Search This Blog

MALAY MO, TRUE LOVE

ni Njel de Mesa

TAUHAN:
LALAKE1, 20-years old, college student.
LALAKE2, 20-years old, college student.
ALEX, isang magandang bading.

(Sa loob ng isang dormitoryong apartment, makikitang nagtatago si Lalake2 sa likod ng kanilang refrigerator. May maririnig na nakabibighaning boses ng babaeng nanghaharana sa labas—inaawit ang “In Your Eyes,” version ni Regine Velasquez. Papasok sa salas si Lalake1—na naalimpungatan dahil sa nanghaharana—para uminom ng tubig.)

LALAKE1: (Bubuksan ang ref. Matitigilan.) Uy. (Dudungaw sa bintana.) Meh nanghaharanang baklang may bigote sa baba… Baka para sa ‘yo, pare. Yihee.

LALAKE2: Huwag ka nga maingay. Baka isipin nila meh tao dito.

LALAKE1: (Sisigaw.) Oy, WALANG TAO DITO!!

LALAKE2: (Pabulong.) ‘Nu ba?!

LALAKE1: Malay mo para sa ‘kin. (Bubuksan ang ref. Iinom sa bote ng tubig.)

LALAKE2: Sana nga, para hindi ko na kelangan magtago dito sa likod ng ref.

LALAKE1: (Bubulalas habang umiinom.) Hahaha—aray ko—haha… ulul—hindi nga?!! (Katahimikan. Hindi iimik si Lalake2.) HAHAHA!! Ang gwapo mo talaga, ‘tol! Pati bakla namamagnet mo!

LALAKE2: SSShhh… Ang kulit! Sinabi na’ng ‘wag maingay, e.

LALAKE1: Korni mo, pare. Minsan na nga lang tayo magkaro’n ng bisita dito sa dorm—na medyo…hehe… iba ang kasarian—pagtataguan mo pa…

LALAKE2: Matulog ka na nga. (Magbabanta.) O gusto mong patulugin kita.

LALAKE1: Tagal! Tapang tapangan ka d’yan… e, sa bakla mong manliligaw hindi ka makapalag. Sige lang, hihingi ako sa kanya ng resbak… patay ka kapag ni-wrestling ka n’yan. Wala kang kawala. Tapos, pagkatapos ng match—kala mo walang nangyari sa ‘yo—‘pag bihis mo… nawawala na ang brip mo. Magic!

LALAKE2: Sasapakin talaga kita, pare.

LALAKE1: E ba’t ba takot na takot ka d’yan… e, mukha namang sexy? Uy, ‘yun pala dapat ang tawag sa kanila… “Mang sexy”. Mamang koka-kola ang body. Sexy na, macho pa! Ahay… nakakatakot nga!

LALAKE2: (Ipapakita ang card kasama ng mga bulaklak na nasa ibabaw ng ref.) Pare, kung ikaw ang abutan nito hindi ka ba matatakot?

LALAKE1: (Babasahin ang card.) “Alam ko namang hindi mo masusuklian ang aking pagmamahal. Pero hindi ko na matiis na sabihin sa ‘yong… mahal kita. May pag-asa bang maari mo rin akong mahalin? Love… Alex”. (Saglit.) Naku, patay tayo d’yan!! “P.S. Aawitan kita mamayang gabi.”…kelan ‘to binigay sa ‘yo?

LALAKE2: Pagkatapos ng last class ko kanina. Sssh.

LALAKE1: Sagutin mo na kasi. Ganda naman ang boses. (Sasabayan ang pagkanta sa labas pero mali mali ang lyrics.) “In your smile… I can kiss my drift reflections…”

LALAKE2: Ssshh… Samahan mo nga ako dito sa likod.

LALAKE1: ‘Yoko. (Kakanta.) “…I can see the reasons why a love’s aray…”

LALAKE2: ‘Lika dito!

LALAKE1: Kiss muna. (Saglit.) Bakla.

LALAKE2: (Mang-aasar.) Sige. (Saglit.) Bakla.

LALAKE1: (Sisigaw sa labas.) Oy, kiss daw!!

LALAKE2: Ano ba?! Halika dito, may sasabihin ako sa ‘yo.

LALAKE1: E di sabihin mo. Ganda ng view dito, e. (Nagmamasid.) Kaya pala bawal ang TV dito sa dorm… para mas ma-appreciate natin ang live-entertainment. (Matitigilan.) Uy, men… kumpleto pala ang banda… may guitarista, pianista… at heto ka, may pari pa—handang handa, a… for a grand total of?

LALAKE2: Humanda ka sa ‘kin ‘pag umalis ‘yang mga ‘yan.

LALAKE1: Naks. ‘Yan ang gusto ko sa ‘yo; lalakeng lalake habang nagtatago sa bakla. O, baka naman baklang bakla habang nagtatago sa lalake? Mwehehe… kadiri ka. Tagal na natin dito sa dorm, gan’to ko pa malalaman…

LALAKE2: Sira ulo ka talaga.

LALAKE1: Yung ilang beses mo akong nadantayan sa pagtulog… pinagsasamantalahan mo na pala ako nu’n?! Yak! Kadiri ka, rapist.

(Biglang titigil ang pagkanta ng nanghaharana. Sandaling katahimikan.)

LALAKE2: Lagot ka. Ginalit mo yung bakla.

LALAKE1: Inamin mo na rin.

LALAKE2: Na ano?

LALAKE1: Na galit ka!! Hahaha!! Bakla!

LALAKE2: (Lalabas sa pinagtataguang ref. Hahabulin para dambahin si Lalake1.) Ako, naasar na ako, a. Halika nga rito… masyado ka nang ma-epal.

(Maghahabulan sandali. Matitigilan. May maririnig na mga yapak tila papanik na hagdan.)

LALAKE1: Sssh. Pare, papanik ‘ata. (Makikinig.)

LALAKE2: Pare, ano’ng gagawin natin?

LALAKE1: Pare, depende ‘yan sa kung anong gagawin n’ya. Nag-toothbrush ka na ba? (Babatukan ni Lalake2 si Lalake1.) Are’ ku…

LALAKE2: Seryoso, pare… ano’ng gagawin natin?

LALAKE1: Sandali, gigisingin ko si Bossing…

LALAKE2: Huwag, dyahe. Baka mam’ya kung anu-ano pa’ng isipin nu’n, paalisin pa ako dito.

LALAKE1: Takot ka’ng mamiss ako, ‘no?

LALAKE2: (Nanduduro.) Pare… tumigil ka na… seryoso… naasar na ‘ko.

LALAKE1: Andali mo naman mapikon. Dapat secure ka sa sexuality mo, men… (May kakatok sa pinto. Mapapatili.) AAaaaii!!

LALAKE2: Parang ikaw?

(Kakatok ulit. Dali-dali silang magtatago sa likod ng ref.)

LALAKE1: Bisita mo ‘yan, ikaw sumagot.

LALAKE2: Matutulog na ako. Bahala ka na d’yan, pare. Goodlak. Goodnayt. (Susubukang umalis at magtago sa kwarto.)

LALAKE1: (Sisigaw.) PATAWAD! (Matitigilan si Lalake2.)

ALEX: (Offstage.) Good evening, ho. Hihi. Hindi po kami nangangaroling. Dito po ba nakatira si—

LALAKE2: (Tatakpan ang bibig ni Lalake1.) Uh… hindi! HINDI SIYA DITO NAKATIRA!!

ALEX: ‘Wag ka nang magtago. Si Alex ‘to. Gusto ko lang naman makipag-usap. Tapos, hindi na kita gagambalahin pa ever.

LALAKE1: Pare, ganda ng boses… babaeng babae. Patulan mo na.

LALAKE2: (Takot. Kay Alex.) Bakit ka ba nandito? Wala naman akong ginawa sa ‘yo, a!!

ALEX: Meron! Pinalaya mo ako. Dahil sa ‘yo lumabas na ako sa pinagtataguan ko… para sa ‘yo. Hindi mo ba kayang magkunwari, atleast… that you’re happy for me… at lumabas na rin sa pinagtataguan mo!

LALAKE1: (Sisigaw.) Alex, I LOVE YOU—

LALAKE2: (Susupalan ang bibig ni Lalake1.) --and all the people in the world!

