Search This Blog

HULING ENSAYO PARA SA IYO


ni Njel de Mesa

TAUHAN:
NAGMAMAHAL
MAHAL

(Isang madilim na silid na puno ng kandila. Sa gitna ng entablado may lamesang katamtaman ang laki na puno ng simpleng pagkaing pinagarbo lang ng presentasyon nito. May mga lobong asul na nakatali sa dalawang upuang nasa magkabilang dulo ng lamesa. Sa ilalim ng lamesa, may isang regalong maliit na nakaantabay. Mag-aayos na tatayo ang NAGMAMAHAL sa gitna ng entablado, may dalang siyang birthday cake at wari’y may aawitan. Hihinga siya nang malalim at saka bibirit ng “Happy Birthday”.)

NAGMAMAHAL: (Paawit.) “Happy Birthday to you… Happy Birthday, Happy Birthdaaaayy… happy Birthday to yoooou!” (Pasigaw na panggulat.) SURPRISE!! (Sabay click sa camerang nakatutok sa bakanteng upuan.)

(Matitigilan. Hihinga nang malalim. Kinakabahan at kinikilig. Pautal utal na mageensayo.)

Ang saya, di ba? Nakakagulat, kahit parehong matalas ang ating pangamoy sa mga surpresang ganito… hindi pa rin tayo handa sa mga handaang ganito kahit gaano man kabusisi pinaghandaan ang handaan… O, ano’ng gusto mo’ng unahin?? (Mag-aabot ng pagkain nakahain.) ‘Yan? (Tinuturo ang isang pang putahe.) …o eto?

(Matitigilan. Iisipin kung may nakalimutang linya. Madramang magtatalumpati.)

Dumayo pa ako sa pinakamalayong lupalop at tinunton ang isang liblib na republika para maihain ko ngayong gabi ang ‘yong pinaka-paboritong Adobo mix… Sinuyod ko ang lahat ng palengkeng may PX, lumuwas tungong Europa para matunton ang iyong pinaka-aasam na tsokolateng pamutat galing Belhika… Nag-impok ng humigit-kumulang ‘sang daang ibinulsang pakete ng ketchap na hilig mong papakin,… (Ipapakita ang isang malaking bag na punung puno ng mga sachet ng ketchup.) …para malaman mo; bawat isa’y katumbas ng bawat sandaling naalala ka…

At kanina, gumising nang pagka-aga-aga para kulitin ang aking Inang ipagluto ka, mamili ng ‘san-damakmak na kandila’t magburo ng kapeng pampagising sa ating dalawa…

Mahal, buong taon… Buong taon… wala na akong inisip kundi ang araw na ito…
(Kunwari’y sisindihan ang mga kandila sa cake.)

Nag-ensayo pa ako ng kung anong sasabihin sa iyo’t baka sirain lang ng aking angking sakit ng pagkautal-utal-utal ang napakahalagang okasyong ito… Para sa akin… para sa atin… Ngunit higit sa lahat, para sa iyo… Sirain na ng ibang tao ang araw mo… Huwag lang ng padalos-dalos na dila ko…

Sana kahit ngayong gabi lang… Sana wala akong masabing mali… na ikasasama ng loob mo…

Sana buong gabi kang magsasaya...

(Magpapatawa.)
At sana… maubos ko itong pagkarami-raming pagkaing nakahain. Alam ko namang… ako rin ang uubos nito, e.

Para sa taong ayaw tumaba, masyado yatang marami akong naihain. (Magbibiro.) Sabi na nga ba, dapat kinumbida ko ang buong kamaganakan mo para may katulong ako sa pagkain at… (Saglit.) …paghuhugas ng pinggan… Hahahaha!!

‘Di bale, huwag kang mangamba, sanay naman akong maghugas mag-isa. (Pabiro.) Alam ko namang hindi ka tutulong, e… hmp…

Pero ‘wag ka: Sinubukan ko pa ring yayain ang iyong Ama’t Ina sa salu-salo natin ngayong gabi… ang modus ko’y upang maipangalandakan ko sa kanila kung gaano kita kamahal… at sa gayon… kahit papaano… matutunan na rin nila akong mahalin.

‘Kaso mo’y may bigla daw silang gagawin.

Sayang.

Mabuti na rin ‘yun siguro, hindi nila alam na naghanda rin ako; baka isipin nanaman nilang nakikipagkumpitensya ako sa kanila… at ‘di ka nanaman tuluyang payagan makipagkita sa akin ngayong gabi…

Alam mo namang habang tumatagal, pahirap na nang pahirap ang pahirapan na ipaubaya ka nila sa akin nang kahit ilang saglit…

Pati nga ang mga matatalik mong kaibigan; isa isa kong kinumbidang makiisa, dahil ‘ika mo nga: Mas marami, MASaya…

Kaya lang, lahat daw sila may biglang gagawin din ngayong gabi…

Biruin mo? Lahat sila? Um-oo na. Tapos, biglang hihindi. Mga walang pakisama… Hmp.

May gagawin daw sila bigla… sa kaarawan mo… (Mangaasar.) Mga kaibigan mo nga silang tunay…

Kaya heto ako ngayon… mag-isa… may gagawin daw kasi sila.

Basta ako nandito ako… may kasama man o wala… para sa iyo…

(Hihinga nang malalim.) Buo na ang surpresa. Nasa piling ka na ngayon ng tunay na nagmamahal sa iyo…

(Kukunin sa ilalim ng lamesa ang isang kahon ng regalo. Marahang ilalapag sa gitna ng hapag kainan.)

Buksan mo. (Saglit.) Buksan mo. ‘Wag ako… ayokong maki-miron sa surpresa ng may surpresa… kasi nga, kadalasan, AKO pa ang nasusurpresa…

Ikaw ang magbukas.

Para sa iyo ‘yan. Hindi ako kasali d’yan… kunwari…

(Kunwa’y ilalabas ang mga pabango galing sa kahon.)

Isa, para sa iyo. Isa, para sa akin. Para sa tuwing di ka kapiling maamoy ang feeling… nating dalawa… Hehe.

O, masaya ka na? (Saglit.) Paminsan minsan naman… ako naman ang pasasayahin mo ha? (Naglalambing na tawa.) Hahaha!!

Masaya ako para sa ‘yo. Masaya ako’t kahit saglit napasaya kita. Sana nga lang maalala mong lahat ng ito parati… Ako… hinding hindi ko ito malilimutan…

Pupusta ako. Iiyak ka. (Saglit.) Dahil masaya ka. Iiyak ako. (Saglit.) Dahil hindi na ako mag-iisa. (Katahimikan.) Sabi ko na nga ba… pati ba yun nakabisa ko…

Mahal, ipadama man nila sa akin na hindi ako karapat dapat para sa iyo… Magmukha man akong tangang naghihintay sa iyo… dahil narito ka ngayon… kasama ko… kapiling ko… tumupad sa iyong pangakong kailanma’y di ako mag-iisa… Mali sila… at tama ka… kaya mahal kita.

Para sa ‘yo ang lahat ng ito… (Magsasalang ng tape o CD sa Komponent.) …pati ito… (Saka pipindutin ang PLAY. May tutugtog na “theme song”.)

(Matapos ang tugtog. Ibabalik ang regalo sa ilalim ng lamesa. Ngingiti. Kukunin ang cellphone.) Okay, here goes… (Hihinga nang malalim. Tatawag sa kanyang MAHAL.)

Mahal… (Malambing. Sa telepono.) Where you na po? (Sasagot ang nasa kabilang linya.) Aaa… I see… so you’ll be late… like how late is “really late”? (Sasagot ang nasa kabilang linya.)

O, ba’t ka umiiyak? Is there a problem? (Sasagot ang nasa kabilang linya.)

Talaga?? Surprise?!! Wow. (Makikinig. Magsisimulang maiinis ngunit magkukunwaring masaya.)

Sinong “sila”? Silang lahat? (Sasagot ang nasa kabilang linya.)

Aba, first time nakumpleto… (Makikinig. Maluluha.)

Mukhang matagal na nila ‘yang pinaghandaan… mahirap ‘yang grand ballroom na ‘yan ipa-reserve… (Makikinig.)

Awww… ang sweet naman nila… (Labas sa ilong.) …awww… (Makikinig.)

Me? No. Hindi na siguro, malabong makahabol pa… matrafik, e… (Makikinig. Namumula sa galit ngunit hindi maipahalata.)

It’s okay… it’s okay… I wasn’t invited in the first place… (Sasagot ang nasa kabilang linya.) …Where? Here?

‘Wag na… I can’t wait long din kasi, marami pa akong tatapusin, e… A, hindi na okay lang… hindi naman talaga ako naghanda, e… (Makikinig.) No, no, no, stay there… baka mamaya sabihin ng parents mo, I’m competing with them. Issue na naman.

Mabuti na rin ‘yan they’ll realize… (May galit bigla.) …na sila pa rin ang mas mahalaga sa buhay mo… (Pilit na tatawa.) Hahahaha!!

E, sino pa’ng nand’yan? (Sasagot ang nasa kabilang linya.)

Talaga?!

All the way from Hongkong? (Makikinig.)

What?! Pati SIYA nand’yan? They obviously sent invitations… (Mapapaupo sa selos habang nakikinig.)

Ano ba ‘yan… lahat ‘ata ng nagkagusto sa ‘yo… nand’yan… (Makikinig. Maiiyak.)

No, I’m not… (Magpupunas ng luha.) Okay I AM! Because I’m so happy for you… You see your parents really do love you… they wouldn’t have organized THAT if they— (Makikinig. Magpipigil umiyak.) Oh, …don’t worry about me… I’ll be fine.

Ano? Tinatanong nilang lahat kung ba’t wala ako diyan?!! Hahaha!!

Ya, ya, ya, I know… They expect me to be there… Hahahaha!! (Pipilitin magbiro.)

Sabihin mo na lang may mas mahalagang inatupag kaysa sa birthday mo… Hahaha!! (Saglit na katahimikan.)

Uy,… Joke lang… O, nagtampo naman agad ang baby ko… hindi na bagay sa iyo ‘yan, gurang ka na ngayon… hehe…

Uy, biro lang, e… (Katahimikan. Maiinis sa sarili.)

Mahal? (Matagal na katahimikan.) Mahal??

Uy, mahal… (Sasagot ang nasa kabilang linya.)

…Babay na? A, okay…

…Sige, mam’ya na lang… (Makikinig.) Yup, I’ll still be up…

Bye… (Matagal na katahimikan.)

Galit ka?… (Katahimikan.)

Galit ka?… (Saglit.) Uy… mahal…

(Bubuntong hininga. Sasabog sa inis.) Sorry ha, IF I SPOILED YOUR BIRTHDAY SURPRISE!!!

(Saglit.) Hello? (Putol na ang linya.) Hello? (Galit na ibabato ang cellphone.)

(Galit.) SURPRISE!!?!

(Magwawala sa sama ng loob.)

Ang SAYA, di ba? Nakakagulat, kahit parehong matalas ang ating pangamoy sa mga surpresang ganito… hindi pa rin tayo handa sa mga handaang ganito kahit gaano man kabusisi pinaghandaan ang handaan… O, ano’ng gusto mong UNAHIN?? (Kausap ang cellphone.) ‘Yan? (Galit na kukumpas tinuturo ang lahat ng kanyang hinanda.) …o eto?!!

(Bagot.) Dumayo pa ako sa pinakamalayong lupalop at tinunton ang isang liblib na republika para maihain ko ngayong gabi ang ‘yong pinaka-paboritong Adobo mix… Sinuyod ko ang lahat ng palengkeng may PX, lumuwas tungong Europa para matunton ang iyong pinaka-aasam na tsokolateng pamutat galing Belhika… Nag-impok ng humigit-kumulang ‘sang daang ibinulsang pakete ng ketchap na hilig mong papakin,… (Dadamputin ang malaking bag na punung puno ng mga sachet ng ketchup.) …para malaman mo; bawat isa, BAWAT ISA (Galit na ibubuhos sa sahig ang mga ketchup sachets sa loob ng bag.) …bawat isa’y katumbas ng bawat sandaling naalala ka…

At kanina, gumising nang pagka-aga-aga para kulitin ang aking Inang ipagluto ka, mamili ng ‘san-damakmak na kandila’t magburo ng kapeng pampagising sa ating dalawa…

(Hahagulhol.) Mahal, buong taon… BUONG TAON… wala na akong inisip kundi ang araw na ito…

Nag-ensayo pa ako ng kung anong sasabihin sa iyo’t baka sirain lang ng aking angking sakit ng pagkautal-utal-utal ang napakahalagang okasyong ito… Para sa akin… para sa atin… Ngunit higit sa lahat, para sa iyo… Sirain na ng ibang tao ang araw mo… Huwag lang ng PADALOS-DALOS NA DILA KO!!!

Sana kahit ngayong gabi lang… Sana WALA AKONG MASABING MALI… na ikasasama ng loob mo…

Sana BUONG GABI KANG MAGSASAYA!

At sana…maubos ko itong pagkarami-raming pagkaing nakahain. Alam KO namang…AKO rin ang uubos nito e.

Para sa taong ayaw tumaba, masyado yatang marami akong naihain. (Pipiliting magbiro. Pupunasan ang luha.) Sabi na nga ba, dapat kinumbida ko ang buong kamaganakan mo para may katulong ako sa pagkain at… paghuhugas ng pinggan…

‘Di bale huwag kang mangamba, sanay naman akong maghugas mag-isa. (Bwisit.) Alam ko namang HINDI KA TUTULONG, e…

Pero ‘wag ka: Sinubukan ko pa ring yayain ang iyong Ama’t Ina sa salu-salo natin ngayong gabi… ang modus ko’y upang maipangalandakan ko sa kanila kung gaano kita kamahal… at sa gayon… kahit papaano… matutunan na rin nila akong mahalin.

‘Kaso mo’y may BIGLA daw silang gagawin. (Iiyak.)

SAYANG.

Mabuti na rin ‘yun siguro, hindi nila alam na naghanda rin ako; baka isipin nanaman nilang nakikipagkumpitensya ako sa kanila… at ‘di ka nanaman tuluyang payagan makipagkita sa akin ngayong gabi…

Alam mo namang habang tumatagal, pahirap na nang pahirap ang pahirapan na ipaubaya ka nila sa akin nang kahit ilang saglit…

Pati nga ang mga matatalik mong kaibigan; isa… ISA… ISA ISA… kong kinumbidang makiisa, dahil ‘ika mo nga: Mas MARAMI, MASaya…

Kaya lang, lahat daw sila MAY BIGLANG GAGAWIN din ngayong gabi… (Hihikbi.)

Biruin mo? Lahat sila? Um-“OO” na. Tapos biglang hihindi. MGA WALANG PAKISAMA… May gagawin daw sila BIGLA… sa kaarawan mo… (Maaasar.) Mga kaibigan mo nga silang tunay…

Kaya heto ako ngayon… MAG-ISA… MAY GAGAWIN daw kasi sila!

Basta ako nandito ako … may kasama man o wala… para sa iyo…

Buo na ang surpresa. Nasa piling ka na ngayon ng TUNAY na nagmamahal sa iyo…

(Kukunin sa ilalim ng lamesa ang isang kahon ng regalo. Padabog ilalapag sa gitna ng hapag kainan.)

Buksan mo. (Galit.) BUKSAN MO!! ‘Wag AKO…ayokong maki-MIRON sa surpresa ng may surpresa… kasi nga, kadalasan, AKO PA ang nasusurpresa… (Magdadabog.)

Ikaw ang magbukas.

PARA sa iyo ‘yan. Hindi ako kasali d’yan… KUNWARI…

(Sisirain ang pabalat ng regalo. Padabog na ilalabas ang dalawang pabangong magkatulad galing sa kahon.)

Isa, para sa iyo. Isa, para sa akin. Para sa tuwing di ka kapiling maamoy ang feeling… nating dalawa… (Aaksayahin ang kanyang regalo at pababanguhan ang paligid.).

O masaya ka na? (Saglit.) PAMINSAN Minsan naman… ako naman ang pasasayahin mo ha?

Masaya ako para sa ‘yo. Masaya ako’t kahit saglit napasaya kita. Sana nga lang maalala mo’ng lahat ng ito parati… Ako… (Habang pinupunit ang pabalat ng regalo.)… hinding hindi ko ito malilimutan… (Iiyak.)

PUPUSTA AKO. Iiyak ka. (Saglit.) Dahil masaya ka. Iiyak ako. (Saglit.) Dahil hindi na ako mag-iisa. SABI KO NA NGA BA… Pati ba yun nakabisa ko?

Mahal, ipadama man nila sa akin na hindi ako karapat dapat para sa iyo… Magmukha man akong TANGAng naghihintay sa iyo… dahil narito ka ngayon… kasama ko… kapiling ko… tumupad sa iyong pangakong kailanma’y ‘di ako mag-iisa… Mali SILA… at tama ka… kaya mahal kita. (Maglulupasay sa sobrang sama ng loob.)

Para sa ‘yo ang lahat ng ito… pati ito… (Saka pipindutin ulit ang PLAY. Muling tutugtog ang “theme song” nila. Tatayo sa lungkot at kukunan niya ng litrato ang sarili niyang umiiyak. Uubusin niya ang pelikula ng camera. Babagsak sa sahig at susubukang tipunin muli ang mga nagkalat na ketchup sachets. Crescendo.) Ayoko na! Ayoko naaaaa… AYOKO NA!!

(Matapos ang tugtog. May maririnig na doorbell. Magpupunas ng luha. Lalakad siya patungong pinto, offstage.)

MAHAL: (Offstage. Malambing.) …Surprise…

NAGMAMAHAL: (Gulat.) O, mahal… ba’t nandito ka?

TELON

* No part of these plays may be staged without a written permission from the author.For performance rights and inquiries email ktfi2001@yahoo.com or call 433.7886 /text (0917)9726514.

No comments: