Search This Blog

I LAUGH YOU


ni Njel de Mesa
Nagwagi ng 3rd Prize sa Don Carlos Palanca Awards for Literature 2003


TAUHAN:BABAE
LALAKE

TAGPUAN: Sa may salas ng isang mukhang sinaunang tahanan. Pagbukas ng ilaw sa entablado, makikita ang isang makatang Lalakeng naghahandang mangharana.

LALAKE: (Paawit at tinitipa sa Gitara wari’y manghaharana.)

“Pagurin man ako ng buong araw,
Pagurin man hanggang sumapit ang gabi,
Pagurin man ng lahat ng dapat abalahin
Marinig ko lamang ang iyong tinig,
At masilayan ang iyong ngiti,
Mababatid kong wala pa ring kapaguran kitang iibigin…”


LALAKE: (Hinihingal sa pagaawit.) Pagod na ako. Bukas na lang! (Saglit.) HUWAG! Kailangan ngayon na! Huwag mo na itong ipagpaliban! (Kinakabahan. Maglalakadlakad.) Maraming pahiwatig ang Maykapal na ngayon ang takdang araw na tagpuin ang tadhana. Katulad na lamang ng mga asong nakabalandra kanina sa kalye na nangagsisipagtanguan nang ‘Oo’. (Gagayahin ang pagtango ng mga aso.) Isang antanda ng pag-asa mula sa langit na maari kitang mapa-“oo” ngayong araw na ito…

(Kukulog. Lalong matataranta.)


LALAKE: Uulan pa yata. (Mag-aagamagam.) Masamang pahiwatig… Baka ako umuwing luhaan. (Iiling.) Bukas na lang! (Matitigilan.)… HUWAG… (Kausap ang sarili.) Ngayon na’t baka malanta pa ang mga binili mong mamahaling bulaklak kung ipagpapabukas mo pa! Isang hakbang na lang… Ngayon na… Bukas na… Ngayon… Bukas (Kakagatin ng mga putakte mula sa mga bulaklak ang Lalake.) ARAY! Ano ba kayong mga langgam, pinagpipistahan niyo pa ako rito… Samantalang hindi naman ako kaiga-igaya sa inyong matamis na panlasa… (Wari’y matatanto.) Aaa… isang malinaw na pahiwatig ng kaniyang MATAMIS na “Oo”… NGAYON NA NGA!!! (Buo ang loob.)

BABAE: Ay, ikaw pala?

LALAKE: (Biglang maduduwag. Magkakandarapang tumakas palabas.) Bukas na nga… (Yuyukod paalis.)
BABAE: Sino’ng kausap mo?

LALAKE: Minsan… ang sarili ko…

BABAE: At ano’ng sadya mo’t pagkaganda naman ng iyong gayak?

LALAKE: (Matitigilan.) Talaga?

BABAE: (Aamuyin ang lalake.) Mmm… Ilang beses ka ba naligo’t nagkaganyan ka? Naku, at ano ito? May gitara’t mga bulaklak ka pang tangan. Pihadong manliligaw ka ano? Huwag mo na itatwa… alam ko na ang pakay mo.

LALAKE: (Kinabahan.) Talaga?

BABAE: Oo. Nagtungo ka rito upang hingin ang aking mga kuro-kuro’t payo sa larangan ng panliligaw bago ka sumuong… Hindi ba?

LALAKE: Parang ganoon na nga… Nagaagam-agam kasi ako’t baka siya magambala sa gagawin kong pagtatapat… Wala yata siyang kamuwang-muwang sa gagawin kong ito… ‘Di bale na lang… sige… saka na lang siguro… (Manghihina ang loob.)

BABAE: Ay, naku huwag mo nang ipagpaliban, tiyak akong batid niya na ang iyong saloobin at pihadong nag-aalala rin iyon. Huwag kang ganap na mangamba. (Saglit.) Mahal ka rin nu’n. Malamang nagugulumihanan lang iyon sa kasalukuyan.

LALAKE: Ganoon?

