Salamat. Haaay… (Papasok muli si Ada may dalang kakanin.) Isa siyang mapagtiis na diwata. Nag-aral siyang magluto…
ADA: Heto, kain na habang mainit pa.
(Mapipilitan si Terengati sumubo nang kaunti. Hindi niya ito masisikmurang lunukin. Ngingiti siya kay Ada na waring masarap ang niluto. Iiwanan siya ng pagkain ni Ada at saka pupunta sa isang tabi ng entablado para manulsi.)
TERENGATI: (Umiiling na dudura. Sa manunuod.) At hanggang ngayon… nag-aaral pa ring magluto!! Natuto rin siya ng iba pang gawaing bahay kung kaya’t kumapal na rin ang kanyang mga palad… ngunit kahit gaano man ito kakapal… nasusugatan pa rin siya ng karayom…
ADA: Aray! (Matatawa si Terengati sa aliw.)
Awit: SAKA NA
TERENGATI:
MABUTING KAPALARAN BA
SA BITAG KO’Y NAHULI PA
ISANG DIWATA NA KAY GANDA
NGUNIT AKO’Y MAY NILILIHIM SA KANYA
SA LABIS NG KANYANG RIKIT
SA PAGSUNOD NAKAPIKIT
TIWALA NIYA’Y WALANG KAPALIT
KAHIT AKO’Y MAY NILILIHIM SA KANYA
GUSTO KONG SABIHIN SA ‘YO
ANG PAGKAKAMALI KO
AT AMININ SA ‘YO
AKO’Y
MAY BAHID NG PANLILILO
AT AMININ SA ‘YO
NA MAY TAKOT AKONG
BAKA LISANIN MO
ADA: (Sa kalangitan.)
AMA, NAWA’Y PATAWARIN MO
AKO’Y UMIIBIG NA SA KANYA
AT KUNG AKO’Y PAPILIIN MO
AKO’Y KANYANG KANYA
TERENGATI:
LUMIPAS ANG MGA TAON
NATUTO SIYA NA MANULSI
SAMPUNG DALIRI
NAGSIHAPDI
AT LOOB KO’Y TILA NAHULOG SA KANYA
KAILANGAN SABIHIN KO NA
KAILANGAN SABIHIN NA NGA
AY SAKA NA
ADA: Ano’ng KAILANGAN mong sabihin?
TERENGATI: (Mabilis na mag-iisip.)
AY ADA… MAHAL KITA
ADA: O siya. Sinabi mo ‘yan, ha?!
TERENGATI: (Hahampasin si Terengati ng Diwata. Kapwa silang hahagikgik, saka hahalikan ng Diwata si Terengati sa pisngi. Tatayo si Terengati at papasok sa kubo ang asawa. Sa manunuod.) Kahit minsan—bukod sa kanyang madalas na pag-aray tuwing natutusok siya ng karayom—hindi siya dumaing. Kung kaya’t hindi ko namalayang nagdaan ang panahong puspos ng ligaya… (Kukuha ng panali, lambat, at itak. Lalakad papalayo ng bahay.) …at nagkaroon kami ng anak na lalaki.
ANAK: (Tatakbo papunta kay Terengati.) Tatay! Tatay! Sama po ako!
TERENGATI: (Sa anak.) Huwag na anak at mababangis ang mga baboy-damo.
ADA: Bakit hindi ka na lang manghuli ng mga labuyo uli?
TERENGATI: Mas maraming bumibili ng baboy-damo kaysa labuyo. At syempre, gusto ko rin tumaas ang antas ng ating pamumuhay… isang pamumuhay na karapat dapat para sa isang taga-langit!
ADA: Taga-langit? Sino’ng taga-langit?! Halika, anak. (Mangungutya.) Maglaro na lang tayo buong hapon habang mangangaso ang taga-lupa ‘yan!
TERENGATI: Naku, mang-iinggit pa ang mag-ina! (Hahayo. Sa manunuod.) Naaliw naman siya sa bahay dahil sa pag-aalaga sa anak naming lalaki. Nang hapong ‘yon, sa kanilang paglalaro…
(Makikitang naglalaro ng taguan ang mag-ina.)
ADA: (Naghahanap.) Anak!! Anaaaak… Ang hirap mo naman hanapin, anak… napapagod na ako.
ANAK: (Lalabas ang anak na dala ang sisidlan na pinagtaguan ng bagwis ni Terengati. Gugulatin ang ina gamit ang sisidlan.) Haaaah!!
ADA: Napakahusay mo’ng magtago!?! Ay, anak… (Kukunin ang sisidlan.) …‘wag nating paglalaruan ‘yan… lumang gamit ‘yan ng Ama mo para maghanapbuhay… (Makikita ni Ada ang kanyang mga bagwis.)
TERENGATI: Nakita niyang muli…
ADA: Ang aking damit…
TERENGATI: at natuklasan niyang…
ADA: Tinago lang pala niya ang aking damit?
ANAK: (sa Ina.) Ano po ‘yan?
ADA: (Humihikbi.) Anak, nilinlang pala ako ng iyong Ama. (Tatayo wari’y magbibihis. Kay Terengati) Pinagkalooban kita ng pagtitiwala at pagmamahal nang ilang taon… naging langit kita, Terengati… ginawa mo lang ba akong alipin at bantay ng bahay? (Bubuntong hininga.) Akala ko pinili tayong pagtagpuin ng tadhana… nagkataon lang pala…
Awit: BAKA MAY LANGIT PA
ADA:
NOONG NAKITA MO
MAARING DI AKO
ANG SIYANG PINILI MO
BUONG AKALA KO
AKO’Y INIBIG MO’T
WALANG PANLILILO
WALA NA ANG LANGIT
NA ‘YONG BANGGIT
SUKDULANG PASAKIT
PINANGHALIP
PAGTITIWALA KO
BUONG NAPASAIYO
BA’T PA NAGING ABO
NGAYONG NALAMAN KO
ISANG PANLOLOKO
NANG INASAWA MO
WALA NA ANG LANGIT
NA ‘YONG BANGGIT
SUKDULANG PASAKIT
PINANGHALIP
KUNG LISANIN KA’T
HUMAYO NA
MAY PAG-ASA BA
NAMAN
NA BAKA MAY LANGIT PA?
(Lilipad at babalik sa kalangitan.)
TERENGATI: (Pasigaw, wari’y hinahabol si Ada.) ADA!! (Muling magsasalaysay.) Takipsilim na nang umuwi ako, wala akong nahuli noong gabing iyon… tinawag ko siya… (Sisigaw.) “Ada!” (Patlang.) …ngunit hindi siya sumagot. (Tatawagin muli.) “Ada!” …Akala ko nakatulog ngunit pagpasok ko ng bahay… nakita ko ang aming anak… (Makikita ang anak na naglalaro ng pulendag at sisidlan ni Terengati. Sa anak.) Anak, nas’an ang laman nito? (Katahimikan.) Nasa’n ang iyong ina?! (Sa manunuod.) Saka ko sinumpa sa aming anak… (Sa Anak.) Anak, hahanapin ko ang iyong ina.
(May maririnig na pagaspas sa di kalayuan. May lilitaw na malaking lawin na lilipad lipad sa entablado.)
TERENGATI: Sinuyod namin ang ilang kagubatan, tinawid ang mga disyerto, nagpatangay sa mga ilog. Malayu-layo na rin ang aming nilakbay kaya nahabag sa amin ang mga alitaptap… at saka pinayuhan na magtungo kami rito sa iyong pugad para makiusap sa iyo…
Awit: PAGSISISI
LAWIN:
SINO KA’T BA’T NAPARITO
SINADYA ANG PUGAD KO
BUWANG KA BA?
BA’T HINDI KA NATATAKOT
NA IKA’Y KAININ KO
PATI ‘YANG BATA MO
ANG AKALA MO KASI
MANANAKAW MO PATI
ANG MGA ITLOG, Ha!
DIYAN KA NAGKAKAMALI
TERENGATI: H-hindi. Hinahanap ko ang aking asawa.
LAWIN:
DITO’Y MAY LAGING BANTAY
DITO MAY LAWING BANTAY
Naku, AMOY KO DITO ANG ‘YONG ATAY?
TERENGATI:
O LAWIN
NAIS KO LANG
MAPAGBIGYAN
NG PAGKAKATAON
NA HUMILING NA MARINIG
AT SAKA
IPAMALAS SA KANYA
AKO AY NAGSISISI
DI MAITATANGGI
KUNG AKO MAN AY NANLINLANG
PWES, AKO’Y LULUHOD PA SA KANYA
AT AAMIN SA KANYA
LAWIN:
KAHABAG HABAG NA KWENTO
AKO’Y NAANTIG
SA NARINIG
KUNG ANG HANAP MO’Y DIWATA
MAGTANONG KA SA
TANDANG APO SAWA
KUNG IKAW AY TOTOO
TANGAYIN MO NA RIN ‘TO
ANG ITLOG KONG PADALA
ANG IBIG NG SAWA
NGUNIT PAGKATANDAAN
ANG ‘YONG MALING PARAAN
PARA MAKAMTAN ANG INASAM
(Lalabas sa entablado ang Lawin. Nasa lungga na ni Apo Sawa si Terengati.)
TERENGATI:
O APO
NAIS KO LANG
MAPAGBIGYAN
NG PAGKAKATAON
NA HUMILING NA MARINIG
AT SAKA
IPAMALAS SA KANYA
AKO AY NAGSISISI
DI MAITATANGGI
KUNG AKO MAN AY NANLINLANG
PWES, AKO’Y LULUHOD PA SA KANYA
AT AAMIN SA KANYA
APO SAWA: Wala akong habag sa mga tusong manlilinlang na katulad mo!
TERENGATI: Apo Sawa, para niyo nang awa… nagpalaboy-laboy na kami kung saan-saan; patanung tanong sa sinumang makita. Natulog kung saan abutin ng pagod, kumakain kung sa’n sumpungin ng gutom. Pitong bundok ang tinawid naming para lamang makiusap sa iyo…
APO SAWA: Ibubuwis mo ang iyong buhay para sa isang diwata?
TERENGATI: Hindi siya pangkaraniwang diwata!
APO SAWA: Humayo ka na pabalik sa inyong bahay, sapagkat ang lalakbayin—kung tutunguhin ang kaharian ng mga taga-langit—ay lubhang matarik at mapanganib?
TERENGATI: Nangahas akong linlangin ang aking asawa… mangangahas rin akong humingi ng kapatawaran sa kanya.
APO SAWA: Aba’y dumudulog ka ba sa akin ng walang takot sa kamatayan?!
TERENGATI: Inyo na po ang buhay ko… kainin niyo ako kung ibig niyo. Subalit kung mamarapatin… dal’hin niyo man lamang sa langit ang aking anak.
APO SAWA: Bakit ba lahat ng taga-lupa tingin sa mga higanteng sawa’y kumakain ng tao!
(Aawit.)
APO SAWA:
KUNG IKAW NGA’Y NAGSISISI
AT TUNAY ANG ‘YONG SINABI
SINO BA AKONG PAGKAITAN KA
NG KARAMPOT NA PAG-ASA?
SUMAKAY KA AT HALIKA NA
DOON SA LANGIT BABALIK KITA
SA PILING NG IYONG ASAWA
KUNG SAAN KA MALIGAYA
APO SAWA: Sa nalalabi kong lakas, hindi ko kakayanin akyatin ang langit. Subuan mo ako ng itlog ng lawin sa tuwing nadarama mong ako’y pinanghihinaan… at dadalhin kita sa ‘yong Ada!
TERENGATI: (Lalabas sa entablado ang Hari ng kalangitan. Magpapalit ang ilaw. Sa Hari.) Mula sa tuktok ng ika-pitong bundok, isinakay kami sa ulo ng Apo Sawa paakyat sa ulap. Sinusubuan ko na lang ang Apo Sawa ng itlog ng lawin upang magkaroon ng lakas dahil lubhang napakahangin. Naubos na ang mga itlog ng makarating kami rito… Mahal na Hari, wala na akong maiaalay sa inyo kundi ang aking buhay at ang inyong apo…
HARI: (Tatawa.) Ada?! Wala akong anak na nagngangalang Ada! Totoo, nawala ang isa sa kanila ngunit pagbalik ay walang sinabing asawa. Terengati, mas mainam na humayo ka na bago kita sipain pabalik sa lupa. (Tatalikod ang hari.)
TERENGATI: Parang awa niyo na mahal na hari… para sa aming, anak!! Natuto akong manlinlang dahil sa ‘king pagka-ulila. Unawain ninyong mauulit ito kung mauulila ang aking anak!
HARI: (Galit.) At kasalanan pa ngayon ng aking anak ang inyong pangungulila?!
TERENGATI: Kasalanan ko po. Hindi ko siya inalagaang mabuti. Ngunit alang alang sa aming anak… nagmamakaawa ako, bayaan ninyong makita ko siyang muli.
HARI: (Matapos mag-isip.) Dahil lamang sa iyong kagilagilalas na kwento—kung ito man ay may katotohanan— pagbibigyan kita. Ngunit bahala ka kung makikilala mo siya.
(Kukumpas ang Hari at may maririnig na budyong na pinapatawag ang mga diwatang magkakapatid.)
HARI: Ngayon, Terengati… (Lalabas ang pitong magkakapatid na lubhang magkakamukha.) Magkakamukha at pare-pareho ang bihis ng lahat ng aking mga anak… sino sa pito ang iyong asawang diwata?
(Matutulala at mapapakamot ng ulo si Terengati. Sandaling katahimikan. Biglang tatakbo ang anak nila at yayakap sa isa sa mga diwata.)
TERENGATI: Siya po, siya ang aking asawa… (Tinuturo ang yakap na diwata ng kanyang anak.)
HARI: Hindi ako naniniwala, nanghuhula ka lang, gaya ng iyong anak!!
TERENGATI: Mabilis akong nag-isip at hiniling kong tignan ang inyong mga palad. (Sa Hari.) Hindi ako nagkamali! (Sa asawa.) Nakilala ko ikaw, ng makita ko ang iyong palad na may mga sugat ng karayom… (Magsisimulang umiyak. Kay Ada.) Ada… patawarin mo ako…
ADA: Terengati, wala na akong tiwala… aanhin ko ang iyong pag-ibig kung walang pagtitiwala…
TERENGATI: Ada, maaring hindi ko maipagmamalaki na nilinlang kita upang ika’y maging asawa… ngunit kung hindi ko ginawa ‘yon dati’y baka hindi ko nahanap ang babaeng tunay kong mamahalin.
Awit: IKAW NA ANG LAHAT
TERENGATI:
ADA, PATAWARIN MO
AKO AY NAGSISISI
NA HINDI NAGING TAPAT
AT DI KA PINAPILI
NGUNIT KUNG HINDI SA ‘YO
SARILI AY PINILIT
NAGKA-PAG-ASA BA
MAGING ASAWA KA?
ADA:
SA IYONG PAGLALAKBAY
LANGIT NATANAW
SA IYONG PAG-IROG
NAIBSAN PAMAMANGLAW
SA IYONG PAGHAHANAP
NAHAGILAP KO
AKING PAG-IBIG
NA PANGARAP KO SANA’Y MAGING WAGAS
IKAW NA ANG LAHAT
IKAW NA ANG NAPILI
WALANG BAKA SAKALI
IKAW PA RIN MULI
TERENGATI:
HAYAAN AKO’T PAGBIGYAN
ADA:
AKO’Y ILALAAN
SABAY:
SA ‘YO AT SA ‘YO LANG
MAGING SAAN PA MAN
(Magpapalit ang ilaw. En Grandeng kasalan sa langit.)
SA DUSA AT LIGAYA
SA LUNGKOT AT SAYA
SA HIRAP AT GINHAWA
KASAMA KITA
AT KUNG ANG IBIG MO
NA MAGING KATUWANG KO
SUMUSUMPA AKONG MAGING TAPAT SA ‘YO
AT SAKSI ANG LANGIT
SA ‘KING PANGAKO
SA ‘TING PAGPILI
(Magpapaalam na ang mag-anak sa mga taga-langit. Dadating si Apo Sawa at muli silang ibaba sa lupa.)
SABAY:
IKAW NA ANG LAHAT
IKAW NA ANG NAPILI
WALANG BAKA SAKALI
IKAW PA RIN MULI
(Balik lupa kasama ng anak.)
TERENGATI: Napakabuti mo. Bakit ka ba nahabag sa isang taga-lupang katulad ko?
ADA: Dahil hulog ka ng langit.
(Blackout.)
TELON
* No part of these plays may be staged without a written permission from the author.
For performance rights and inquiries email ktfi2001@yahoo.com or call 433.7886 /text (0917)9726514.