ALEX: Alam ko ‘yan. Kaya nga nahulog ang loob ko sa ‘yo dahil pantay-pantay ang pagtingin mo sa lahat ng tao.

LALAKE2: Yung iba kasi hindi ko na tinitignan.

LALAKE1: Sa’n mo ba ‘to nakilala’t patay na patay sa ‘yo? (Ikukumpas ni Lalake2 ang kamay niya nang “hindi ko alam”.)

ALEX: Please… I just need to give you something…

LALAKE1: (Kay Lalake2.) Pare… give you something daw… Yihee.

LALAKE2: Kung ikaw nasa sitwasyon ko… ano’ng gagawin mo?

LALAKE1: E di, pagbibigyan… wala namang masama, a… uy, pare… ke babae, lalake, tomboy, bakla… mahirap magtapat ng pag-ibig ‘no. Eto mukhang nag-rehearse pa, e.

ALEX: Please?

LALAKE1: Mag-AHIT KA MUNA!! (Tatawa tawa.)

(Sandaling katahimikan. Maririnig nilang bumababa si Alex at saka sasakay ng kotse.)

LALAKE1: (Tinatanaw sa bintana.) Lagot ka, pare… nag-ahit nga! ‘Pag nagkessing-kessing kayo mam’ya n’yan… parang hinahalikan mo, kili-kili n’ya. Parehong pang-ahit ang ginamit, e.

LALAKE2: Ano naman ang sasabihin ko sa kanya?

LALAKE1: E, di ulitin mo lahat ng sasabihin niya para makulitan at kusang umalis…

LALAKE2: Ha?

LALAKE1: Sampol. Kunyari ako… ikaw. Tapos, ikaw si Alex.

LALAKE2: Ahem… Mahal kita.

LALAKE1: Mahal kita.

LALAKE2: Talaga?

LALAKE1: Talaga?

LALAKE2: Oo!

LALAKE1: Oo!

LALAKE2: So, tayo na?

LALAKE1: So, tayo na?

LALAKE2: Oo.

LALAKE1: Oo.

LALAKE2: Tawagin ko na ‘yung pari?

LALAKE1: Tawagin ko na ‘yung pari?

LALAKE2: Yes.

LALAKE1: Yes.

LALAKE2: I do.

LALAKE1: I do.

LALAKE2: (Babatukan si Lalake1.) ‘Langhiya ka, papahamak mo pa ko. E, masasakal ako ng di oras ng ganyan, e…

LALAKE1: Hooo… kinilig ka naman.

ALEX: (Offstage.) Ginawa ko na’ng gusto mo. Gusto mo bang makita?

LALAKE1: (Sasagot.) Okey! Sandali lang… (Tutulak si Lalake2.)

LALAKE2: Ba’t ka ba umeepal?

LALAKE1: Give gays a chance. Malay mo, true love.

LALAKE2: Bakit ikaw; will you give gays a chance?

LALAKE1: Pare, ‘wag mong ipasa sa ‘kin problema mo. Ibulong mo sa hangin. (Magfa-flying kiss.)

(Bubuksan niya ang mga ilaw sa salas at saka ang pinto. Mahinhing papasok ang isang napaka-gandang bading naka-evening cocktail dress.)

LALAKE1: (Biglang lalabas sa pinagtataguan.) Tuloy ka.

ALEX: (Kay Lalake1.) Salamat. (Kay Lalake2.) Hi.

(Sisikuhin si Lalake2 ni Lalake1.)

LALAKE2: Hi.

LALAKE1: Maupo ka, miss.

LALAKE2: (Mang-aasar.) Gusto mo, iwanan ko na kayong dalawa? Mukhang mas tipo mo ‘ata, e.

LALAKE1: Masama ba na wala akong dress-crimination?

LALAKE2: Malay mo, na-love-at-first-sight ka. (Kay Alex.) Maupo ka… ahm… miss?

ALEX: Salamat.

(Mauupo si Alex at ang dalawang Lalake sa sofa. Magkaka-ilangan ang tatlo. Sandaling katahimikan.)

LALAKE1: Hi… (Patlang.) uhm… Alex… ano ‘yun—short for… Alexa, Alexy?

ALEX: Alexander.

LALAKE1: Aaa… Alexander… (Babaguhin ang usapan.) Pogi talaga ng roommate ko, ‘no? (Ngingiti lang si Alex.)

LALAKE1: Uhm… Alex? Baka may gusto kang sabihin kay Lalake.

ALEX: (Asiwa.) Uhm…

LALAKE1: (Kinakabahan. Kay Lalake2.) Ikaw lalake… baka may gusto kang sabihin kay lalake—I mean… (Kakabig.) …ah… eh… kay Alex na sexy at ubod ng gandang mukha nang babae…

(Katahimikan.)

LALAKE1: Yihee. Kinikilig ako.

(Katahimikan.)

LALAKE1: Uy, tahimik… dasal muna tayo.

(Katahimikan.)

LALAKE1: (Kay Alex.) Alam mo, ganda ng legs mo. (Saglit.) Paano mo inaahit ‘yang facial hair mo sa legs?

(Walang kikibo.)

LALAKE1: Okeyyy… akala ko lahat ng bading madaldal… (Sabay si Alex at Lalake2 titingin kay Lalake1.) …sige, tatahimik na ako.

ALEX: (Kay Lalake2.) Mahal kita.

LALAKE2: Talaga?

ALEX: Oo.

LALAKE1: So kayo na?

ALEX: (Kay Lalake2.) Oo?

LALAKE1: (Humahagigik.) Tatawagin ko na yung pari?

LALAKE2: Ano ka ba? Ginagawa mo kaming katatawanan pare, e. Wala namang bastusan!

ALEX: (May huhuguting liham at saka babasahin.) “Alam ko, siguro… na ayaw mo sa mga katulad ko dahil kung tignan mo ako’y multo sa paningin… pero ako’y tao lamang na nadadarang at natutukso rin… Maiaalis mo ba sa ‘kin na matutunan kang mahalin? Hindi ko rin alam kung bakit ako nagkagan’to. Bigla na lang sa umaga’t sa gabi, sa bawat minutong lumilipas… hinahanap-hanap kita. Hinahanap-hanap kita. At tuwing kita’y nakikita ako’y natutunaw… parang ice cream na bilad sa ilalim ng araw. Ano bang gayumang ginamit mo? Huwag, huwag mo na’ng itanong sa akin… di ko rin naman sasabihin. Kaya inilihim ko na lang… Pero bulong ko sa hangin; kailan, kailan mo ba mapapansin ang aking lihim… kahit ano’ng gawing lambing ‘di mo pinapansin. Di ko na kayang pigilin ang damdamin. Di ko na kayang hangarin ay malihim. Tanging dasal ng puso kong alipin. Pag-ibig ko’y tanggapin. Himala? Kasalanan bang humingi ako sa langit ng isang himala dahil ikaw ang mahal ko. Ikaw ang mahal ko. Tunay na tunay. Hindi ‘to bola, sumagot ka ‘wag lang naman… ewan. Tatanggapin ko kahit ano’ng sagot mo… lagi naman akong sumusunod sa ‘yo. Mahal kita at ‘yan ang totoo. Honey, my love so sweet.”

LALAKE1: Wow. Medley.

LALAKE2: Alex, sandali lang ha. (Hahatakin si Lalake1 sa likod ng ref para magbubulay-bulay. Pabulong.) Pare, ano’ng sasabihin ko?

LALAKE1: Ewan ko sa ‘yo. (Saglit.) “I do”?

LALAKE2: Seryoso, pare. Kung ikaw ang pagtapatan ng ganyan?

LALAKE1: Hm. (Mag-iisip.) Itutulog ko muna.

LALAKE2: Pero hindi ka magagalit?

LALAKE1: Ba’t naman ako magagalit?

LALAKE2: Hindi ba nakakalalake? E, kasi di ba ‘pag may baklang nanliligaw sa ‘yo, ibig sabihin sa radar n’ya bading ka din?

LALAKE1: Ewan ko sa ‘yo, mhen. Basta ako secure ako sa sexuality ko. Patay tayo d’yan kung ‘yan nga mismo ang feeling mo ngayon! (Mang-aasar.) Ibig sabihiiin— (Hahagikgik.)

LALAKE2: (Padabog.) Eto na ‘yung balansé. (Dudukot sa wallet ng pera. Iaabot kay Alex)

ALEX: Pang-famas ba’ng acting? (Kukunin ang perang inaabot ni Lalake2.)

LALAKE2: Medyo O.A. lang na pinag-costume mo pa yung isa ng pari.

LALAKE1: (Nagtataka.) Tsong! Wasss happening?

ALEX: (Habang binibilang ang pera.) Kebs. Mukha namang shunga sa mga stunts natin yung roomie mo. Umiffect ba ang mahinhing drama ko kanina?

LALAKE2: Mukhang hindi natinag, e.

ALEX: Kaya ba tina-taiwan mo ang sweldo ko? Tita, kulang ang anda mesh… Mahal mahal umupa ng instrumentalists, ‘no.

LALAKE1: Sandali, hindi ko masundan ang flow ng kwento—

LALAKE2: (Kay Alex. Malungkot.) Bukas na lang. Itutulog ko muna ‘to.

ALEX: Kung hindi lang kita love. Sige na… oy, pero bukas ha.

(Aalis nang tahimik si Alex. Ikakandado ni Lalake2 ang pinto.)

LALAKE1: Men, ba’t ka naman uupa ng bading na manghaharana sa ‘yo?

(Mahabang katahimikan.)

LALAKE2: Baka sakaling mag-selos ka.

LALAKE1: Hindi ko ma-gets. Kanino?

LALAKE2: Sorry na lang ako. Hindi ka bading. Hindi ka nagselos, e.

(Sandaling katahimikan.)


LALAKE1: Gets ko na. (Saglit.) Pare… Ayos, a… ngayon lang ako hinarana ng bading.

LALAKE2: Parang gano’n na nga. Galit ka?

LALAKE1: (Humahagikgik.) Sorry ha. Wala talaga, e… “Pare” lang talaga.

LALAKE2: Okay lang. Atleast, I tried to tell you.

LALAKE1: Masarap ba feeling?

LALAKE2: Medyo. (Saglit.) Mas masarap nga lang kung napa-amin din kita.

LALAKE1: Pare, don’t be sad… you’re supposed to be gay.

LALAKE2: Tanga ka ba?

LALAKE1: Paminsan. But not now, if you like.

LALAKE2: Magtatapat ba ako kung hindi ako umaasa na sana—

LALAKE1: Quits lang tayo. Hindi naman kita binugbog.

LALAKE2: Anong konek?

LALAKE1: Kala mo. Oy, hindi nakakatawa, ha?! Antagal na natin magkakilala, gan’to ko pa malalaman.

LALAKE2: E, dahil nga sa ‘yo kaya ko nalaman gan’to ako. Sana nga lang, gan’to ka rin…

LALAKE1: Ano?! Gusto mo bugbugin kita para patunayang hindi kita type? O kaya… (Mag-iisip.) Tama! Kunyari na lang type kita, tapos kukwartahan na lang kita? Okay ba ‘yun?!

LALAKE2: (Nang-asar.) Oo na, hindi ka na bakla.

LALAKE1: Mga bakla, angal nang angal na pinandidirihan sila t’as ‘pag meh katulad ko na no big deal kung closetang bading sila… pagdududahan naman nila.

LALAKE2: (Sasang-ayon.) Oo na, hindi ka na bakla.

LALAKE1: (Saglit.) Sorry, kung tinawag kitang bakla kanina…

LALAKE2: (Maluluha.) Totoo naman, e.

LALAKE1: Onga, bakla ka nga… andrama mo, e… sabi na sa ‘yo; itulog mo muna ‘yan, e.

LALAKE2: Dito na lang siguro ako sa may sala.

LALAKE1: (May konting pag-aagam agam pero aakbayan si Lalake2.) Ano ba? Matulog na tayo. (Saglit.) Wala lang bastusan, ha?

LALAKE2: (Kunwaring galit.) Ah, hindi na ‘noh. (Kakalas, sabay magtatawanan.)

(Magdidilim sa entablado.)

TELON

* No part of these plays may be staged without a written permission from the author. For performance rights and inquiries email ktfi2001@yahoo.com or call 433.7886 /text (0917)9726514.

No comments: