Search This Blog

AYAYAYAYAYA!!


(Isang dulang may isang yugto)
ni Njel de Mesa
*unang itinanghal sa Koine One Acts Theater

TAUHAN:
DOTTIE, isang mag-aaral sa kolehiyo
YAYA, isang katulong sa bahay, 40-50 anyos, Bisaya

TAGPUAN. Sa may sala ng isang pribadong bahay. May malaking lamesa sa gitna ng entablado. Sa dulo ng mesa may placemat, pinggan, at basong naihanda para sa pananghalian ni Dottie. Subsob sa mga nagkalat na pinagaaralang libro sa ibabaw ng mesa ang ulo ni Dottie. Nakatulog siya sa tindi nang pag-aaral para sa kanyang papalapit na ‘pabigkas na eksaminasyon’ sa klase niya sa Pilosopiya. Papasok si Yaya. Ilalapag sa placemat ang mga kubyertos at mapagmahal niyang susubukang ligpitin ang mga nagkalat na libro ni Dottie. Magkakandahulog ang mga libro. Titigil sa pagliligpit si Yaya at baka magising si Dottie. Biglang kikiriring ang telepono na nasa di kalayuang lamesita. Maalimpungatan mayamaya si Dottie sa kanyang pagkakahimbing. Magpupunas ng laway. Saka tatawagin si Yaya.

DOTTIE: (Pasigaw at bugnutin.) YAYA… paki sagot naman… (Patuloy sa pagkiriring ang telepono.) …YAYA!! Paki sagot naman… (Papasok na humahangos si YAYA.)

YAYA: (Sasagot ng magalang.) Helow… (Saglit. Makikinig.) …si Mrs. San Juan po …ay, sori po …wala po siya …lumabas. Tawag na lang po kayo ulit. Babay. (Ibababa ang receiver ng telepono saka tatakbo palabas.)

(Muling kikiriring ang telepono.)

DOTTIE: YAYA!!

YAYA: ‘And’yan na… (Magalang muling sasagutin ang tawag.) Helow… (Saglit. Makikinig.) …si Mrs. San Juan po…ay, sori po… wala po siya… lumabas. Tawag na lang po kayo ulit. Babay. (Ibababa ang receiver ng telepono saka tatakbo palabas.)

(Muling kikiriring ang telepono.)

DOTTIE: Sino ba ‘yang tawag nang tawag na ‘yan?

YAYA: Sabi si Mrs. San Juan daw… E, wala naman dito ang mommy ninyo kaya pinapatawag ko ulit… mukha namang masunurin… tawag nang tawag, eh. (Sasagutin ang telepono.) Helow… Ano po? (Saglit.) …San Juan residence? Ay, hindi po… sa Quezon City po ito, eh…

(Maiinis at maiintriga si Dottie. Hahablutin niya ang telepono mula kay Yaya. Siya na ang sasagot.)

DOTTIE: YES, this IS the San Juan Residence. Dorothy San Juan speaking. (Saglit.) O, Mommy… Bakit po? (Saglit.) Lunch? Hindi pa po. (Saglit.) Si Yaya po yung kanina pang sumasagot. (Saglit.) Aaah,… kanina pa kayo tumatawag… binababa niya yung telepono… Sandali lang po… (Kay Yaya.) …Mommy ko …Gusto kang makausap… (Iaabot ang telepono.)

YAYA: (Sa telepono.) Ay, Ma’m! May tumawag sa inyo ngayon ngayon lang… dalawa po… (Saglit.) Walang anuman po… ba’t po kayo tumatawa…(Saglit.) …Opo…ginagawa ko lang naman po ang trabaho ko… Salamat po… Eto na po si Dottie… (Ibabalik kay Dottie ang telepono.)

DOTTIE: (Tumatawa.) O, anong sabi…

YAYA: Wala lang. Tawa lang nang tawa. Bakit po kayo tumatawa?

DOTTIE: Wala lang din. (Kakausapin ang kanyang Mommy sa telepono.) O, Mom… (Saglit) Thanks… Yeah… palpitatingly nervous for my orals… at medyo nakatulog nga ako sa ibabaw ng mga readings ko, eh… (Aayusin ang mga libro niyang nagkalat sa mesa. Makikitang bawat pangungusap sa lahat ng pahina ng kanyang mga readings ay naka-highlight na.) AT PAGISING KO: EVERY PAGE OF MY READINGS ARE DRENCHED IN STABILO BOSS INK!! (Aakyat ang lahat ng dugo sa ulo.) Yaya! Sino’ng gumawa nito?!

YAYA: Ay, ako po, nakatulog po kasi kayo, e… kaya tinulungan ko na kayo mag-color. (Magpupunas ng alikabok.)

DOTTIE: (Imbes na magalit, mapapabulalas ng tawa.) Hahaha!! Haaay… Yaya… (Sa telepono.) It’s just a small hitch, Mom… Yaya thought my readings were coloring books… Fell asleep pa kasi, e… Haha… I was actually studying by osmosis… ‘wag na kayo umuwi dito, no need… Alis na rin ako m’yam’ya… (Tatanong kay Yaya.) Ya, pakitingin kung anong oras na… (Tinuturo ang wristwatch niya sa lamesa kasama ng mga libro. Matagal na tititigan ni Yaya ang orasan wari’y sinusuri.)…Don’t worry ‘bout me …I’ll just have yaya make me an MSG-insta-meal, panawid-gutom. Para lang ‘di ako dighay nang dighay mamaya sa orals ko… (Patlang.) Stresssss… (Makikinig.) It’s getting to be more and more complicated, Ma… I mean, I like my course… but… but I feel so incompetent… so stupid… I want to do this but… I don’t know, feels like I don’t have the chops for it… Shift?… Maybe I should…(Kay Yaya. Inip.) YAYA!! Anong ORAS NAA?!!