BABAE: (Sa isang hininga.) Hindi nga maarok ng aking pag-unawa kung bakit nagugulumihanan ang tanang kadalagahan ng sansinukuban sa mga usapan ukol sa ligawan. Payak ang kasagutan kung hahayaan na lang nilang magkandarapa ang mga binata’t magpataasan ng… (Mahihiya. Mahinhing tatawa.) –hihihi… Hindi nila ako gayahin, uupo na lamang sa bungad ng pila at tatanggap ng kanilang mga regalo… at sasabihin sa kanilang maari na silang huwag magpakita.

LALAKE: Lugi,… tunay na mas madali ang tuntunin ninyong mga dilag…

BABAE: Aba’y siyempre… taga-oo’t taga-hindi lang kami. Kaya ang payo ko sa iyo, dapat masusi ka munang mamili ng iyong pakakagatin sa iyong mga patibong.

(Hindi makakapagpigil ang Babaeng kunin at uusisain ang mga Bulaklak.)

LALAKE: (Magkakaroon ng tapang magtapat.) Mahal…

BABAE: (Namamanting.) ANO???

LALAKE: (Kakabig.) …A… e… Ma-ma-… MAHAL, ‘ika ko,… ang mga bulaklak na iyan.

BABAE: Ikaw talaga… Nag-aksaya ka na naman ng pera mo. Sa panahon ngayon mas marami pang higit na mahahalagang bagay na dapat paggugulan at pagtuonan ng salapi mula sa ating mga kaban at bulsa…

LALAKE: Hindi bale… higit na mas MAHALaga ang yaong pagbibigyan ko niyan kaysa sa higit na mas mahahalagang bagay na iyong ibinabanggit…

BABAE: Talaga lang, ha? (Saglit.) Unawain mo sana ang aking panandaliang pagiging usisera… Sino naman ang maswerteng dilag na iyong balak pagbigyan ng mga ito?

LALAKE: (Magigitla na may halong pagkabagot.) A,… e… Bakit mo pa itinatanong?

BABAE: (Hihinga ng malalim.) Wala lang. (Saglit.) Sa aking palagay, walang dilag na maswerte ang nararapat tumanggap ng mga ganyang bulaklak… pinitas man o pinag-ipunan. Ano ang iyong palagay?

LALAKE: Hindi ako mapalagay. Bakit naman?

BABAE: (Payak na sasagot.) Uod.

LALAKE: Ano?

BABAE: Uod.

LALAKE: Uod??

BABAE: Oo.

LALAKE: Oo?

BABAE: Uod.

LALAKE: Bakit naman?

BABAE: Bakit naman Uod?

LALAKE: Oo.

BABAE: Kailangan ko pa bang ipaliwanag?

LALAKE: Uod… este… oo.

BABAE: Pupurbahan ko. Kung tititigan mo ng masusi ang mga bulaklak… ang buod at ang mga talukap nito… (Tititigan ng Lalake) … Ano ang iyong makikita?

LALAKE: A,… e,… Langgam.

BABAE: Mali. Muli mong titigan. (Tititigan muli ng Lalake.)

LALAKE: (Saglit.) A,… e,… Langgam pa rin…

BABAE: Mali… UOD!!

LALAKE: Uod ang langgam?

BABAE: Kawawa ka naman hindi ka marunong tumingin.

LALAKE: Papaano ba?

BABAE: Ipikit mo ang iyong mga mata at iyong makikita.

LALAKE: Ano?

BABAE: Basta. (Agad ipipikit ng Lalake ang kanyang mga mata.) Ngayon… huwag kang tumingin sa ‘ngayon’ lamang… kundi sa hinaharap… sa bukas… sa makalawa… sa susunod na linggo… Ano ngayon ang nakikita mo?

LALAKE: Ngayon o bukas?

BABAE: Ngayon sa bukas!

LALAKE: A,… e… Wala, e…May diperensiya yata ang aking mga mata… wala akong makita!

BABAE: Naku, papaano ka makakakita ng kahit na ano kung nakapinid ang iyong mga mata! Dumilat ka! (Agad agad didilat si Lalake. Mapapahiyaw si Babae.) Mali na naman!

LALAKE: (Agad na muling pipikit.) Parati na lang akong mali.

BABAE: Ngayon lang iyan. (Saglit.) Dahan dahan mong idilat ang iyong mga mata na parang bumubukadkad na bulaklak… tumingin ka ngayon sa iyong paligid… at sa iyong mga kapwang bulaklak. (Patititigan ang mga bulaklak.) Ano ang iyong nakikita?

LALAKE: (Bagot.) Oo na uod na…

BABAE: Iyan ang tanging dahilan kung bakit hindi maswerte ang kahit na sinong dilag na makatatanggap ng mga bulaklak na ganito… gaano man pinaganda ang pagkabungkos dito. Baka magkamali ka pa’t mag-akalang pumanaw ka na pagmulat mo kinaumagahan dahil inuuod ka na sa papag mong tinutulugan. (Sandaling katahimikan.) Siya nga pala, kanino mo nga pala ibibigay ang mga ito? (Hawak ang mga Bulaklak.)

LALAKE: (Inis. Aagawin mula sa Babae.) Sa mga… Uod!

(Sandaling katahimikan. Mag-ngingitian ang Lalake at Babae.)

LALAKE: Hindi… hindi ito para sa mga uod… (Kausap ang sarili.) … Hindi ko na kaya! Hindi ko na hihintaying ako’y uurin pa… Heto na… (Hihinga nang malalim.) …Mahal kita.

BABAE: (Gitla. Biglang kakabahan.) G-G-Gusto mo ng kape?

LALAKE: Hindi mo ba ako narinig… Mahal kita… araw araw noon pa man…

BABAE: A-A-Ako… gu-gu-gusto ko ng kape…

LALAKE: Hindi mo ba… (Mapapailing.) …wala akong hinihingi mula sa iyo… mahal kita… iyan ang totoo… bahala ka na kung ano’ng ibig mong gawin doon… (Magsisimulang lumakad palabas.)
BABAE: (Magtititili ang Babae.) HuwAAAAaaaaAAaaaHhhGG! Bakit?!! Bakit?!! Bakit AKO? Bakit Ikaw? Bakit Ngayon?! Bakit Gano’n?

LALAKE: (Sasabog.) Ano ba?! Alam kong hindi ako kagandahan… ‘di tulad mo na minsa’y pinangarap kong pumangit man lang nang kahit kaunti, nang malaman mo kung sino ang tunay na nagmamahal sa iyo… Ako! Hindi man mala-porselana ang aking kutis, natitiyak kong ang aking puso’y dalisay.

BABAE: Wala naman akong—

LALAKE: --Ssshh… Hayaan mo akong maghayag nang walang pahinga sapagkat hindi na makapagpahinga ang aking pag-iisip ng kakaisip sa iyo. Ikaw ang simula at ang wakas ng aking araw… mula pagmulat ikaw ang siyang nakikita… Muta ka sa akin, na di ko matanggal ng kahit ilang hilamos. Saan ko man ibaling ang aking paningin… naroon ka.

BABAE: Hindi ko sinasadyang mapuwing ka…

LALAKE: Ssshh… Muta kang ayaw kong tanggalin dahil ikaw ang nakikita ko sa bawat mukhang aking nasasalubong… Nakikita ko silang lahat na parang ikaw…at sa gayon sinusubukan ko ring mahaling parang ikaw. Ikaw…O ikaw, ang nasa gitna ng lahat ng bagay sa mundo… ‘di bale nang madapa, huwag ka lang mawala sa aking paningin.

BABAE: Ngunit kailangan mong…

LALAKE: Sshh… Baka ipagkait sa akin ang mga salitang nais bigkasin ng aking damdamin. Shhh… ‘yan ang tunog ng aking damdamin… Kinikilig. (Kikiligin.) … Sssshhh… sa tuwing umaga, kinikilig… kasama pa ng kabag na dulot ng pag-aalala sa iyo.

BABAE: Ano?

LALAKE: Sshhh… Uma-umaga’y pinapangarap na ikaw ang siyang hinagkan at niyakap noong buong magdamag… ngunit hindi pala… hangin lang pala ang kayakap… Parang awa mo na… (Bagot.) …ayaw ko nang kabagan! Ayaw ko na, na ang bawat silakbo ng aking kalamnan ay naghuhumiyaw ng iyong pangalan. Oo nga’t tahimik lang itong bumubulong, ngunit kapag nalanghap ng kahit sino’y makapagsasabing nabubulok na ang aking pag-ibig sa iyo! Ayaw ko nang pabulukin pa ang aking damdamin! Kailangan ko na itong ilabas!

BABAE: Sige… Ilabas mo…

LALAKE: Gaya ng basurang ipinalalabas sa akin ng aking Ina… Gabi gabi ko ring pinapanalangin sa kalangitan… na sana balang araw… ikaw naman ang aking ilalabas. Ngunit maging ang kalangitan ay sadyang mapagkait tuwing pinagmamasdan at sinisipat ko siya gabi gabi. Sa isip ko’y bakit ko pa sisipatin ang langit kung mayroong bituing narito sa lupa na maaring pagmasdan nang walang panganib na tumigas ang leeg. Dahil narito ka ngayon at wala ka sa langit… kinailangan ko nang bigkasin na mahal kita… huwag ka sanang kumaripas nang parang bulalakaw…

(Sandaling Katahimikan.)
BABAE: (Muling magtititili ang Babae.) AAAAaaaaAAahhh!! Bakit!? Bakit?! Bakit ako?!

LALAKE: Hindi ko rin lubos maipaliwanag sa aking sarili kung bakit ikaw. Hindi tayo magkabagay,… Lalake ako… Babae ka naman… marami tayong pagkakaiba… Ngunit, magbigay ka naman ng kaunting pabuya, Sinta… wala ka bang pagtingin?

BABAE: Saan? (Hindi makatingin ng tuwid kay Lalake.)

LALAKE: Sa gawi dito? (Ituturo ang sarili.)
BABAE: Maglakad lakad muna tayo. (Maglalakad lakad nang matulin si Babae. Bubuntot si Lalake. Mananalangin ang Babae, saka mauupo.) Tatapatin kita… kaibigan…

LALAKE: Aray.

BABAE: Gusto ko sana… (Saglit.) … kaya lang ayaw ko.

LALAKE: (Inis.) Bakit naman?

BABAE: (Inis din.) Bakit hindi?

LALAKE: Hindi ko alam kung bakit hindi… anong gagawin natin… heto na ang aking pagmamahal na kapwa sa ati’y bumulaga at patuloy na bumubulaga sa aking kalooban! (Sandaling Katahimikan. Iiwas ng tingin si Lalake ngunit di rin makakatiis at muling titingin kay Babae.) Bulaga! (Muling iiwas at muli ring titingin.) Bulaga! Naryan na naman! (Mapapalundag sa kibot si Babae. Wari’y magkakapalpitasyon sa puso si Lalake. Saka lilingunin muli si Babae.) Bulaga! Naryan uli!

BABAE: Ginoo, huwag ka na lamang tumingin sa gawi ko’t baka magkaroon ka ng karamdaman sa iyong puso.

LALAKE: Mayroon nga akong karamdaman sa puso…

BABAE: Gayon ba? Ano’ng tawag sa iyong karamdaman?

LALAKE: Ikaw.

BABAE: (Inis.) Sira. Hindi yata maginoo sisihin ang isang dilag para sa isang karamdamang wala naman siyang kinalaman.

LALAKE: Hindi ka ba natutuwa’t balintuna sa iyong sinabi,… IKAW LANG ang tanging may kinalaman sa karamdaman ng aking puso?

BABAE: Tiyak ka bang mayroon ka ngang puso?

LALAKE: Dahil sa ‘yo, natiyak ko…

BABAE: Handa ka ba’ng sumumpang ako lamang ang siyang magiging laman ng iyong puso?

LALAKE: Wala akong alam sa pangungulam at hindi ako bihasang manumpa ng tao…

BABAE: Kaunti na lang at malapit mo na akong mapasagot…

LALAKE: … ngunit kung iyan ang iyong hangad kita’y walang pasubaling isusumpa sa akin!

BABAE: Kung gayon… (Sandaling Katahimikan. Hihinga nang malalim, mangungurus, at saka sasagot.) Oo.

(Sandaling Katahimikan.)
LALAKE: (Biglang kikilabutan sa takot.) Hala ka…

BABAE: Bakit?

LALAKE: Natatakot ako’t baka lang kita masaktan… naiiyak ako… heto tutulo na…

BABAE: Huwag dito… (Susundutin sa balakang si Lalake ni Babae. Gaganti naman si Lalake. Mapapalundag sa kiliti si Babae at saka gaganti kay Lalake.)
LALAKE: Aray.

BABAE: Aray?

LALAKE: Hindi, nais ko lang tumigil ka’t nakakikiliti…

BABAE: Ikaw talaga… (Susundutin si Lalake. Gaganti ng sundot si Lalake kay Babae. Malambing na itutulak ni Babae si Lalake. Gaganti ng tulak si Lalake kay Babae. Mapapalakas. Mahuhulog at mapapaupo si Babae mula sa kinauupuan.)
LALAKE: Naku po’t napaupo ka! Nakita mo na… hindi ko kayang makita kang nasasaktan… (Maiiyak.)
BABAE: (Nagpupumilit umahon sa pagkalugmok.) Mainam sigurong tulungan mo akong makatayo mula rito bago ka humikbi riyan, ANO?!!!

LALAKE: (Tutulungan.) Paumanhin. (Mapapatihulog si Lalake habang tinutulungan si Babae. Mahuhulog lang muli si Babae kasama ni Lalake.)
BABAE: Masama yatang hinahayaan ko ang aking sariling mahulog sa iyo.

LALAKE: Huwag ka nang mangamba aking tanging bituin…dito ka na muna’t maliwanag pa’t maulap.

BABAE: Ako nga lang ba?

LALAKE: Pangako, lumipad ka man at itanong mo pa sa kalangitan!

(Biglang uulan.)
SABAY: Umuulan.

LALAKE: (Magkayakap.) Sana’y balang araw patuloy pa ring makikisama ang kalangitan sa ating pag-iibigan… Nawa’y gawan tayo nang pagkakataong pakinggan ang masarap na buhos ng kanyang ulan lalo na’t madilim… malamig… at masarap…

BABAE: Ginoo, masama ang iyong binabalak…

LALAKE: (Mapanlimbak.) …masarap kumain ng mainit na pandesal na pansawsaw sa kape…

BABAE: (Mahuhumaling.) Ayyy… kulang na lang adobo…

LALAKE: At Adobo!!

BABAE: Awww… mahal na nga kita.

LALAKE: (Pabiro.) Kain na tayo?

BABAE: Ay, ano na nga pala ang oras, baka kailangan ko nang magsaing?!

LALAKE: Mayroon pang dalawang minuto… Saglit na lamang…

BABAE: Narinig ko na ‘yan. (Tatayo’t magaayos.) Ayusin mo na ang iyong pustura’t baka ka makita ng aking Ama…

LALAKE: Hindi ako natatakot sa iyong Ama!

BABAE: May itak ang Ama ko, saan man siya magtungo…

LALAKE: Hindi ako natatakot…

BABAE: At may bigote…

LALAKE: Tatayo na po. (Takot na tatayo si Lalake. Aanyayahan ni Babaeng umalis na si Lalake.)
BABAE: (Nag-aalala.) Alam kong marami pang dilag ang ibig mong linlangin kung kaya’t mauna ka na’t baka abutan ka pa ng dilim… Sayang ang iba pang mga bituing maari mong saluhin. (Kukunin ang Bulaklak at iaabot kay Lalake.) Sa iba ka na lamang… (Ngunit mapapatingin si Babae sa mga Bulaklak, maiinggit at mahuhumaling.)
LALAKE: Marami ng Babae ang dumaan sa akin… ang iba’y nanagasa pa… hinayaan ko lang sila’t di sila inatupag… hanggang sa isang araw… lumapit ka’t nagtanong kung…

BABAE: Pagod ka na?

