Search This Blog

MGA OBRA NI MAESTRA

(Para sa mga Elite Koiné Scholars at mga Koiné teens ng Muñoz.)
Isang ANIMé VALUEPLAY para sa mga bata at bagets
(at kanilang mga magulang?)

ni Njel de Mesa

Photography by Nick Pichay and CCP Pad

MGA TAUHAN:
IMNO, 12-16 anyos na dalagita.
BAYLé, 12-16 anyos. Maaring binatilyo o matapang na dalagita.
THESPA, 12-16 anyos na dalagita.
MAESTRA, 25-30s anyos na matipunong babae.

*Maaaring puro babae ang magsisiganap—ngunit maari din namang lalake ang gaganap na
Bayle. At para magtunog animé ang dula, naglagay ako—sa tulong ng kaibigan kong si Eliza Agabin—ng mga parirala sa Nihonggo. Medyo eksaherado dapat ang pagganap ng mga magsisiganap sa diwa ng kanilang pagiging animé characters.
*Ang OBB (Opening Billboard) video na maaring makita sa http://www.playsofnjeldemesa.blogspot.com/ ay likha ni Njel de Mesa (mula drawings, character designs, rendering, animation, at editing). Itinatampok sa credits ng OBB ang unang production team na nagsa-entablado ng dulang ito. Ang OBB na ito ang siyang ginamit sa opening production number bago ang palabas--noong una itong ginawa sa Cultural Center of the Philippines.


(Umaga. May bangkò sa tapat ng pinto ng S-Studio, tinaguriang secret base ng mga Obra—isang grupo ng mga tinedyer na may kakaibang superpowers. Makikitang nag-eensayo ng sasabihin si Imno, tangan ang isang plastic na may lamang costume, bago siya tumuloy sa loob. Sa kanyang paguurong-sulong, dadatnan siya ni Bayle.)
BAYLE: O, Imno!

IMNO: Oi nan da! Odorokasu no wo yamete mo!

BAYLE: Walang pasok ngayon. Hindi mo ba natanggap ang text ni Maestra?

(Sandaling katahimikan.)

IMNO: Isosoli ko lang sana ‘tong costume ko. (Hihinga nang malalim.) Ayaw na kasi ng mga magulang ko maging superhero ako. Maging doctor na lang daw ako.

BAYLE: (Dismaya.) Ay, huwag gano’n.

IMNO: (Maluluha.) Sabihin mo ‘yan sa Nanay ko. Kainis.

BAYLE: Hindi ako nangmamatá pero… para namang may pera kayo para makapag-aral ka ng pagdodoktor?

IMNO: (Matatawa nang kaunti. Bubuntong hininga.) …E, gano’n e.

BAYLE: E pa’no ‘yan ‘pag mapapanuod mo kami sa TV habang nakikipag-bunô sa mga kalaban
namin… Baka ma-guilty ka na hindi ka namin kasama…

IMNO: Onga. Tulad kahapon, di ako pinayagang sumama…

BAYLE: Ako nga rin e. Pinanuod ko na lang din sa TV.

IMNO: Iyak ako nang iyak habang pinapanuod ko si Maestrang pinagpipistahan ng mga Baklang Ipis…

BAYLE: Hm. Kaya nga siguro walang pasok ngayon… tiyak napagod ‘yun.

IMNO: Pati ako napagod din sa kaiiyak kagabi. Ginanahan ‘ata ang Nanay ko pag-doktorin ako nang ibalita kong nasa top 10 ako.

BAYLE: Nye, e ‘di ba kaya ka nga nag-aaral nang mabuti para hindi ka na nila pag-bawalan pumunta dito? Nakakatawa sila… at hindi ba’t sila din ang nagpumilit na ipasok ka dito sa S-studio?

IMNO: Akala siguro nila hindi ko siseryosohin… Ewan ko ba.

BAYLE: (Saglit.) Ikaw pa naman ang pinaka-matagal na tinuruan ni Maestra…

(Gunita. Magpapalit ang ilaw. Makikitang tinuturuan ni Maestra—suot ang kanyang pambihirang superhero costume—si Imno, na katabi ni Bayle.)
MAESTRA: Anta kite inai ka? Sinabi ko na sa ‘yo, hindi wasto ang paghinga mo kaya hindi mo mailabas ang TATSUTAGHOY mo!! (Hihinga ng malalim.) Bayle, lumabas ka muna… (Lalabas si Bayle.) O, ano’ng problema?

IMNO: (Malulugmok at saka maiiyak.) Maestra, kahit ano’ng pilit kong gawin, hindi po talaga ako makahinga ng wasto.

MAESTRA: (Marahas.) Bakit? Isipin mo? Alam mo ang sagot!

IMNO: Natatakot po ako?

MAESTRA: At bakit ka naman matatakot?

IMNO: Ayoko pong makasakit ng tao o tenga?

MAESTRA: Imno, kaya ka nga naririto’t nagsasanay ‘di ba? (Saglit.) Kasi ayaw mo nang may nasasaktan. Kung hindi mo sisikapin na kontrolin ang iyong kapangyarihan, papaano mo maipagtatanggol ang mga taong sinabi mo’ng nais mong ipagtanggol?

IMNO: Ang hirap po kasi…

MAESTRA: Kaya nga tayo tinawag na mahihirap dahil gumagawa tayo ng mahihirap na bagay…

IMNO: Hindi ko po ‘ata kaya…

MAESTRA: Hindi ang “kaya” ang ginugusto. Ang “gusto” ang kinakaya. Nasa sa ‘yo ‘yan kung gusto mo pang ipagpatuloy ang ‘yong pagsasanay… (Tatango saka titindig si Imno.)
MAESTRA: O, siya… Bayle, halika na rito! (Papasok muli si Bayle. May maririnig na tono mula sa isang teklado at saka magsisimulang mag-vocalise muli si Imno. Magpapalit ang ilaw.)
IMNO: Sayang talaga.

BAYLE: Bad trip. Nakakalungkot naman.

IMNO: Sinabi mo.

BAYLE: Lalo na siguro ‘pag binalita mo ‘yan kay Maestra.

IMNO: Haay… Bayle. Palit tayo ng magulang.

BAYLE: Nye. Para namang may magbabago kung magpapalit nga tayo…

IMNO: E, ikaw? Ba’t nandito ka?

BAYLE: Ha? Anooo, e… Magpapa-alam sana ako kay Maestra kung pwede hindi um-attend ng training bukas. Pinagbabantay na naman kasi ako ng tindahan, e. Hehe.

IMNO: Hah?! Watashi wo baka ni shiagette kara o-mae mo isshoya! Naku, pareho pa tayong wala bukas.

BAYLE: Patay tayo d’yan. E ‘tong si Thespa mukhang hindi rin ‘ata makakapunta bukas.

IMNO: Bakit daw?

BAYLE: (Bubungisngis.) Pinagvi-VTR ng erpat at ermats niya. Ayaw na rin nila sigurong nagagalusan ang pagkaganda-gandang mukha ng kanilang prinsesa. Nga naman, mahal magpa-derma ngayon.

THESPA: HHHHAaaaAAAAYYYaaah! (Papasok na nagte-text sa
kanyang cellphone.) Na-late lang ako. Pinag-uusapan na naman ako… Iba na talaga ang sikat! (Saglit. Sasagutin ang telepono.) Hello?

BAYLE: Hello din.

THESPA: Hindi ikaw.

IMNO: O, Thespa, kamusta ka?

THESPA: Ma-beauty pa rin.

BAYLE: Maarte pa rin kamo.

THESPA: (Inis.) Ouch! Anta wa anime no sekai ichiban busu na kyara day yo! Salbahe ka!

BAYLE: Hahaha! Totoo naman, e. Kaya nga magvi-VTR ka bukas ‘di ba? Hahaha!!

THESPA: A, gano’n ha. Etong sa ‘yo. (Kukumpas si Thespa at saka dagling hahawakan si Bayle sa noo.)
IMNO: Masyado ka namang maramdamin, Thespa.

BAYLE: (Kay Thespa.) Ore ni nani shita no?
THESPA: Ano’ng sabi mo?

BAYLE: Wala… ang sabi ko, “Ore ni nani shita no?” Oy, mangkukulam… Ano’ng ginawa mo sa ‘kin?!

IMNO: Hindi ka na mabiro.

THESPA: Haha! (Kay Imno.) E, siya naman ang nagsimula, a. Tinawag niya akong maarte, pwes… tignan natin kung sino ang mas maarte ngayon. (Kay Bayle.) IYAK!!

BAYLE: (Hihikbi. Pinipigilang umiyak.) A-a-akala mo, ha… t-tatablan a-a-ako ng mga m-madaya mong “Emo” h-h-hold. Matapang ‘ata a-a-ako… hindi mo ako mapapa-i… (Hahagulhol.) WAAAaaaaHHh!!

THESPA: TAWA!

BAYLE: (Nasa control ni Thespa.) Hahahahaha!

THESPA: INIS!

BAYLE: Grrrr.

THESPA: GALAK!

BAYLE: Yey!

THESPA: Hahaha! Wagi ang lola mo!! Palakpakan mga dukha!! Palakpakan!!

(INTERACTIVE SEGMENT WITH THE AUDIENCE. Babasagin nila ang “Fourth Wall” at kakausapin ang mga batang manunuod.)

THESPA: MGA BATA gusto n’yo bang maging artista katulad ko? (Maghihintay ng sagot. Maaring i-adlib ang mga linya ito.) Pwes, tignan natin kung sino sa inyo ang mas magaling sumunod sa aking emo-hold… mga bata sa kanan, handa na ba kayo? (Maghihintay ng sagot.) E, ang mga bata sa kaliwa? (Maghihintay ng sagot.) O siya, simulan na natin!! Mga bata sa kanan… (Kukumpas si Thespa.) IYAK! (Sana sumunod ang mga bata sa kanan.) TAWA! (Susunod ang mga bata.) Mga bata sa kaliwa… (Muling kukumpas si Thespa.) IYAK! (Susunod ang mga bata sa kaliwa.) TAWA! (Susunod ang mga bata.) Magaling!! O, gawin naman natin nang sabay sabay! IYAK! (Susunod ang mga manunuod.) TAWA! (Susunod ang mga manunuod.) Palakpakan mga dukha! Palakpakan!! (Tutuloy ang palabas.)

BAYLE: (Naka-ngiti. Hindi mapigilang maging masaya.) Salbahe kang talaga, Thespa! Yey! Nakaka-inis ka! Yey! Tanggalin mo ‘tong sumpang ito kundi gaganti ako sa ‘yo! Yey!

THESPA: Biyak your face! Haha! Bakit hindi ka ba nag-eenjoy?

BAYLE: Hindi. Yey!

THESPA: Pwes, IYAK!

BAYLE: Huhuhuhu… (Luluhod sa pag-iyak.) Lagot ka sa akin ngayon… huhuhu… (Sisigaw at hahawak sa lupa.) “Kilos mo’t galaw! / Maninigas hangga’t may araw! / 5,6,7,8!!”

(Tututong sa bangko si Imno. May tunog na dadagundong. Maninigas na parang estatwa si Thespa. Patuloy na iiyak si Bayle.)

BAYLE: (Umiiyak.) Hahaha! Buti nga sa ‘yo, manigas ka d’yan… ang arte mo kasi!! WAAAhhh!

IMNO: (Bababa mula sa bangko.) Bayle, ‘lam mo… sa ginawa mong ‘yan mamayang hapon ka
pa n’yan titigil sa pag-iyak.

BAYLE: Hindi kaya! Huhuhu…

IMNO: Oo kaya. Pa’no ni Thespa tatanggalin ang kanyang “Emo”-hold sa ‘yo kung hindi niya nga ma-igalaw kahit ang kanyang bibig?

BAYLE: WAAAAaaahhhh! Oo nga! Paano ‘to ngayon!?!

IMNO: Haay… kasi namintas ka pa, e… Kung narinig ka ni Maestra, tiyak babanlawan ka na naman nu’n.

(Gunita. Magpapalit ang ilaw.)

MAESTRA: BAAAAYLEEE!! Nung mataba ka, tinawag ba kitang “Taba”? Pinagtawanan ba kita… na sa bawat pagkilos mo… e, para kang minamasang higanteng pandesal na tinubuan ng
ulo? (Ituturo si Imno.) Imno ang pangalan niya, hindi “Panget”. (Ituturo si Thespa.) Thespa ang pangalan niya, hindi “Bopols”. Kayong dalawa, magpakilala uli kayo dito sa pintaserong ugok na ‘to!

IMNO: (Natatakot sa Maestra.) Uhm… Ako si Imno.

THESPA: Ako si Thespa… Haller.

BAYLE: Hello din.

THESPA: Ah, hinde… ‘yun talaga ang pangalan ko; Thespa Haller.

MAESTRA: (Bubulalas.) Ang patawang pamimintas ay nakakatawa lamang sa siyang namimintas. Ulitin mo!!

BAYLE: Ang patawang pamimintas ay nakakatawa lamang sa siyang namimintas…

MAESTRA: ANO?! HINDI KITA NARINIG!!

BAYLE: (Takot ngunit mas malakas.) Ang patawang pamimintas ay nakakatawa lamang sa siyang namimintas!

MAESTRA: Magtanda ka, hindi ka na bata!! Aba’y kung maka-pintas ka parang ikaw lang ang
hindi mabaho ang utot at walang kulangot sa ilong, a! Hala, sige, buong araw kang maghuhula-hoop sa gitna ng plaza suot ang mga bao natin na pang-maglalatik. Tignan natin kung hindi ka
ma-asar sa pangaasar ng mga kaibigan mong tambay.

BAYLE: Huwag po! Huwag po! Sorry na po! Hindi na po mauulit! Huwag pooooo!!

(Magpapalit ang ilaw.)

BAYLE: WAAAaaaaaaHHhhhHHhh!!

IMNO: Pagalawin mo na kasi si Thespa…

BAYLE: (Humihikbi.) Pananabik! Manumbalik! 5,6,7,8!! (Sabay padyak sa lupa. Makailang saglit, walang mangyayari. Susubukan ulit ni Bayle.) 5,6,7,8! (Saglit. Wala pa rin.) 5,6,7,8!!

THESPA: (Biglang kikilos. Humahangos.) 5,6,7,8 mo mukha mo! AAAAAhhhh!! Akala ko tsugi na ang lola mo ever!! Kaloka!

BAYLE: (Umiiyak pa rin.) Kono noroi wo hayaku tomete yo, kono yaro! Mas nakakaloka naman ‘tong ginawa mo, no? WaaaaaAAhhh!!

IMNO: Thespa, ikaw naman…

THESPA: (Hahawakan ang nuo ni Bayle pero bigla siyang mapapatigil.) Last na ‘to. TAWA!

BAYLE: Hahahaha!! Ano ba?!

THESPA: SELOS!

BAYLE: (Magtataka.) Huh? Pa’no ‘yon?

THESPA: Congratulations!! Wala na ang “emo”-hold!!

BAYLE: Gan’un lang pala ‘yun.

THESPA: Uh-huh, ‘pag nag-utos ako ng isang damdaming hindi mo pa nadarama ever, babalik ka sa normal.

BAYLE: Hindi pala ako seloso?

THESPA: Hindi ka pa nai-in love.

BAYLE: Hoy! Mahal na mahal ko ang aso naming si—

THESPA: Sige kapatid, ipilit mo pa… maganda ang patutunguhan ng iyong revelation. An’ tawag d’yan puppy love… (Popormang magdo-doorbell sa may pintuan.)

IMNO: Magpapa-alam ka rin ba?

THESPA: Yezzzz… Ooooh… (Message alert tone.) I have a message! (Babasahin ang text.) “Saklolo mga Obra, klangan nmin ang 2long nyo. Ksalukuyn kmeng tnu2gis ni General Phorab. Pinaaalis nla kme d2 sa tambakan gamit ang kanilang Sicatsiklo na nagse-spray ng rugby at solvent pra kme mahilo at kusang umalis. Mag-ingat kyo dhel *some text missing*”

BAYLE: Nakakaasar na talaga ‘yang General Phorab na ‘yan. Di ba retired na ‘yun?

THESPA: Well, feel n’ya pa rin umeksena bilang kontra-bida.

IMNO: Nananadya na, a.

THESPA: (Pasigaw.) Pwes, kailangan na natin mag-“T”!

BAYLE: “D”!

IMNO: “R”!

THESPA: …para sa isang Production number!!

LAHAT: Yosh!

(Magdidilim at wari’y magcha-charge sila ng kani-kanilang superpowers kumpleto pati Soundtrack, SFX at smoke machine.)


BAYLE: (Pasigaw.) STANDBY FOR OPEN HOUSE!

SABAY ANG TATLO: COUNTDOWN IN TEN! (Action pose.) NINE! (Action pose.) EIGHT! (Action pose.) SEVEN! (Action pose.) SIX! (Action pose.) FIVE! (Action pose.) FOUR!

IMNO: (Mag-isang poporma nang action stance.) Noises OFF!
THESPA: THREE!

BAYLE: House Music!! (May lalabas na malaking Boombox na parang bazooka hawak ni Bayle.)THESPA: And ACTION! (Magpo-pose ng tatlong beses wari’y kinukunan ng litrato.)
SABAY ANG TATLO: OBRA! Teenage Dance Routine!

BAYLE: 5,6,7,8!!

(Bigla silang sasayaw ng isang maikling production number habang nagpapalit sila ng costume para maging superhero. Matapos ang dance routine at tugtog, makikitang si Imno lang ang hindi pa naka-superhero costume.)
SABAY ANG TATLO: OOOOOOBRA!! (Action tableau.) Hmp!!

THESPA: (Kay Imno.) O, ba’t hindi ka pa bihis?

BAYLE: (Pabulong kay Thespa habang maluluha naman si Imno.) Siya kasi magpapa-alam na ngang talaga…

THESPA: Ha?! Yada kono aho to oite ikuna oi! Why, oh why, kalamay?

BAYLE: Ayaw na ng parents…

IMNO: Hindi raw makakapamuhay ang pagiging superhero.

THESPA: Alam mo dapat d’yan bigyan mo sila ng isang matinding drama… (Mag-eemote.) “Bakit ba pinipilit ninyo akong tuparin ang mga pangarap ninyo para sa akin na hindi ko naman pangarap kundi pangarap ninyo talaga na hindi n’yo natupad kaya ipinipilit ninyong tuparin ko para sa inyo…” (Mawawalan ng hininga.) Ay teka, masyadong mahaba…

BAYLE: Sabihin nating makapagtapos ka nga sa ‘yong pagdodoktor-doktoran, ‘di ba’t gagawin mo rin ang gusto mong gawin balang araw? Siguro naman masyado ka nang matanda nu’n parahindi magdesisyon para sa sarili, ‘di ba?

IMNO: Siguro naman.

BAYLE: O, e ano naman, sa palagay mo, ang magiging desisyon mo?

IMNO: (Marubdob.) Ipagtanggol ang mga taong nagdarahop sa mga kontra-bida ng mundo!

THESPA: So, magiging abogado ka?

BAYLE: Nye, e di baka maging kontra bida pa siya nu’n…

IMNO: Gusto ko talaga ipagpatuloy ang pagiging superhero ko.

BAYLE: E, ayun naman pala… e, di ipaliwanag mo sa mga magulang mo na… mag-aaksya lang sila ng pera nila at panahon mo kung hindi mo rin naman gagamitin ang mga natutunan mo pagkatapos mong grumadweyt.

IMNO: Ang hirap talagang maging fourth year.

THESPA: Alam ko na… sabihin mo, (Nag-aalma.) “Mama, Papa! Hindi ba kayo natatakot na
balang araw isusumbat ko na: kayo ang sumira ng buhay ko?!”

IMNO: Papatayin ako ng Papa ko ‘pag sumagot sagot ako nang ganyan.

THESPA: E, di sabihin mo nang nakangiti; gan’to… (Ngingiti wari’y masayang nagtatanong.) “Mama, Papa! Hindi ba kayo natatakot na balang araw isusumbat ko na: kayo ang sumira ng buhay ko?!” (Magpi-peace sign.) …Pendong peace, kotseng-kuba!

BAYLE: ‘Asan?

THESPA: O sabihin mo sa Japanese, “Kaasan, Toosan, Itsuka watashi ni watashi no jinsei wo anata tachiga kowashita no wo iwareru no kowakunai”. Tara i-workshop natin… (Magyayaya.)

IMNO: ‘Wag na. Baka kailangan n’yo nang umalis.

BAYLE: Oo nga. Tara na. Baka mam’ya high na high na silang lahat du’n sa tambakan…

THESPA: Wait lang. Kalahati pa lang ‘yun ng text. Hindi ba’t sabi ni Maestra…

(Gunita. Magpapalit ang ilaw.)

MAESTRA: Kyo no jyugyo wa… Sun Tzu! Art of War! Bago kayo sumuong sa kahit anong laban, ICHI: Kilalanin ang sarili… NI: Kilalanin ang kalaban… SAN: Kilalanin ang lugar! Sikapin ninyo na huwag basta bastang susugod nang walang kamuwang muwang kung sino o ano ang haharapin
ninyo. Ayt?

SABAY ANG TATLO: (Tatango.) Yosh!

MAESTRA: Ngayon, kilalanin natin ang ating mga kaaway… (Magpapakita ng larawan.) Eto si Chink-Choonk, kilabot ng Chinatown… Ki o tsukete ne, ofuro ni haitte inai yo!

(Magpapalit ang ilaw.)
BAYLE: E, hindi ba’t tinext ka na nga na si General Phorab ang kontra-bida for the day?!

THESPA: Kapatid, “some text missing” nga… ilan beses ko bang uulitin sa ‘yo… Ang kulit!!

BAYLE: (Mag-aalma.) Mas makulit ka kasi mas maliit ka!!

THESPA: (Magsisisigaw.) Mas makulit ka kasi mas malaki ka period walang ereysan!!

BAYLE: (Magsisisigaw din.) Period, period. Mas makulit ka period naka-bolpen… naka-padlock… kinain ko ang susi!!

IMNO: (Kunsumido.) Ano baaaaa… (Hihinga nang malalim saka sisigaw ng kanyang nakakayanig na “sonic scream”.) TATSUTAGHOOOOOOOOOOOOYYYY!!! (Dadagundong sa paligid. Lilindol. Kapwang magtatakip ng tenga sina Thespa at Bayle. Tatahimik at magbabati na ang dalawa. Message alert tone.)
IMNO: Grabe sa lag, ha.

THESPA: (Babasahin.) “dla ni Gen. ang batalyon nya ng security guards! Lhat sila galing RCBC
at mukhang handang pumatay. Saklolo. Wag na kyo magtxt bak. M on the road.”

IMNO: Naku, paano ‘yan!

BAYLE: Kung tayong dalawa ang lalaban, dehadong dehado tayo! Hindi pa naman tayo sanay humithit ng rugby!

THESPA: Baka tumawa lang ako nang tumawa at hindi na maka-fight. (Magriring ang cellphone.) Hello… po… andito po sa S-studio… sandali lang po… kararating ko pa lang, e… Opo. Papakainin naman po kami. (Saglit.) Ihahatid naman po ata kami. Ha?! (Saglit.) Opo. (Ibubulsa ang cellphone.)
BAYLE: Kailangan mong lumaban, Imno. Isipin mo na lang “Despedida showdown” mo na ‘to! Sige na! Kundi dalawa lang kami lalaban kay General Phorab!

THESPA: (Nahihiya.) Kundi mag-isa lang siya lalaban kay General Phorab…

IMNO AT BAYLE: HAH?!! Bakit?!!

BAYLE: Sino ba ‘yung tumawag?

THESPA: My lolo. Pinapauwi na ako. Gabi na raw.

BAYLE: Nye. Ringo wa ki kara sonna ni tooku ochite inai yo! Iba na talaga’ng malabong mata.

IMNO: Nag-aalala lang siguro…

THESPA: Nag-aalala lang kamo’t baka mapagod ako tapos hindi um-effect ang VTR ko bukas. Para namang kailangan ko pa ng TV exposure. E, maya’t maya nga tayo’ng laman ng balita… nagsasawa na akong nakikita sarili ko sa front page ng dyaryo! (Iiyak.)

BAYLE: Mas mahalaga daw kasi mag-artista kaysa ipagtanggol ang mga mahihirap!

IMNO: Mas mahalaga daw kasi ang sarili kaysa sa iba!

BAYLE: Uy, wag ka nang umiyak. Isipin mo na lang… balang araw ‘pag artista ka na… baka ikaw ang sumunod na ZsaZsa Zaturnah… mukha ka namang bakla!! (Tatawa.) Hahahaha!

THESPA: (Message alert tone. Babasahin ang text.) “Ano png tintawa tawa nyo ryan. High na High na kme d2. Weee. Wil u b my txtm8?”

IMNO: Hala! Malala na ‘to. Lumakad ka na baka umabot pa si General Phorab sa syudad!

BAYLE: Hala! May naalala ako!

THESPA / IMNO: Ano?

BAYLE: Pinagbabantay nga pala ako ng Tito ko ng condo niya.

IMNO: Ano ba ‘yan kung hindi tindahan n’yo, condo ng Tiyo mo!?!

THESPA: No wonder close kayo ng aso mo… pareho kayong “bantay”.

IMNO: Hindi ba’t may asawa ang Tiyo mo?

BAYLE: Meron.

THESPA: Winner! E, ba’t hindi n’ya pabantayan yung condo n’ya sa kanyang may-bahay?

BAYLE: Dahil nandu’n ang kanyang “may-condo”.

THESPA: Ayyy!! Bad ‘yun! For that, lalo pang ethically correct na huwag ka nang umapir.

IMNO: Nang magkabukuhan na…

BAYLE: Tama! Itte kimasu!
IMNO/THESPA: Itte rasshai!
BAYLE: (Pasugod na tatakbo si Bayle palabas ng entablado.) IKEEEHHHH!! (Matitigilan. Papalik bigla.) Matte! Matte! (Matitigilan.) Hm. Pero siya ang nagbabayad ng pang-matrikula ko, pupukpukin ako ng Mama ko ng yantok kapag hindi ko siputin ‘yun. (Saglit.) Hmp, bahala na nga. (Kay Thespa.) Pa-text naman.

THESPA: (Nagmamadali.) O.

IMNO: Dali! Wala ka nang oras.

BAYLE: (Magte-text.) “Tito, si Bayle po ito. Nakkitxt lang. Sori po kse d ako mkkrating my klangan po kse akong gwin. Sori po tlga.” Send!

IMNO: O ‘yan lakad na! Hayaku, isoge boge omae no oshiri wo kande yaru yo!
THESPA: Daliiiiiiii!

BAYLE: Teka, ako lang?!

THESPA: We will be with you in spirit. Pramis. (Message alert tone. Matapos sulyapan ang cellphone, ipapasa kay Bayle.) Tito mo.

BAYLE: (Babasahin ang text.) “Ppunta akong ofis magttrabaho pra kumita ng pera. Mas importante ang ggwin ko kesa syo. Hindi pwde. Bkit ano ba ggwin mo?”

THESPA: Oh, my gulay!!

BAYLE: Pa’no ko sasagutin ‘to? Kahit naman ano’ng sabihin ko, e feeling n’un mas importante ang trabaho n’ya kesa sa ‘kin… so…

THESPA: (Mag-iisip.) Wait a minute, kapeng mainit… alam n’ya, nakitext ka lang ‘di ba?

BAYLE: O, tapos.

THESPA: Akin na. Ako na ang sasagot. (Hahablutin ang kanyang cellphone at magte-text.) “Hus ths pls?” Send.

IMNO: Pero lagot ka pa rin sa Nanay mo.

BAYLE: (Nag-aalala.) E sino’ng lalaban n’yan kay General Phorab?

THESPA: (Mapapatingin silang tatlo sa pinto ng S-Studio.) Alam n’yo… gisingin na natin si Maestra!

IMNO: Kaso…

BAYLE: (Tuturo si Imno.) Baka tanungin niya kung bakit hindi nakabihis ‘tong isang ‘to.

THESPA: Tapos tatanungin niya kung bakit hindi ako sasama…

BAYLE: Sasamà na naman ang loob nu’n…

(Gunita. Muling magpapalit ang ilaw.)

MAESTRA: (Inis.) HAHH? MATA?! Hindi na naman kayo pinayagan ng mga magulang n’yo? Bakit na naman daw?!

THESPA: Masyado daw po akong mapapagod.

BAYLE: Hindi na raw po ako nakakapag-laba.

IMNO: Wala pong binigay na dahilan.

MAESTRA: (Marubdob.) Mapapagod kayo? Kung may taong sobrang napapagod sa ating mga pagsasanay, ako ‘yun! Nung lumapit sa akin ang mga magulang ninyo para turuan ko kayong kontrolin ang mga kapangyarihan ninyo, tinanggap ko kayo nang walang bayad! Hindi ako ang lumapit sa kanila! Sila ang lumapit sa akin, nagkukumahog! Ngayon sila pa ang magiging sagabal para magawa ninyo ang trabaho ninyo… ang responsibilidad ninyo sa lipunan!! (Matitigilan. Hihinahon.) Hindi ako dapat magalit sa inyo… (Luluhod at yayakapin ang tatlo.) …wala kayong kasalanan… nalulungkot lang ako’t parang nawawalan ng katuturan ang mga pakikipagtunggali’t pagsasanay natin… kasi alam kong… baka sumuko rin kayo… hindi dahil mas malakas ang kalaban… kundi dahil sinukuan kayo ng mga magulang ninyo… (Aahon sa pagkakalugmok.) O, siya… umuwi na kayo… Ako na’ng bahala sa mga Baklang Ipis na sumalakay kanina… (Makikita niyang tinatanaw ang lupa ng tatlo.) ‘Wag kayong tutungó… wala kayong kasalanan… Sige, lipad na ako.

(Popormang lilipad si Maestra. Magpapalit ang ilaw.)


BAYLE: Kawawa naman si Maestra, baka matalo lang siya sa laban. Ano’ng gagawin natin!?!

IMNO: Kailangan nating mag-isip.

THESPA: Haller. Ako kanina ko pa ginagawa ‘yun. (Message alert tone. Babasahin ang text.) “Wala nang oras para mag-isip! Bilis bilisan nyo. Mhirap magtxt ng 2matakbo at nhihilo.”

IMNO: Teka… bakit parang mas takot pa tayo sa ating mga magulang kaysa sa ating mga kalaban?

THESPA: Kapatid, fear out of respect ang tawag du’n. Respect ang palayaw ng allowance.

BAYLE: No choice tayo.

IMNO: (Hihinga nang malalim. Saka magsisimulang magpalit ng kasuotan bilang superhero—a vista costume change.) Parati tayong may kakayahan mamili! At ang pagpili natin, depende ‘yon sa kung ano ang pinapahalagahan natin. Hindi ba’t mga magulang din natin ang nagsabing
umasta tayo ayon sa ‘ting mga responsibilidad?

BAYLE: Oo nga! …Na maglaba at magbantay ng tindahan!

THESPA: Na maglinis at maghugas ng pinggan!

IMNO: Na mag-aral nang mabuti!

BAYLE: At sabi ni Maestra?

(Gunita. Magpapalit ang ilaw. Nasa isang panig ng entablado si Maestra.)

MAESTRA: Ang inyong kakayahan ang inyong responsibilidad.

(Magpapalit ang ilaw.)
THESPA: I choose life. O, di ba? Panalo ang slogan ko…

BAYLE: (Marubdoob.) Binigyan tayo ng Diyos ng di-pangkaraniwang mga kakayahan at
kapangyarihan para ipagtanggol ang mga na-aapi—

IMNO: At ‘yun ang ating PINAKA-responsibilidad! Dahil walang ibang makakagawa ng mga kaya nating gawin kundi tayo mismo!

THESPA: Yezzz… we cannot hide our light and superpowers under a bushel! SHINE naaaa!!
(Mag-iilaw ang buo niyang katawan.)
IMNO: Ep, basta’t ‘wag lang nating pababayaan ang iba pa nating responsibilidad bilang estudyante, anak, kapatid at iba pa!

BAYLE: Kaya nga siguro tayo binansagang superheroes kasi kayang kaya nating pagsabayin! (Mapapaisip.) Pero pa’no kung conflict sa schedule?

THESPA: (Inis.) HMP! Ba’t pa ako mag-aartista, e… para nang pelikula ang buhay natin. Andaming kontra-bida.

IMNO: Hayaan natin… balang araw…

BAYLE: Oo nga! Ano ang natutunan natin sa mga kontra-bida?

THESPA: Hm. ‘Pag hindi tayo tumigil… susuko rin sila…

BAYLE: …Balang araw.

IMNO: Matira ang matibay.

THESPA: Korek ka jan. At tiyak mas makukulit tayo.

BAYLE: (Tatango.) Laban na ‘to!!

IMNO: Walang kontra-bidang umuubra sa…

SABAY ANG TATLO: (SFX.) OOOOOBRAAAAAA!!! Hmp!! (Maririnig ang buktot na paghalakhak ni General Phorab sa di kalayuan.)
IMNO: Bayle, Thespa! Ang mga tenga n’yo! (Magtatakip ng tenga sina Thespa at Bayle. Umaalingawngaw ang pagsigaw.) TATSUTAGHOOOOOY!! (Titigil ang pagtawa ni General Phorab. Dadating ang mga alipores ni General Phorab. Bakbakang umaatikabo.)
TELON

* No part of these plays may be staged without a written permission from the author. For performance rights, permit to play, and inquiries email ktfi2001@yahoo.com or call 386.3278 /text (0917)9726514.

I LAUGH YOU


ni Njel de Mesa
Nagwagi ng 3rd Prize sa Don Carlos Palanca Awards for Literature 2003


TAUHAN:BABAE
LALAKE

TAGPUAN: Sa may salas ng isang mukhang sinaunang tahanan. Pagbukas ng ilaw sa entablado, makikita ang isang makatang Lalakeng naghahandang mangharana.

LALAKE: (Paawit at tinitipa sa Gitara wari’y manghaharana.)

“Pagurin man ako ng buong araw,
Pagurin man hanggang sumapit ang gabi,
Pagurin man ng lahat ng dapat abalahin
Marinig ko lamang ang iyong tinig,
At masilayan ang iyong ngiti,
Mababatid kong wala pa ring kapaguran kitang iibigin…”


LALAKE: (Hinihingal sa pagaawit.) Pagod na ako. Bukas na lang! (Saglit.) HUWAG! Kailangan ngayon na! Huwag mo na itong ipagpaliban! (Kinakabahan. Maglalakadlakad.) Maraming pahiwatig ang Maykapal na ngayon ang takdang araw na tagpuin ang tadhana. Katulad na lamang ng mga asong nakabalandra kanina sa kalye na nangagsisipagtanguan nang ‘Oo’. (Gagayahin ang pagtango ng mga aso.) Isang antanda ng pag-asa mula sa langit na maari kitang mapa-“oo” ngayong araw na ito…

(Kukulog. Lalong matataranta.)


LALAKE: Uulan pa yata. (Mag-aagamagam.) Masamang pahiwatig… Baka ako umuwing luhaan. (Iiling.) Bukas na lang! (Matitigilan.)… HUWAG… (Kausap ang sarili.) Ngayon na’t baka malanta pa ang mga binili mong mamahaling bulaklak kung ipagpapabukas mo pa! Isang hakbang na lang… Ngayon na… Bukas na… Ngayon… Bukas (Kakagatin ng mga putakte mula sa mga bulaklak ang Lalake.) ARAY! Ano ba kayong mga langgam, pinagpipistahan niyo pa ako rito… Samantalang hindi naman ako kaiga-igaya sa inyong matamis na panlasa… (Wari’y matatanto.) Aaa… isang malinaw na pahiwatig ng kaniyang MATAMIS na “Oo”… NGAYON NA NGA!!! (Buo ang loob.)

BABAE: Ay, ikaw pala?

LALAKE: (Biglang maduduwag. Magkakandarapang tumakas palabas.) Bukas na nga… (Yuyukod paalis.)
BABAE: Sino’ng kausap mo?

LALAKE: Minsan… ang sarili ko…

BABAE: At ano’ng sadya mo’t pagkaganda naman ng iyong gayak?

LALAKE: (Matitigilan.) Talaga?

BABAE: (Aamuyin ang lalake.) Mmm… Ilang beses ka ba naligo’t nagkaganyan ka? Naku, at ano ito? May gitara’t mga bulaklak ka pang tangan. Pihadong manliligaw ka ano? Huwag mo na itatwa… alam ko na ang pakay mo.

LALAKE: (Kinabahan.) Talaga?

BABAE: Oo. Nagtungo ka rito upang hingin ang aking mga kuro-kuro’t payo sa larangan ng panliligaw bago ka sumuong… Hindi ba?

LALAKE: Parang ganoon na nga… Nagaagam-agam kasi ako’t baka siya magambala sa gagawin kong pagtatapat… Wala yata siyang kamuwang-muwang sa gagawin kong ito… ‘Di bale na lang… sige… saka na lang siguro… (Manghihina ang loob.)

BABAE: Ay, naku huwag mo nang ipagpaliban, tiyak akong batid niya na ang iyong saloobin at pihadong nag-aalala rin iyon. Huwag kang ganap na mangamba. (Saglit.) Mahal ka rin nu’n. Malamang nagugulumihanan lang iyon sa kasalukuyan.

LALAKE: Ganoon?

BABAE: (Sa isang hininga.) Hindi nga maarok ng aking pag-unawa kung bakit nagugulumihanan ang tanang kadalagahan ng sansinukuban sa mga usapan ukol sa ligawan. Payak ang kasagutan kung hahayaan na lang nilang magkandarapa ang mga binata’t magpataasan ng… (Mahihiya. Mahinhing tatawa.) –hihihi… Hindi nila ako gayahin, uupo na lamang sa bungad ng pila at tatanggap ng kanilang mga regalo… at sasabihin sa kanilang maari na silang huwag magpakita.

LALAKE: Lugi,… tunay na mas madali ang tuntunin ninyong mga dilag…

BABAE: Aba’y siyempre… taga-oo’t taga-hindi lang kami. Kaya ang payo ko sa iyo, dapat masusi ka munang mamili ng iyong pakakagatin sa iyong mga patibong.

(Hindi makakapagpigil ang Babaeng kunin at uusisain ang mga Bulaklak.)

LALAKE: (Magkakaroon ng tapang magtapat.) Mahal…

BABAE: (Namamanting.) ANO???

LALAKE: (Kakabig.) …A… e… Ma-ma-… MAHAL, ‘ika ko,… ang mga bulaklak na iyan.

BABAE: Ikaw talaga… Nag-aksaya ka na naman ng pera mo. Sa panahon ngayon mas marami pang higit na mahahalagang bagay na dapat paggugulan at pagtuonan ng salapi mula sa ating mga kaban at bulsa…

LALAKE: Hindi bale… higit na mas MAHALaga ang yaong pagbibigyan ko niyan kaysa sa higit na mas mahahalagang bagay na iyong ibinabanggit…

BABAE: Talaga lang, ha? (Saglit.) Unawain mo sana ang aking panandaliang pagiging usisera… Sino naman ang maswerteng dilag na iyong balak pagbigyan ng mga ito?

LALAKE: (Magigitla na may halong pagkabagot.) A,… e… Bakit mo pa itinatanong?

BABAE: (Hihinga ng malalim.) Wala lang. (Saglit.) Sa aking palagay, walang dilag na maswerte ang nararapat tumanggap ng mga ganyang bulaklak… pinitas man o pinag-ipunan. Ano ang iyong palagay?

LALAKE: Hindi ako mapalagay. Bakit naman?

BABAE: (Payak na sasagot.) Uod.

LALAKE: Ano?

BABAE: Uod.

LALAKE: Uod??

BABAE: Oo.

LALAKE: Oo?

BABAE: Uod.

LALAKE: Bakit naman?

BABAE: Bakit naman Uod?

LALAKE: Oo.

BABAE: Kailangan ko pa bang ipaliwanag?

LALAKE: Uod… este… oo.

BABAE: Pupurbahan ko. Kung tititigan mo ng masusi ang mga bulaklak… ang buod at ang mga talukap nito… (Tititigan ng Lalake) … Ano ang iyong makikita?

LALAKE: A,… e,… Langgam.

BABAE: Mali. Muli mong titigan. (Tititigan muli ng Lalake.)

LALAKE: (Saglit.) A,… e,… Langgam pa rin…

BABAE: Mali… UOD!!

LALAKE: Uod ang langgam?

BABAE: Kawawa ka naman hindi ka marunong tumingin.

LALAKE: Papaano ba?

BABAE: Ipikit mo ang iyong mga mata at iyong makikita.

LALAKE: Ano?

BABAE: Basta. (Agad ipipikit ng Lalake ang kanyang mga mata.) Ngayon… huwag kang tumingin sa ‘ngayon’ lamang… kundi sa hinaharap… sa bukas… sa makalawa… sa susunod na linggo… Ano ngayon ang nakikita mo?

LALAKE: Ngayon o bukas?

BABAE: Ngayon sa bukas!

LALAKE: A,… e… Wala, e…May diperensiya yata ang aking mga mata… wala akong makita!

BABAE: Naku, papaano ka makakakita ng kahit na ano kung nakapinid ang iyong mga mata! Dumilat ka! (Agad agad didilat si Lalake. Mapapahiyaw si Babae.) Mali na naman!

LALAKE: (Agad na muling pipikit.) Parati na lang akong mali.

BABAE: Ngayon lang iyan. (Saglit.) Dahan dahan mong idilat ang iyong mga mata na parang bumubukadkad na bulaklak… tumingin ka ngayon sa iyong paligid… at sa iyong mga kapwang bulaklak. (Patititigan ang mga bulaklak.) Ano ang iyong nakikita?

LALAKE: (Bagot.) Oo na uod na…

BABAE: Iyan ang tanging dahilan kung bakit hindi maswerte ang kahit na sinong dilag na makatatanggap ng mga bulaklak na ganito… gaano man pinaganda ang pagkabungkos dito. Baka magkamali ka pa’t mag-akalang pumanaw ka na pagmulat mo kinaumagahan dahil inuuod ka na sa papag mong tinutulugan. (Sandaling katahimikan.) Siya nga pala, kanino mo nga pala ibibigay ang mga ito? (Hawak ang mga Bulaklak.)

LALAKE: (Inis. Aagawin mula sa Babae.) Sa mga… Uod!

(Sandaling katahimikan. Mag-ngingitian ang Lalake at Babae.)

LALAKE: Hindi… hindi ito para sa mga uod… (Kausap ang sarili.) … Hindi ko na kaya! Hindi ko na hihintaying ako’y uurin pa… Heto na… (Hihinga nang malalim.) …Mahal kita.

BABAE: (Gitla. Biglang kakabahan.) G-G-Gusto mo ng kape?

LALAKE: Hindi mo ba ako narinig… Mahal kita… araw araw noon pa man…

BABAE: A-A-Ako… gu-gu-gusto ko ng kape…

LALAKE: Hindi mo ba… (Mapapailing.) …wala akong hinihingi mula sa iyo… mahal kita… iyan ang totoo… bahala ka na kung ano’ng ibig mong gawin doon… (Magsisimulang lumakad palabas.)
BABAE: (Magtititili ang Babae.) HuwAAAAaaaaAAaaaHhhGG! Bakit?!! Bakit?!! Bakit AKO? Bakit Ikaw? Bakit Ngayon?! Bakit Gano’n?

LALAKE: (Sasabog.) Ano ba?! Alam kong hindi ako kagandahan… ‘di tulad mo na minsa’y pinangarap kong pumangit man lang nang kahit kaunti, nang malaman mo kung sino ang tunay na nagmamahal sa iyo… Ako! Hindi man mala-porselana ang aking kutis, natitiyak kong ang aking puso’y dalisay.

BABAE: Wala naman akong—

LALAKE: --Ssshh… Hayaan mo akong maghayag nang walang pahinga sapagkat hindi na makapagpahinga ang aking pag-iisip ng kakaisip sa iyo. Ikaw ang simula at ang wakas ng aking araw… mula pagmulat ikaw ang siyang nakikita… Muta ka sa akin, na di ko matanggal ng kahit ilang hilamos. Saan ko man ibaling ang aking paningin… naroon ka.

BABAE: Hindi ko sinasadyang mapuwing ka…

LALAKE: Ssshh… Muta kang ayaw kong tanggalin dahil ikaw ang nakikita ko sa bawat mukhang aking nasasalubong… Nakikita ko silang lahat na parang ikaw…at sa gayon sinusubukan ko ring mahaling parang ikaw. Ikaw…O ikaw, ang nasa gitna ng lahat ng bagay sa mundo… ‘di bale nang madapa, huwag ka lang mawala sa aking paningin.

BABAE: Ngunit kailangan mong…

LALAKE: Sshh… Baka ipagkait sa akin ang mga salitang nais bigkasin ng aking damdamin. Shhh… ‘yan ang tunog ng aking damdamin… Kinikilig. (Kikiligin.) … Sssshhh… sa tuwing umaga, kinikilig… kasama pa ng kabag na dulot ng pag-aalala sa iyo.

BABAE: Ano?

LALAKE: Sshhh… Uma-umaga’y pinapangarap na ikaw ang siyang hinagkan at niyakap noong buong magdamag… ngunit hindi pala… hangin lang pala ang kayakap… Parang awa mo na… (Bagot.) …ayaw ko nang kabagan! Ayaw ko na, na ang bawat silakbo ng aking kalamnan ay naghuhumiyaw ng iyong pangalan. Oo nga’t tahimik lang itong bumubulong, ngunit kapag nalanghap ng kahit sino’y makapagsasabing nabubulok na ang aking pag-ibig sa iyo! Ayaw ko nang pabulukin pa ang aking damdamin! Kailangan ko na itong ilabas!

BABAE: Sige… Ilabas mo…

LALAKE: Gaya ng basurang ipinalalabas sa akin ng aking Ina… Gabi gabi ko ring pinapanalangin sa kalangitan… na sana balang araw… ikaw naman ang aking ilalabas. Ngunit maging ang kalangitan ay sadyang mapagkait tuwing pinagmamasdan at sinisipat ko siya gabi gabi. Sa isip ko’y bakit ko pa sisipatin ang langit kung mayroong bituing narito sa lupa na maaring pagmasdan nang walang panganib na tumigas ang leeg. Dahil narito ka ngayon at wala ka sa langit… kinailangan ko nang bigkasin na mahal kita… huwag ka sanang kumaripas nang parang bulalakaw…

(Sandaling Katahimikan.)
BABAE: (Muling magtititili ang Babae.) AAAAaaaaAAahhh!! Bakit!? Bakit?! Bakit ako?!

LALAKE: Hindi ko rin lubos maipaliwanag sa aking sarili kung bakit ikaw. Hindi tayo magkabagay,… Lalake ako… Babae ka naman… marami tayong pagkakaiba… Ngunit, magbigay ka naman ng kaunting pabuya, Sinta… wala ka bang pagtingin?

BABAE: Saan? (Hindi makatingin ng tuwid kay Lalake.)

LALAKE: Sa gawi dito? (Ituturo ang sarili.)
BABAE: Maglakad lakad muna tayo. (Maglalakad lakad nang matulin si Babae. Bubuntot si Lalake. Mananalangin ang Babae, saka mauupo.) Tatapatin kita… kaibigan…

LALAKE: Aray.

BABAE: Gusto ko sana… (Saglit.) … kaya lang ayaw ko.

LALAKE: (Inis.) Bakit naman?

BABAE: (Inis din.) Bakit hindi?

LALAKE: Hindi ko alam kung bakit hindi… anong gagawin natin… heto na ang aking pagmamahal na kapwa sa ati’y bumulaga at patuloy na bumubulaga sa aking kalooban! (Sandaling Katahimikan. Iiwas ng tingin si Lalake ngunit di rin makakatiis at muling titingin kay Babae.) Bulaga! (Muling iiwas at muli ring titingin.) Bulaga! Naryan na naman! (Mapapalundag sa kibot si Babae. Wari’y magkakapalpitasyon sa puso si Lalake. Saka lilingunin muli si Babae.) Bulaga! Naryan uli!

BABAE: Ginoo, huwag ka na lamang tumingin sa gawi ko’t baka magkaroon ka ng karamdaman sa iyong puso.

LALAKE: Mayroon nga akong karamdaman sa puso…

BABAE: Gayon ba? Ano’ng tawag sa iyong karamdaman?

LALAKE: Ikaw.

BABAE: (Inis.) Sira. Hindi yata maginoo sisihin ang isang dilag para sa isang karamdamang wala naman siyang kinalaman.

LALAKE: Hindi ka ba natutuwa’t balintuna sa iyong sinabi,… IKAW LANG ang tanging may kinalaman sa karamdaman ng aking puso?

BABAE: Tiyak ka bang mayroon ka ngang puso?

LALAKE: Dahil sa ‘yo, natiyak ko…

BABAE: Handa ka ba’ng sumumpang ako lamang ang siyang magiging laman ng iyong puso?

LALAKE: Wala akong alam sa pangungulam at hindi ako bihasang manumpa ng tao…

BABAE: Kaunti na lang at malapit mo na akong mapasagot…

LALAKE: … ngunit kung iyan ang iyong hangad kita’y walang pasubaling isusumpa sa akin!

BABAE: Kung gayon… (Sandaling Katahimikan. Hihinga nang malalim, mangungurus, at saka sasagot.) Oo.

(Sandaling Katahimikan.)
LALAKE: (Biglang kikilabutan sa takot.) Hala ka…

BABAE: Bakit?

LALAKE: Natatakot ako’t baka lang kita masaktan… naiiyak ako… heto tutulo na…

BABAE: Huwag dito… (Susundutin sa balakang si Lalake ni Babae. Gaganti naman si Lalake. Mapapalundag sa kiliti si Babae at saka gaganti kay Lalake.)
LALAKE: Aray.

BABAE: Aray?

LALAKE: Hindi, nais ko lang tumigil ka’t nakakikiliti…

BABAE: Ikaw talaga… (Susundutin si Lalake. Gaganti ng sundot si Lalake kay Babae. Malambing na itutulak ni Babae si Lalake. Gaganti ng tulak si Lalake kay Babae. Mapapalakas. Mahuhulog at mapapaupo si Babae mula sa kinauupuan.)
LALAKE: Naku po’t napaupo ka! Nakita mo na… hindi ko kayang makita kang nasasaktan… (Maiiyak.)
BABAE: (Nagpupumilit umahon sa pagkalugmok.) Mainam sigurong tulungan mo akong makatayo mula rito bago ka humikbi riyan, ANO?!!!

LALAKE: (Tutulungan.) Paumanhin. (Mapapatihulog si Lalake habang tinutulungan si Babae. Mahuhulog lang muli si Babae kasama ni Lalake.)
BABAE: Masama yatang hinahayaan ko ang aking sariling mahulog sa iyo.

LALAKE: Huwag ka nang mangamba aking tanging bituin…dito ka na muna’t maliwanag pa’t maulap.

BABAE: Ako nga lang ba?

LALAKE: Pangako, lumipad ka man at itanong mo pa sa kalangitan!

(Biglang uulan.)
SABAY: Umuulan.

LALAKE: (Magkayakap.) Sana’y balang araw patuloy pa ring makikisama ang kalangitan sa ating pag-iibigan… Nawa’y gawan tayo nang pagkakataong pakinggan ang masarap na buhos ng kanyang ulan lalo na’t madilim… malamig… at masarap…

BABAE: Ginoo, masama ang iyong binabalak…

LALAKE: (Mapanlimbak.) …masarap kumain ng mainit na pandesal na pansawsaw sa kape…

BABAE: (Mahuhumaling.) Ayyy… kulang na lang adobo…

LALAKE: At Adobo!!

BABAE: Awww… mahal na nga kita.

LALAKE: (Pabiro.) Kain na tayo?

BABAE: Ay, ano na nga pala ang oras, baka kailangan ko nang magsaing?!

LALAKE: Mayroon pang dalawang minuto… Saglit na lamang…

BABAE: Narinig ko na ‘yan. (Tatayo’t magaayos.) Ayusin mo na ang iyong pustura’t baka ka makita ng aking Ama…

LALAKE: Hindi ako natatakot sa iyong Ama!

BABAE: May itak ang Ama ko, saan man siya magtungo…

LALAKE: Hindi ako natatakot…

BABAE: At may bigote…

LALAKE: Tatayo na po. (Takot na tatayo si Lalake. Aanyayahan ni Babaeng umalis na si Lalake.)
BABAE: (Nag-aalala.) Alam kong marami pang dilag ang ibig mong linlangin kung kaya’t mauna ka na’t baka abutan ka pa ng dilim… Sayang ang iba pang mga bituing maari mong saluhin. (Kukunin ang Bulaklak at iaabot kay Lalake.) Sa iba ka na lamang… (Ngunit mapapatingin si Babae sa mga Bulaklak, maiinggit at mahuhumaling.)
LALAKE: Marami ng Babae ang dumaan sa akin… ang iba’y nanagasa pa… hinayaan ko lang sila’t di sila inatupag… hanggang sa isang araw… lumapit ka’t nagtanong kung…

BABAE: Pagod ka na?

LALAKE: Ikaw pa lang ang nagtanong sa akin ng may ganoong pagmamalasakit. Sa dalas ko kasing pagpawisan sa bukid, akala ng iba’y pasmado lang ang aking kili-kili’t di ako napapagod. Ngunit ikaw, inalintana mo…

BABAE: Ang baho mo kasi noon… (Biglang kabig.)… ngunit huwag kang mag-alala irog, handa akong simsimin ang lahat ng alat mo…

LALAKE: Ano’ng saya sa—Haay… (Buntong Hininga.) …Ang mabiyayaan ng isang katuwang na pupuna sa aking kasangsangan.

BABAE: Mapipilitan ka na ngayong magsipilyo nang mas madalas.

LALAKE: (Hihingahan ang kaniyang palad at aamuyin ito.) Talaga?

BABAE: Poque-Poque… may kasama pang talong at itlog na binati. Kaya nga kita naibigan dahil amoy Poque-Poque ka… (Matatawa.) Ngunit kaya mo lang ba ako naibigan dahil ako lamang ang nagkukusang mag-ulat na amoy Poque-Poque ka? Paano kung mabango ka na’t wala nang kasangsangan… baka hindi mo na ako magawang mahalin…

LALAKE: Titiyakin kong hindi magkakagayon…

BABAE: Ganyan?

LALAKE: Ngunit hindi lamang iyon ang aking naibigan sa iyo, marami pang kung anu-ano… ang iyong ismid… ang iyong matuling paglalakad… ang iyong matapang na kilay, ang iyong baku-bakong paa, at higit sa lahat ang iyong ngiti at… ang iyong mga kamay…

BABAE: Talaga? Maraming nagsasabing iyon ang mga pinaka-di-kaakit-akit na bahagi sa aking kaanyuhan…

LALAKE: Ay, ang iyong ngiti… ay, anong ganda… pagkaganda-ganda… tabingi’t sungki-sungki… kapag aking naaalala ang iyong ngiti, na tuwing nasisilayan… ako’y nahuhumaling… napapatabingi… (Itatagilid ang ulo.) … hayan pantay na. (Saglit.) At ang iyong pinakamagagandang mga kamay, pinakamagagaspang, pinakamaguguhit, at pinakamabubuhok… ang iyong mga kamay ay dapat ilagay sa isang museo… walang ibang mayroon niyan… ikaw lang… ikaw lang. Kaya para sa akin… (Iaabot ang mga Bulaklak.) … ikaw lang.

BABAE: (Tuwang tuwa.) Salamat sa mga bulaklak… ang saya saya… Ngayon lang ako nakatanggap ng ganito… labis labis ang aking pasasalamat. Kung kaya’t mula ngayon maari mo nang sabihin sa iba… na ikaw may “BU”, sila wala.

LALAKE: Anong “BU”?

BABAE: Maikling palayaw para sa BU—laklak… iyan na lamang ang itawag mo sa akin bilang pag-alala sa mga ito. (Hahagkan ang mga bulaklak na bigay ng Lalake.) …At di ba’t ako ang iyong BU—laklak at ikaw naman ang aking BU—buyog?

LALAKE: Hindi ka kaya uurin niyan?

BABAE: Uuurin lang ako kung ako’y malalanta’t tuluyang masasawi… ngunit… hindi ba’t nangangako kang didiligan ako araw araw?

LALAKE: Ay, Sinta! Hindi lang kita didiligan, ilalagay pa kita sa paso!

BABAE: Sa paso?!! Paano na ang aking kalayaan?

LALAKE: Puwes, sa hardin! Doon kita itatanim at aalagaan!

BABAE: Kasama ng ibang mga bulaklak?

LALAKE: Ay, hindi Sinta! Ikaw lamang ang nasa harding yaon.

BABAE: Ha?! Mamamatay ako sa kalungkutan!

LALAKE: Ay, Sinta Babae kang talaga! Hindi ka sukdulang malulungkot sa pagkat sasamahan kita sa harding yaon. Sabay tayong lalago’t bubukadkad.

BABAE: Irog, hindi ka maaring maging bulaklak… isa kang bubuyog.

LALAKE: Ay, oo nga pala. Kung gayon babantayan kita araw-gabi, pupudpurin ng aking mga halik at bubulungan ng BZZZzzzZZ… BzZzzZ… (Hahabulin ni Lalake si Babae na parang bubuyog na pinangingilagan ni Babae.) …BZZz… na ang siyang ibig sabihin ay… Mahal kita.

BABAE: Aba’y marunong ka palang mangusap-bubuyog?

LALAKE: Hindi masyado.

BABAE: Sayang…

LALAKE: Maaaring di masyado bihasa ang dila kong magpaka-bubuyog…ngunit ang mga labi ko’y dalubhasa… (Mangangahas halikan si Babae.)
BABAE: (Pipigilan si Lalake.) Huwag ka sanang mabalasik at baka habulin ka ni Itay ng itak!

LALAKE: Hindi niya naman tayo nakikita.

BABAE: Iyan ang iyong akala. (Matitigilan si Lalake at mangangambang may nagmamatiyag. Pautal na mangungusap si Babae.) Aaa… e… umm… e… Unawain mo sana’t naiilang pa ko’t nakikibagay kung paano ang wastong pag-asta kapag kapiling ka. Paano kung nariyan ang aking mga magulang na walang kamalaymalay?

LALAKE: Ipaubaya mo sa akin ang tungkuling bigyan sila ng malay… kung ibig mo… Nasa’n ang ina mo?! Nasa’n ang INA MO!?!… Aking ihahayag ang aking pagmamahal sa iyo. (Tutungo sa likod ng entablado wari’y papasok sa isang silid.)
BABAE: Huwag muna’t baka isipin nilang nagsadya ka rito para makikain… iya’y patungong kusina.

LALAKE: Ay! Ayoko pang katayin. Ano’ng gagawin natin?

BABAE: Ganito na lamang… Kung nais mo akong halikan at di mo matiis na ipagpaliban… Isang halik sa ating mga palad ang maglilipat sa ating mga labi sa ating mga palad… At kahit nariyan ang kung ilan pang ibang tao… maari natin pagdikitin ang ating mga labi sa ating mga kamay at maghalikan nang walang alinlangan.

(Pipikit ang dalawa. Kapwang hahalikan ang kanilang kani-kaniyang palad at saka pagdidikitin wari’y maghahalikan ang kanilang mga palad habang nagkakamayan. Tatagal at sisidhi ang kanilang pagkakamayan.)
BABAE: ARAY!!

LALAKE: Bakit?

BABAE: Ang ngipin ko’y biglang sumakit!

(Mamamangha si Lalake sa kanyang palad.)
LALAKE: Hanggang kalian naman kaya tayo magtitiis?

BABAE: Hanggang sa maipaalam natin sa kanila ang ating pagmamahalan…

LALAKE: Ano pa’ng hinhintay natin? Sabihin na natin.

BABAE: Ngunit ang itak?

LALAKE: Mas mainam na lamang dagling magwagas itong buhay kung ako’y mabubuhay lang din naman sa isang mundong di mo maaring halikan!

BABAE: Paano ang bigote?!

LALAKE: Hindi ko na lamang titignan. (Matapang.) Buo na ang aking kalooban. Kausapin na natin ang iyong mga magulang.

BABAE: Ikaw ang siyang bahala… (Tatawagin sa likod ng entablado.) Itay!! Itaaayyy!?!

TATAY: (Malumanay na boses lamang ang maririnig.) Bakit anak?!

BABAE: May ibig po sana sa inyo kumausap… nasaan po si Inay?

TATAY: (Pasigaw at nag-aalama.) BAKIT? MUKHA BA AKONG TANUNGAN NG MGA NAWAWALANG KALABAW!?!! Ha!? (May maririnig na mga nababasag na pinggan.)
LALAKE: (Takot.) Mahal…kung sulatan ko na lang kaya sila ng liham?!

(Tatakbo palabas si Lalake. Kadiliman.)

TELON
* No part of these plays may be staged without a written permission from the author. For performance rights, permit to play, and inquiries email ktfi2001@yahoo.com or call 386.3278 /text (0917)9726514.