YAYA: Uhm… Ganito na po… (Itataas ang mga braso. Gagayahin ang hitsura ng mga kamay ng orasan. ‘Di pala siya marunong magbasa ng relo.)

DOTTIE: Ma, sandali lang ha… (Papahawakan kay Yaya ang telepono. Saka nagmamadaling aabuting ang kanyang wristwatch. Makikita ang oras saka lulundag sa pagkabalisa.) AAAAAhhh,…Shucks, 1:30 na pala, nandito pa ako sa bahay!! (Babalik sa pakikipagusap sa Mommy niya sa telepono.) Mom, havta go! 4:30 orals ko… Don’t wanna rush… Havta come in calm… at baka ma-traffic pa ako! Kain na lang kayo d’yan sa tabi tabi, I’ll scrounge for food na lang din… Havta go, wish me luck. Love you. Mwah. Mwah. (Ibibigay kay Yaya ang telepono.)

YAYA: (Sa telepono.) Mwah. Mwah. (Kay Dottie.) Ibababa ko na po ‘yung telepono. (Saka ibababa.)

DOTTIE: Yaya, ba’t di mo ako ginising kaninang tanghalian?!! (Habang nagmamadali siyang nagliligpit ng kanyang mga panulat.)

YAYA: Eh, parang ang sarap ng tulog niyo, eh… naglalaway pa kayo sa sarap… at saka nagluluto po kasi ako nung binilin ninyong mami… Saglit lang po’t kukunin ko… (Lalabas para kunin ang mangkok ng isang instant mami.)

DOTTIE: (Sa sarili.) Nagluluto? Ng ano? (Saglit. Magyo-yoga pose.) Paano ako mag-aaral nito… Okaaay… pranayama… breathe in… out… don’t panic… you have time… you can do this… (Babasahin ang kanyang mga readings.) “The smallest act in the most limited circumstances… bears the seed of the same boundlessness and unpredictability; one deed, one gesture, one word may suffice to change every constellation. In acting, in contradistinction to working, it is indeed true that we can really never know what we are doing,”—“INDEED” ka d’yan. Now, can I panic? (Hahapawin ang mga readings.) …‘asan na kasi yung tungkol sa subdivisions ng vita activa …Haaay …Yaya, hindi mo ba alam: one word may suffice to change every constellation?!

YAYA: Ate, eto na po yung pinaluto ninyo… uhm… kaso… medyo sunog…

DOTTIE: Hindi naman kasi dapat niluluto ‘yan… INSTANT nga, eh…

YAYA: Ano na naman kasing bagong pa-uso ito? (Masigla.) Ang tanong ng bayan: kakainin mo pa ba ito? (Iaabot ang mangkok.)

DOTTIE: (Abala sa pag-aaral.) Oo. Este… hindi… Basta. Ano ka ba?

YAYA: Wag po kayong magpanic. Kaya n’yo po ‘yan. Pagsubok lamang ‘yan. Umahon kayo. Laban kung laban.

DOTTIE: Ikaw na lang kaya ang mag-orals mukhang mas pilosopo ka pa sa ‘kin, e.

YAYA: (Mapagmahal at inosente.) Sige po.

DOTTIE: Hindi, sige ako na lang. (Pabulong.) Kung ako nga nagmumukhang tanga sa course ko… ikaw pa kaya…

YAYA: Uhm… Ano na po ang gagawin ko dito?

DOTTIE: Itapon mo ‘yang mami…

YAYA: Hindi ko po ‘ata kayang gawin ‘yan kay Ma’m…

DOTTIE: Sabi ko, “IYANG mami”… Hindi: “SI MOMMY!” …ano ba?

YAYA: ‘Sensya na po. Tao lang. (Patanong.) Tapos po?

DOTTIE: Kumuha ka ng panibago, marami pa tayong ganyan sa cabinet… tapos… o, makinig ka nang mabuti… number one: tanggalin mo ‘yung pabalat na plastic at buksang mo nang bahagya ang papel na panaklob.

YAYA: Opo.

DOTTIE: Number two: kumuha ka ng maiinit na tubig at ibuhos mo hanggang mapuno ang plastic na mangkok.

YAYA: Opo.

DOTTIE: Number three: buksan mo lahat ng kasamang sachet sa pakete at ibuhos mo ang bawat isa sa loob ng mangkok… Okay?

YAYA: Opo. (Patlang.) Ay teka, paki ulit po. Hindi ko po nakuha yung pagkatapos nung number two… (Nag-iisip.) …yung… yung… number… number…

DOTTIE: (Madiin at mas mabagal.) Number THREE: buksan mo lahat ng kasamang sachet sa pakete at ibuhos mo ang bawat isa sa loob ng mangkok… Okay?!

YAYA: Sandali po. Pina-prases ko pa. (Nag-iisip.) Gets. Okay na po.

DOTTIE: Number four: dalahin mo dito para makain ko… Malinaw?

YAYA: --pa sa araw… dadalahin ko na po ahora mismo…

DOTTIE: Sandali… let it stand for three minutes… okay? (Magaayos ng gamit.)

YAYA: Okay po. (Nakatayo at hindi gagalaw.)

DOTTIE: (Magliligpit ng sandali.) O, ano pang hinihintay mo?

YAYA: Three minutes po…

DOTTIE: Hindi ikaw! Yung mami!

YAYA: Aaaah,… Okay po. Akala ko po kasi… (Saglit.) Ibig po bang sabihin kailangan nakatayo ako habang tinitimpla yung mami?

DOTTIE: (Abala sa pagliligpit.) Oo. Este… Hindi. Basta. Ano ka ba?

YAYA: Wag po kayong magpanic. Kaya n’yo po ‘yan. Pagsubok lamang ‘yan. Umahon kayo. Laban kung laban. (Saka mabagal na lalabas.)

DOTTIE: (Inis. Marahan.) Yaya… paki bilisssssss…

YAYA: Ay, oo nga pala… (Papalabas.) ‘wag po kayong magpanic. Kaya n’yo po ‘yan. Pagsubok lamang yan—

DOTTIE: —Grr. (Pagkalabas ni Yaya. Hahapawin muli nang mabilis ang mga readings.) “…alone with his image of the future product, homo faber is free to produce, and again facing alone the work of his hands… he is free to destroy…”
(Kikiriring ang telepono.)

DOTTIE: (Nagmamadaling sasagutin.) Speak. (Makikinig. Manlalaki ang mata saka ibababa ang telepono.)

(Tititigan ang telepono. Takot. Mayamaya’y kikiriring muli ang telepono.)

DOTTIE: Yayaaaa…

(Titigil sa pagkiriring ang telepono.)

DOTTIE: Haay,… Salamat…

YAYA: (Papasok.) Po? Wala pa po’ng three minutes…

DOTTIE: A,… e… wala… akala ko may tumatawag sa telepono…

YAYA: Baka may kailangan pa po kayo? Mag-utos na lang din naman kayo… para sulit ang punta ko dito…

DOTTIE: O sige, ikuha mo ako ng shades at nakakasilaw itong pinag-aaralan ko. Thanks to you.

YAYA: Sa’n po nakalagay?

DOTTIE: Yaya, joke ‘yun. O siya, pakidala na nga lang sa akin yung pina-plantsa kong blouse kanina, please…

YAYA: Pinaplantsa?

DOTTIE: Oo. Yung Blouse?

YAYA: Akala ko sabi niyo I-Press…

DOTTIE: Oo nga.

YAYA: Kaya nilagay ko sa pridyider…

DOTTIE: Aaahh… pina-“press” ko kaya nilagay mo sa “prezzer”… Tama ba?

YAYA: Tapos ngayon papaplantsa niyo. Ano ba?

SABAY: (Pabulong.) ‘Gulo mo naman kausap.

DOTTIE: Kumikiriring na naman utak mo, Yaya.

(Biglang kikiriring ang telepono.)

DOTTIE: (Takot.) Ayayayayayaaa!! ‘Ayan na siya… Pakisagot… (Titigil sa pagkiriring bago pa damputin ni Yaya ang receiver ng telepono.)

YAYA: Haha. Mukhang kayo ang may kiriring…

DOTTIE: Hmp. (Napahiya kaya bagot.) ‘Asan na ang mami ko?

YAYA: Wala po siya. Lumabas.

DOTTIE: (Inis.) Eto na naman tayo. Yung may sabaw… hindi yung tao…

YAYA: (Mag-Aamerican accent.) Oh, is still ther… Istanding… I’ll check if it’s sitted olreydi…

(Lalabas.)

(Kikiriring ang cellphone.)

DOTTIE: Ano baaaa? Tumahimik ka na… Hindi kita type! (Ilalagay sa silent ang telepono.) Umm… Isa-silent kita d’yan. Sige, magsawa ka sa kiriring ko… este… (Titignan kung naulinigan ni Yaya saka babalikan ang mga readings.) “…activities to attend to life’s needs,”… Kasi naman Yaya, ano’ng ginawa mo sa mga readings kooooo! “…Homo faber becomes lord and master… violates what was given to him,”…I feel so violated. Hannah Arendt aren’t you going to help me!!

YAYA: (Papasok dala ang mangkok na plastic.) Eto na po… kaso…

DOTTIE: Kaso?

YAYA: Mukhang nasunog na naman…

DOTTIE: Ginawa mo bang lahat ng sinabi ko?

YAYA: Opo.

DOTTIE: Tinanggal mo ba yung pabalat na plastic at binuksang bahagya yung papel na panaklob?

YAYA: Opo.

DOTTIE: Mainit na tubig ba ang binuhos mo dito sa plastic na mangkok?

YAYA: Opo.

DOTTIE: Lahat ng sachet na kasama sa pakete binuhos mo ba dito sa loob nitong mangkok?

YAYA: Opo. Pati nga po yung libre…

DOTTIE: Libre?

YAYA: May libre po kasing kape na kasama du’n sa pakete.

DOTTIE: E, kaya naman pala nagmukhang sunog…

YAYA: E, sabi niyo po…

(Biglang kikiriring ang telepono.)

DOTTIE: Yayaaaaa…Paki sagot?

YAYA: Bakit po ayaw n’yong sagutin?

DOTTIE: Yung manliligaw kong mahanging mestisong bangus yata ‘yang tumatawag para mangulit… (Habang nagkukumahog mag-aral.)

YAYA: Aaah,…yung mukhang multo… kaya naman pala kayo pinagpapawisan nang malamig… Ano po’ng sasabihin ko sa kanya? (Kinikilig.) Oo? O Hindi?

DOTTIE: ‘Pag hinanap ako… uhm… sabihin mo wala, lumabas, natutulog, o may ginagawa… (Patuloy sa pagkiriring.)

YAYA: O, sige. (Sasagutin ang telepono.) Helow? (Nahihirapang makinig.) Ano? (Kay Dottie.) Hindi ko maintindihan, Eeengglishh yata… (Balik sa pakikipagusap sa mestisong bangus.) Who are you? Who are you calling? (Saglit.) And why? (Makikinig.) A, sandali lang po…kindly hold yours… (Kay Dottie.) It’s for you po… (Iaabot kay Dottie.)

DOTTIE: (Inis.) Sabihin mo nga wala, lumabas, natutulog, o may ginagawa…

YAYA: Ay, oo nga pala… (Sa mestisong bangus.) I’m sowri… she’s …wala, lumabas, natutulog, o may ginagawa… (Saglit. Makikinig.) Oh no, I’m not lying… I’m standing like the Instant Mami. Bye. Mwah. Mwah. (Babagsakan ang kausap.)

DOTTIE: Hehe. Ayos. Mukhang hindi na nga tatawag ‘yun.

YAYA: Hehe. Bakit po?

DOTTIE: Sikretong malupit. Salamat sa tulong ha.

YAYA: Ahh, walang anuman po. Trabahong katulong ang makatulong. (Aawit.) Ako ang kapit-bahay…kapit-bahay mo, laging handang tumulong sa inyo… kilala niyo ako—

DOTTIE: --At kahit hindi mo sinasadya, nakakatulong ka nga…

YAYA: Ay, madalas po sinasadya ko po talagang makatulong…

DOTTIE: Huh?

YAYA:…katulad kaninang nakita kong nakatulog kayo kaka-aral… Kita kong pagod na kayo kaya tinulungan ko na kayo—

DOTTIE: --Ganda. Salamat. (Ngiting aso.) Mas mapapadali ang pagaaral ko sa ginawa mo.

YAYA: Walang anuman. Sabihin n’yo lang kung ano’ng maitutulong ko’t sa abot ng aking makakaya—

DOTTIE: (Hahagilapin saka babasahin ang kanyang Thesis questionaire.) –Explain: Men in plural, that is, live and move and act in this world can experience meaningfulness only because they can talk with and make sense to each other and to themselves.”

YAYA: Hmm… Pwede po bang paki translate sa Eeenglish? ‘Di ko maintindihan, eh.

DOTTIE: (Mapapaisip.) Yaya, bakit ba ito ang pinili mong pasukang trabaho?

YAYA: Gusto ko kasing maging katulong…

DOTTIE: Wish granted… tapos…

YAYA: Tapos… maging mas masipag na katulong ninyo…

DOTTIE: Masipag ka na… sobra na nga’t pati yung mga plastic nating halaman sa labas dinidiligan mo…

YAYA: …may mas malalim pa po ba dapat akong isagot?

DOTTIE: Ibig bang sabihin… ‘eto lang talaga ang gusto mo …wala ka bang ambisyon?

YAYA: Meron po.

DOTTIE: Ano?

YAYA: Makatulong ng mas marami.

DOTTIE: Ha? Tapat na ba ‘yan talaga?

YAYA: (Kikiligin.) Ay, gusto ko ‘to parang “Pera o Bayong”! Uhm, my answer is: Eto talaga ang gusto kong gawin. (Kakaway ng parang beauty pagent contestant.) Kaya kahit magmukha akong tanga—(Kabig.) pero paminsan lang naman ha—“Solid Yaya for Dottie forever” pa rin ako! Maaga ko kasing natutunan na sa lahat naman ng trabaho magkakamali ka… magmumukha kang tanga… Kaya sabi ko: mabuti pa’ng magmukhang tanga nang marami natutulungan kaysa, matalino ka nga pero sa sarili mo lang ang isip mo.

DOTTIE: Wow. May sagot na ako sa thesis question number two…

YAYA: Ewan ko ba, dito sa Maynila lahat ng tao parang walang paki-alaman sa isa’t isa. Bahala ka sa sarili mo… Buntot mo, hila mo. Kaya tuloy ang daming nakawan dito. Ayon kasi sa mga matatalino… malas mo, bobo ka. E, kung tutuusin pinalad lang silang ipanganak nang mayaman kaya nakalamang sila ng maraming paligo kaysa sa iba.

DOTTIE: Hmmm… (Babasahin ang kanyang Thesis questionaire.) “among intellectuals, only solitary individuals are left who consider what they are doing in terms of work and not in terms of making a living…”. That’s thesis question number three…

YAYA: Kami sa probinsya, iba kami magisip…iniisip namin: kung ano’ng higit na makakatulong… sa aming mga kapamilya, sa kalikasan, at sa bayan… Kaya kami lumuwas dito para tulungan kayong mga Manilenyo… gawin ang mga bagay na hindi n’yo kayang gawin para sa sarili ninyo… katulad ng wastong pagluluto ng mami… lahat ‘ata kayo dito limang tasang kape ang tinitira araw araw… Gusto n’yo madali madali… pati tuloy pagluluto ng mami niyo gusto niyo may kape! Haay…

DOTTIE: (Magbabasa.) “It is a society of laborers which is about to be liberated from the fetters of labor, and this society does no longer know of those other higher and more meaningful activities for the sake of which this freedom would deserve to be won.”(Matapos ng ilang saglit ng katahimikan.) Yaya…

YAYA: Po?

DOTTIE: Salamat ha…

YAYA: Sa’n?

DOTTIE: …sa pagtityaga…sa mga pagkukulang ko. Salamat. Kailangan ko ngang marinig ‘yang mga ‘yan… (Habang nagsusulat ng notes.) Biruin n’yo, sa tagal n’yo dito ngayon lang ako nakapagpasalamat… (Ngingiti.) Salamat.

YAYA: Hehe. Sana nakatulong… (Aawit.) “Ako ay kapitbahay”… ay, teka… stay-in ako… hindi ako kapitbahay…

DOTTIE: Nakatulong nang marami, hindi lang sa pagco-color kundi sa mismong pag-aaral ko sa Pilosopiya…ngayon may maisasagot na siguro ako sa orals ko… Tawag n’yo naman ako ng taxi sa labas, o…

YAYA: Ahora mismo. (Lalabas saka magsisisigaw.) TAKSI!!! TAKSI!!!

DOTTIE: (Pasigaw. Kausap ang Yaya.) YAYA, SA LABAS NG SUBDIVISION HINDI SA TAPAT NG PINTO!!

TELON


* No part of these plays may be staged without a written permission from the author.
For performance rights and inquiries email
ktfi2001@yahoo.com or call 433.7886 /text (0917)9726514.

MALAY MO, TRUE LOVE

ni Njel de Mesa

TAUHAN:
LALAKE1, 20-years old, college student.
LALAKE2, 20-years old, college student.
ALEX, isang magandang bading.

(Sa loob ng isang dormitoryong apartment, makikitang nagtatago si Lalake2 sa likod ng kanilang refrigerator. May maririnig na nakabibighaning boses ng babaeng nanghaharana sa labas—inaawit ang “In Your Eyes,” version ni Regine Velasquez. Papasok sa salas si Lalake1—na naalimpungatan dahil sa nanghaharana—para uminom ng tubig.)

LALAKE1: (Bubuksan ang ref. Matitigilan.) Uy. (Dudungaw sa bintana.) Meh nanghaharanang baklang may bigote sa baba… Baka para sa ‘yo, pare. Yihee.

LALAKE2: Huwag ka nga maingay. Baka isipin nila meh tao dito.

LALAKE1: (Sisigaw.) Oy, WALANG TAO DITO!!

LALAKE2: (Pabulong.) ‘Nu ba?!

LALAKE1: Malay mo para sa ‘kin. (Bubuksan ang ref. Iinom sa bote ng tubig.)

LALAKE2: Sana nga, para hindi ko na kelangan magtago dito sa likod ng ref.

LALAKE1: (Bubulalas habang umiinom.) Hahaha—aray ko—haha… ulul—hindi nga?!! (Katahimikan. Hindi iimik si Lalake2.) HAHAHA!! Ang gwapo mo talaga, ‘tol! Pati bakla namamagnet mo!

LALAKE2: SSShhh… Ang kulit! Sinabi na’ng ‘wag maingay, e.

LALAKE1: Korni mo, pare. Minsan na nga lang tayo magkaro’n ng bisita dito sa dorm—na medyo…hehe… iba ang kasarian—pagtataguan mo pa…

LALAKE2: Matulog ka na nga. (Magbabanta.) O gusto mong patulugin kita.

LALAKE1: Tagal! Tapang tapangan ka d’yan… e, sa bakla mong manliligaw hindi ka makapalag. Sige lang, hihingi ako sa kanya ng resbak… patay ka kapag ni-wrestling ka n’yan. Wala kang kawala. Tapos, pagkatapos ng match—kala mo walang nangyari sa ‘yo—‘pag bihis mo… nawawala na ang brip mo. Magic!

LALAKE2: Sasapakin talaga kita, pare.

LALAKE1: E ba’t ba takot na takot ka d’yan… e, mukha namang sexy? Uy, ‘yun pala dapat ang tawag sa kanila… “Mang sexy”. Mamang koka-kola ang body. Sexy na, macho pa! Ahay… nakakatakot nga!

LALAKE2: (Ipapakita ang card kasama ng mga bulaklak na nasa ibabaw ng ref.) Pare, kung ikaw ang abutan nito hindi ka ba matatakot?

LALAKE1: (Babasahin ang card.) “Alam ko namang hindi mo masusuklian ang aking pagmamahal. Pero hindi ko na matiis na sabihin sa ‘yong… mahal kita. May pag-asa bang maari mo rin akong mahalin? Love… Alex”. (Saglit.) Naku, patay tayo d’yan!! “P.S. Aawitan kita mamayang gabi.”…kelan ‘to binigay sa ‘yo?

LALAKE2: Pagkatapos ng last class ko kanina. Sssh.

LALAKE1: Sagutin mo na kasi. Ganda naman ang boses. (Sasabayan ang pagkanta sa labas pero mali mali ang lyrics.) “In your smile… I can kiss my drift reflections…”

LALAKE2: Ssshh… Samahan mo nga ako dito sa likod.

LALAKE1: ‘Yoko. (Kakanta.) “…I can see the reasons why a love’s aray…”

LALAKE2: ‘Lika dito!

LALAKE1: Kiss muna. (Saglit.) Bakla.

LALAKE2: (Mang-aasar.) Sige. (Saglit.) Bakla.

LALAKE1: (Sisigaw sa labas.) Oy, kiss daw!!

LALAKE2: Ano ba?! Halika dito, may sasabihin ako sa ‘yo.

LALAKE1: E di sabihin mo. Ganda ng view dito, e. (Nagmamasid.) Kaya pala bawal ang TV dito sa dorm… para mas ma-appreciate natin ang live-entertainment. (Matitigilan.) Uy, men… kumpleto pala ang banda… may guitarista, pianista… at heto ka, may pari pa—handang handa, a… for a grand total of?

LALAKE2: Humanda ka sa ‘kin ‘pag umalis ‘yang mga ‘yan.

LALAKE1: Naks. ‘Yan ang gusto ko sa ‘yo; lalakeng lalake habang nagtatago sa bakla. O, baka naman baklang bakla habang nagtatago sa lalake? Mwehehe… kadiri ka. Tagal na natin dito sa dorm, gan’to ko pa malalaman…

LALAKE2: Sira ulo ka talaga.

LALAKE1: Yung ilang beses mo akong nadantayan sa pagtulog… pinagsasamantalahan mo na pala ako nu’n?! Yak! Kadiri ka, rapist.

(Biglang titigil ang pagkanta ng nanghaharana. Sandaling katahimikan.)

LALAKE2: Lagot ka. Ginalit mo yung bakla.

LALAKE1: Inamin mo na rin.

LALAKE2: Na ano?

LALAKE1: Na galit ka!! Hahaha!! Bakla!

LALAKE2: (Lalabas sa pinagtataguang ref. Hahabulin para dambahin si Lalake1.) Ako, naasar na ako, a. Halika nga rito… masyado ka nang ma-epal.

(Maghahabulan sandali. Matitigilan. May maririnig na mga yapak tila papanik na hagdan.)

LALAKE1: Sssh. Pare, papanik ‘ata. (Makikinig.)

LALAKE2: Pare, ano’ng gagawin natin?

LALAKE1: Pare, depende ‘yan sa kung anong gagawin n’ya. Nag-toothbrush ka na ba? (Babatukan ni Lalake2 si Lalake1.) Are’ ku…

LALAKE2: Seryoso, pare… ano’ng gagawin natin?

LALAKE1: Sandali, gigisingin ko si Bossing…

LALAKE2: Huwag, dyahe. Baka mam’ya kung anu-ano pa’ng isipin nu’n, paalisin pa ako dito.

LALAKE1: Takot ka’ng mamiss ako, ‘no?

LALAKE2: (Nanduduro.) Pare… tumigil ka na… seryoso… naasar na ‘ko.

LALAKE1: Andali mo naman mapikon. Dapat secure ka sa sexuality mo, men… (May kakatok sa pinto. Mapapatili.) AAaaaii!!

LALAKE2: Parang ikaw?

(Kakatok ulit. Dali-dali silang magtatago sa likod ng ref.)

LALAKE1: Bisita mo ‘yan, ikaw sumagot.

LALAKE2: Matutulog na ako. Bahala ka na d’yan, pare. Goodlak. Goodnayt. (Susubukang umalis at magtago sa kwarto.)

LALAKE1: (Sisigaw.) PATAWAD! (Matitigilan si Lalake2.)

ALEX: (Offstage.) Good evening, ho. Hihi. Hindi po kami nangangaroling. Dito po ba nakatira si—

LALAKE2: (Tatakpan ang bibig ni Lalake1.) Uh… hindi! HINDI SIYA DITO NAKATIRA!!

ALEX: ‘Wag ka nang magtago. Si Alex ‘to. Gusto ko lang naman makipag-usap. Tapos, hindi na kita gagambalahin pa ever.

LALAKE1: Pare, ganda ng boses… babaeng babae. Patulan mo na.

LALAKE2: (Takot. Kay Alex.) Bakit ka ba nandito? Wala naman akong ginawa sa ‘yo, a!!

ALEX: Meron! Pinalaya mo ako. Dahil sa ‘yo lumabas na ako sa pinagtataguan ko… para sa ‘yo. Hindi mo ba kayang magkunwari, atleast… that you’re happy for me… at lumabas na rin sa pinagtataguan mo!

LALAKE1: (Sisigaw.) Alex, I LOVE YOU—

LALAKE2: (Susupalan ang bibig ni Lalake1.) --and all the people in the world!

ALEX: Alam ko ‘yan. Kaya nga nahulog ang loob ko sa ‘yo dahil pantay-pantay ang pagtingin mo sa lahat ng tao.

LALAKE2: Yung iba kasi hindi ko na tinitignan.

LALAKE1: Sa’n mo ba ‘to nakilala’t patay na patay sa ‘yo? (Ikukumpas ni Lalake2 ang kamay niya nang “hindi ko alam”.)

ALEX: Please… I just need to give you something…

LALAKE1: (Kay Lalake2.) Pare… give you something daw… Yihee.

LALAKE2: Kung ikaw nasa sitwasyon ko… ano’ng gagawin mo?

LALAKE1: E di, pagbibigyan… wala namang masama, a… uy, pare… ke babae, lalake, tomboy, bakla… mahirap magtapat ng pag-ibig ‘no. Eto mukhang nag-rehearse pa, e.

ALEX: Please?

LALAKE1: Mag-AHIT KA MUNA!! (Tatawa tawa.)

(Sandaling katahimikan. Maririnig nilang bumababa si Alex at saka sasakay ng kotse.)

LALAKE1: (Tinatanaw sa bintana.) Lagot ka, pare… nag-ahit nga! ‘Pag nagkessing-kessing kayo mam’ya n’yan… parang hinahalikan mo, kili-kili n’ya. Parehong pang-ahit ang ginamit, e.

LALAKE2: Ano naman ang sasabihin ko sa kanya?

LALAKE1: E, di ulitin mo lahat ng sasabihin niya para makulitan at kusang umalis…

LALAKE2: Ha?

LALAKE1: Sampol. Kunyari ako… ikaw. Tapos, ikaw si Alex.

LALAKE2: Ahem… Mahal kita.

LALAKE1: Mahal kita.

LALAKE2: Talaga?

LALAKE1: Talaga?

LALAKE2: Oo!

LALAKE1: Oo!

LALAKE2: So, tayo na?

LALAKE1: So, tayo na?

LALAKE2: Oo.

LALAKE1: Oo.

LALAKE2: Tawagin ko na ‘yung pari?

LALAKE1: Tawagin ko na ‘yung pari?

LALAKE2: Yes.

LALAKE1: Yes.

LALAKE2: I do.

LALAKE1: I do.

LALAKE2: (Babatukan si Lalake1.) ‘Langhiya ka, papahamak mo pa ko. E, masasakal ako ng di oras ng ganyan, e…

LALAKE1: Hooo… kinilig ka naman.

ALEX: (Offstage.) Ginawa ko na’ng gusto mo. Gusto mo bang makita?

LALAKE1: (Sasagot.) Okey! Sandali lang… (Tutulak si Lalake2.)

LALAKE2: Ba’t ka ba umeepal?

LALAKE1: Give gays a chance. Malay mo, true love.

LALAKE2: Bakit ikaw; will you give gays a chance?

LALAKE1: Pare, ‘wag mong ipasa sa ‘kin problema mo. Ibulong mo sa hangin. (Magfa-flying kiss.)

(Bubuksan niya ang mga ilaw sa salas at saka ang pinto. Mahinhing papasok ang isang napaka-gandang bading naka-evening cocktail dress.)

LALAKE1: (Biglang lalabas sa pinagtataguan.) Tuloy ka.

ALEX: (Kay Lalake1.) Salamat. (Kay Lalake2.) Hi.

(Sisikuhin si Lalake2 ni Lalake1.)

LALAKE2: Hi.

LALAKE1: Maupo ka, miss.

LALAKE2: (Mang-aasar.) Gusto mo, iwanan ko na kayong dalawa? Mukhang mas tipo mo ‘ata, e.

LALAKE1: Masama ba na wala akong dress-crimination?

LALAKE2: Malay mo, na-love-at-first-sight ka. (Kay Alex.) Maupo ka… ahm… miss?

ALEX: Salamat.

(Mauupo si Alex at ang dalawang Lalake sa sofa. Magkaka-ilangan ang tatlo. Sandaling katahimikan.)

LALAKE1: Hi… (Patlang.) uhm… Alex… ano ‘yun—short for… Alexa, Alexy?

ALEX: Alexander.

LALAKE1: Aaa… Alexander… (Babaguhin ang usapan.) Pogi talaga ng roommate ko, ‘no? (Ngingiti lang si Alex.)

LALAKE1: Uhm… Alex? Baka may gusto kang sabihin kay Lalake.

ALEX: (Asiwa.) Uhm…

LALAKE1: (Kinakabahan. Kay Lalake2.) Ikaw lalake… baka may gusto kang sabihin kay lalake—I mean… (Kakabig.) …ah… eh… kay Alex na sexy at ubod ng gandang mukha nang babae…

(Katahimikan.)

LALAKE1: Yihee. Kinikilig ako.

(Katahimikan.)

LALAKE1: Uy, tahimik… dasal muna tayo.

(Katahimikan.)

LALAKE1: (Kay Alex.) Alam mo, ganda ng legs mo. (Saglit.) Paano mo inaahit ‘yang facial hair mo sa legs?

(Walang kikibo.)

LALAKE1: Okeyyy… akala ko lahat ng bading madaldal… (Sabay si Alex at Lalake2 titingin kay Lalake1.) …sige, tatahimik na ako.

ALEX: (Kay Lalake2.) Mahal kita.

LALAKE2: Talaga?

ALEX: Oo.

LALAKE1: So kayo na?

ALEX: (Kay Lalake2.) Oo?

LALAKE1: (Humahagigik.) Tatawagin ko na yung pari?

LALAKE2: Ano ka ba? Ginagawa mo kaming katatawanan pare, e. Wala namang bastusan!

ALEX: (May huhuguting liham at saka babasahin.) “Alam ko, siguro… na ayaw mo sa mga katulad ko dahil kung tignan mo ako’y multo sa paningin… pero ako’y tao lamang na nadadarang at natutukso rin… Maiaalis mo ba sa ‘kin na matutunan kang mahalin? Hindi ko rin alam kung bakit ako nagkagan’to. Bigla na lang sa umaga’t sa gabi, sa bawat minutong lumilipas… hinahanap-hanap kita. Hinahanap-hanap kita. At tuwing kita’y nakikita ako’y natutunaw… parang ice cream na bilad sa ilalim ng araw. Ano bang gayumang ginamit mo? Huwag, huwag mo na’ng itanong sa akin… di ko rin naman sasabihin. Kaya inilihim ko na lang… Pero bulong ko sa hangin; kailan, kailan mo ba mapapansin ang aking lihim… kahit ano’ng gawing lambing ‘di mo pinapansin. Di ko na kayang pigilin ang damdamin. Di ko na kayang hangarin ay malihim. Tanging dasal ng puso kong alipin. Pag-ibig ko’y tanggapin. Himala? Kasalanan bang humingi ako sa langit ng isang himala dahil ikaw ang mahal ko. Ikaw ang mahal ko. Tunay na tunay. Hindi ‘to bola, sumagot ka ‘wag lang naman… ewan. Tatanggapin ko kahit ano’ng sagot mo… lagi naman akong sumusunod sa ‘yo. Mahal kita at ‘yan ang totoo. Honey, my love so sweet.”

LALAKE1: Wow. Medley.

LALAKE2: Alex, sandali lang ha. (Hahatakin si Lalake1 sa likod ng ref para magbubulay-bulay. Pabulong.) Pare, ano’ng sasabihin ko?

LALAKE1: Ewan ko sa ‘yo. (Saglit.) “I do”?

LALAKE2: Seryoso, pare. Kung ikaw ang pagtapatan ng ganyan?

LALAKE1: Hm. (Mag-iisip.) Itutulog ko muna.

LALAKE2: Pero hindi ka magagalit?

LALAKE1: Ba’t naman ako magagalit?

LALAKE2: Hindi ba nakakalalake? E, kasi di ba ‘pag may baklang nanliligaw sa ‘yo, ibig sabihin sa radar n’ya bading ka din?

LALAKE1: Ewan ko sa ‘yo, mhen. Basta ako secure ako sa sexuality ko. Patay tayo d’yan kung ‘yan nga mismo ang feeling mo ngayon! (Mang-aasar.) Ibig sabihiiin— (Hahagikgik.)

LALAKE2: (Padabog.) Eto na ‘yung balansé. (Dudukot sa wallet ng pera. Iaabot kay Alex)

ALEX: Pang-famas ba’ng acting? (Kukunin ang perang inaabot ni Lalake2.)

LALAKE2: Medyo O.A. lang na pinag-costume mo pa yung isa ng pari.

LALAKE1: (Nagtataka.) Tsong! Wasss happening?

ALEX: (Habang binibilang ang pera.) Kebs. Mukha namang shunga sa mga stunts natin yung roomie mo. Umiffect ba ang mahinhing drama ko kanina?

LALAKE2: Mukhang hindi natinag, e.

ALEX: Kaya ba tina-taiwan mo ang sweldo ko? Tita, kulang ang anda mesh… Mahal mahal umupa ng instrumentalists, ‘no.

LALAKE1: Sandali, hindi ko masundan ang flow ng kwento—

LALAKE2: (Kay Alex. Malungkot.) Bukas na lang. Itutulog ko muna ‘to.

ALEX: Kung hindi lang kita love. Sige na… oy, pero bukas ha.

(Aalis nang tahimik si Alex. Ikakandado ni Lalake2 ang pinto.)

LALAKE1: Men, ba’t ka naman uupa ng bading na manghaharana sa ‘yo?

(Mahabang katahimikan.)

LALAKE2: Baka sakaling mag-selos ka.

LALAKE1: Hindi ko ma-gets. Kanino?

LALAKE2: Sorry na lang ako. Hindi ka bading. Hindi ka nagselos, e.

(Sandaling katahimikan.)


LALAKE1: Gets ko na. (Saglit.) Pare… Ayos, a… ngayon lang ako hinarana ng bading.

LALAKE2: Parang gano’n na nga. Galit ka?

LALAKE1: (Humahagikgik.) Sorry ha. Wala talaga, e… “Pare” lang talaga.

LALAKE2: Okay lang. Atleast, I tried to tell you.

LALAKE1: Masarap ba feeling?

LALAKE2: Medyo. (Saglit.) Mas masarap nga lang kung napa-amin din kita.

LALAKE1: Pare, don’t be sad… you’re supposed to be gay.

LALAKE2: Tanga ka ba?

LALAKE1: Paminsan. But not now, if you like.

LALAKE2: Magtatapat ba ako kung hindi ako umaasa na sana—

LALAKE1: Quits lang tayo. Hindi naman kita binugbog.

LALAKE2: Anong konek?

LALAKE1: Kala mo. Oy, hindi nakakatawa, ha?! Antagal na natin magkakilala, gan’to ko pa malalaman.

LALAKE2: E, dahil nga sa ‘yo kaya ko nalaman gan’to ako. Sana nga lang, gan’to ka rin…

LALAKE1: Ano?! Gusto mo bugbugin kita para patunayang hindi kita type? O kaya… (Mag-iisip.) Tama! Kunyari na lang type kita, tapos kukwartahan na lang kita? Okay ba ‘yun?!

LALAKE2: (Nang-asar.) Oo na, hindi ka na bakla.

LALAKE1: Mga bakla, angal nang angal na pinandidirihan sila t’as ‘pag meh katulad ko na no big deal kung closetang bading sila… pagdududahan naman nila.

LALAKE2: (Sasang-ayon.) Oo na, hindi ka na bakla.

LALAKE1: (Saglit.) Sorry, kung tinawag kitang bakla kanina…

LALAKE2: (Maluluha.) Totoo naman, e.

LALAKE1: Onga, bakla ka nga… andrama mo, e… sabi na sa ‘yo; itulog mo muna ‘yan, e.

LALAKE2: Dito na lang siguro ako sa may sala.

LALAKE1: (May konting pag-aagam agam pero aakbayan si Lalake2.) Ano ba? Matulog na tayo. (Saglit.) Wala lang bastusan, ha?

LALAKE2: (Kunwaring galit.) Ah, hindi na ‘noh. (Kakalas, sabay magtatawanan.)

(Magdidilim sa entablado.)

TELON

* No part of these plays may be staged without a written permission from the author. For performance rights and inquiries email ktfi2001@yahoo.com or call 433.7886 /text (0917)9726514.