LALAKE: Ikaw pa lang ang nagtanong sa akin ng may ganoong pagmamalasakit. Sa dalas ko kasing pagpawisan sa bukid, akala ng iba’y pasmado lang ang aking kili-kili’t di ako napapagod. Ngunit ikaw, inalintana mo…

BABAE: Ang baho mo kasi noon… (Biglang kabig.)… ngunit huwag kang mag-alala irog, handa akong simsimin ang lahat ng alat mo…

LALAKE: Ano’ng saya sa—Haay… (Buntong Hininga.) …Ang mabiyayaan ng isang katuwang na pupuna sa aking kasangsangan.

BABAE: Mapipilitan ka na ngayong magsipilyo nang mas madalas.

LALAKE: (Hihingahan ang kaniyang palad at aamuyin ito.) Talaga?

BABAE: Poque-Poque… may kasama pang talong at itlog na binati. Kaya nga kita naibigan dahil amoy Poque-Poque ka… (Matatawa.) Ngunit kaya mo lang ba ako naibigan dahil ako lamang ang nagkukusang mag-ulat na amoy Poque-Poque ka? Paano kung mabango ka na’t wala nang kasangsangan… baka hindi mo na ako magawang mahalin…

LALAKE: Titiyakin kong hindi magkakagayon…

BABAE: Ganyan?

LALAKE: Ngunit hindi lamang iyon ang aking naibigan sa iyo, marami pang kung anu-ano… ang iyong ismid… ang iyong matuling paglalakad… ang iyong matapang na kilay, ang iyong baku-bakong paa, at higit sa lahat ang iyong ngiti at… ang iyong mga kamay…

BABAE: Talaga? Maraming nagsasabing iyon ang mga pinaka-di-kaakit-akit na bahagi sa aking kaanyuhan…

LALAKE: Ay, ang iyong ngiti… ay, anong ganda… pagkaganda-ganda… tabingi’t sungki-sungki… kapag aking naaalala ang iyong ngiti, na tuwing nasisilayan… ako’y nahuhumaling… napapatabingi… (Itatagilid ang ulo.) … hayan pantay na. (Saglit.) At ang iyong pinakamagagandang mga kamay, pinakamagagaspang, pinakamaguguhit, at pinakamabubuhok… ang iyong mga kamay ay dapat ilagay sa isang museo… walang ibang mayroon niyan… ikaw lang… ikaw lang. Kaya para sa akin… (Iaabot ang mga Bulaklak.) … ikaw lang.

BABAE: (Tuwang tuwa.) Salamat sa mga bulaklak… ang saya saya… Ngayon lang ako nakatanggap ng ganito… labis labis ang aking pasasalamat. Kung kaya’t mula ngayon maari mo nang sabihin sa iba… na ikaw may “BU”, sila wala.

LALAKE: Anong “BU”?

BABAE: Maikling palayaw para sa BU—laklak… iyan na lamang ang itawag mo sa akin bilang pag-alala sa mga ito. (Hahagkan ang mga bulaklak na bigay ng Lalake.) …At di ba’t ako ang iyong BU—laklak at ikaw naman ang aking BU—buyog?

LALAKE: Hindi ka kaya uurin niyan?

BABAE: Uuurin lang ako kung ako’y malalanta’t tuluyang masasawi… ngunit… hindi ba’t nangangako kang didiligan ako araw araw?

LALAKE: Ay, Sinta! Hindi lang kita didiligan, ilalagay pa kita sa paso!

BABAE: Sa paso?!! Paano na ang aking kalayaan?

LALAKE: Puwes, sa hardin! Doon kita itatanim at aalagaan!

BABAE: Kasama ng ibang mga bulaklak?

LALAKE: Ay, hindi Sinta! Ikaw lamang ang nasa harding yaon.

BABAE: Ha?! Mamamatay ako sa kalungkutan!

LALAKE: Ay, Sinta Babae kang talaga! Hindi ka sukdulang malulungkot sa pagkat sasamahan kita sa harding yaon. Sabay tayong lalago’t bubukadkad.

BABAE: Irog, hindi ka maaring maging bulaklak… isa kang bubuyog.

LALAKE: Ay, oo nga pala. Kung gayon babantayan kita araw-gabi, pupudpurin ng aking mga halik at bubulungan ng BZZZzzzZZ… BzZzzZ… (Hahabulin ni Lalake si Babae na parang bubuyog na pinangingilagan ni Babae.) …BZZz… na ang siyang ibig sabihin ay… Mahal kita.

BABAE: Aba’y marunong ka palang mangusap-bubuyog?

LALAKE: Hindi masyado.

BABAE: Sayang…

LALAKE: Maaaring di masyado bihasa ang dila kong magpaka-bubuyog…ngunit ang mga labi ko’y dalubhasa… (Mangangahas halikan si Babae.)
BABAE: (Pipigilan si Lalake.) Huwag ka sanang mabalasik at baka habulin ka ni Itay ng itak!

LALAKE: Hindi niya naman tayo nakikita.

BABAE: Iyan ang iyong akala. (Matitigilan si Lalake at mangangambang may nagmamatiyag. Pautal na mangungusap si Babae.) Aaa… e… umm… e… Unawain mo sana’t naiilang pa ko’t nakikibagay kung paano ang wastong pag-asta kapag kapiling ka. Paano kung nariyan ang aking mga magulang na walang kamalaymalay?

LALAKE: Ipaubaya mo sa akin ang tungkuling bigyan sila ng malay… kung ibig mo… Nasa’n ang ina mo?! Nasa’n ang INA MO!?!… Aking ihahayag ang aking pagmamahal sa iyo. (Tutungo sa likod ng entablado wari’y papasok sa isang silid.)
BABAE: Huwag muna’t baka isipin nilang nagsadya ka rito para makikain… iya’y patungong kusina.

LALAKE: Ay! Ayoko pang katayin. Ano’ng gagawin natin?

BABAE: Ganito na lamang… Kung nais mo akong halikan at di mo matiis na ipagpaliban… Isang halik sa ating mga palad ang maglilipat sa ating mga labi sa ating mga palad… At kahit nariyan ang kung ilan pang ibang tao… maari natin pagdikitin ang ating mga labi sa ating mga kamay at maghalikan nang walang alinlangan.

(Pipikit ang dalawa. Kapwang hahalikan ang kanilang kani-kaniyang palad at saka pagdidikitin wari’y maghahalikan ang kanilang mga palad habang nagkakamayan. Tatagal at sisidhi ang kanilang pagkakamayan.)
BABAE: ARAY!!

LALAKE: Bakit?

BABAE: Ang ngipin ko’y biglang sumakit!

(Mamamangha si Lalake sa kanyang palad.)
LALAKE: Hanggang kalian naman kaya tayo magtitiis?

BABAE: Hanggang sa maipaalam natin sa kanila ang ating pagmamahalan…

LALAKE: Ano pa’ng hinhintay natin? Sabihin na natin.

BABAE: Ngunit ang itak?

LALAKE: Mas mainam na lamang dagling magwagas itong buhay kung ako’y mabubuhay lang din naman sa isang mundong di mo maaring halikan!

BABAE: Paano ang bigote?!

LALAKE: Hindi ko na lamang titignan. (Matapang.) Buo na ang aking kalooban. Kausapin na natin ang iyong mga magulang.

BABAE: Ikaw ang siyang bahala… (Tatawagin sa likod ng entablado.) Itay!! Itaaayyy!?!

TATAY: (Malumanay na boses lamang ang maririnig.) Bakit anak?!

BABAE: May ibig po sana sa inyo kumausap… nasaan po si Inay?

TATAY: (Pasigaw at nag-aalama.) BAKIT? MUKHA BA AKONG TANUNGAN NG MGA NAWAWALANG KALABAW!?!! Ha!? (May maririnig na mga nababasag na pinggan.)
LALAKE: (Takot.) Mahal…kung sulatan ko na lang kaya sila ng liham?!

(Tatakbo palabas si Lalake. Kadiliman.)

TELON
* No part of these plays may be staged without a written permission from the author. For performance rights, permit to play, and inquiries email ktfi2001@yahoo.com or call 386.3278 /text (0917)9726514.

No comments: