Isang Cathartic Comedy ni Njel de Mesa
TAUHAN:
MATANDANG LALAKI, 50s, Business Executive
BINATA, 20s, Gothic Freelance Writer
1ST MOVEMENT: Allegro con brio- Symphony no.5 (L.V. Beethoven)
Eksena: Isang Palikuran. Dalawang cubicle. May makikitang matandang lalaking nagbabasa ng dyaryo na nasa kasilyas ng cubicle sa kaliwa ng entablado (SL). Sa harap niya’y may lumang lata na sumasahod ng tumutulong tubig mula sa kisame. Lilipas ang ilang saglit. May binatang dali-daling papasok sa katabing kanang cubicle (SR). Nagmamadali niyang tatanggalin ang kanyang sinturon. Hindi niya mamamalayan, malalaglag sa loob ng inodoro ang kinipkip niyang talaarawan.
BINATA: (Titingin sa inodoro.) Shet.(Ibababa ang salawal. Mauutot.) At heto pang isa…
(Iire ng pagkalakas lakas.)
MATANDANG LALAKI: (Pabulong.) Iho,…hinay hinay lang…huwag mong pilitin baka ka lang masugatan…Hehe.
(Hindi papansinin ng binata ang matanda. Sa halip, iire pa lalo ang binata nang may pinag-ibayong lakas.)
MATANDANG LALAKI: Dahan dahan lang, iho! Sa Ospital nanganganak hindi sa kubeta!
BINATA: (Bagot.) ABER,… KAYO NGA!! (Saglit na may pagkabagot.) Kung gusto n’yo tulungan ninyo ako dito? Gusto n’yo yatang maging kumadrona…
MATANDANG LALAKI: Kaunting pasensya,…lalabas rin ‘yan…nang kusa…(Matunog na ililipat ang pahina ng dyaryong binabasa.)
BINATA: Kanina pa ho kayo?
MATANDANG LALAKI: Kanina pa.
BINATA: (Nangaasar.) Siguro,…kaninang kanina pa, ‘no?
(Matunog na ililipat ang pahina ng kanyang dyaryo.)
BINATA: Ano ho bang sakit ninyo, Amang? Baka naman ho naka-aircon at may telebisyon pa kayo diyan kaya nagpapatagal kayo. Palit ho tayo?
MATANDANG LALAKI: Pilyo ka rin, ano?
BINATA: E, nakiki-alam pa kasi kayo sa ‘stilo ko, eh! Bakit eksperto ho ba kayo sa larangan ng pagbabawas?
MATANDANG LALAKI: Sige, bahala ka,…sanayin mo’ng sarili mong minamadali ang lahat ng bagay… para balang araw marami kang pagsisisihan sa buhay mo…
BINATA: Pwede ba, Amang, huwag ninyo ako pangaralan…hindi ninyo ako ka-anu-ano! Palibhasa kayo, laos na’t wala nang pinagkaka-abalahan sa buhay. Kaya okey lang sa inyo magpa-banjing banjing at magbabad sa trono! Ako, kailangan ko pang kumita nang pera!
MATANDANG LALAKI: (Maiinis.) Bago ka pa siguro natutong magbilang ng pera, hindi ko na mabilang ang pera ko sa sobrang dami, dahil napaka-sipag ko. At ngayon, nagmamay-ari na ako ng tatlong istasyong pagasolinahan. Meron din akong tinatag na sariling ahensiyang nag-iimbestiga sa mga taong katulad mo. May opisina kami sa Makati, kung may nawawala kang kamag-anak, baka gusto mong ipahanap sa ‘min. Pero sino namang matinong kamag-anak ang magtitiyagang palamunin ang isang bastos na katulad mo. At sa building na ito, marami akong kinabibilangan at pinamumunuang grupo… gaya ng Alliance of Moralized Radical Nationalists sa may 6th Floor—
BINATA: (Sa tonong nangiinis.) Ano, ho? Ano, ‘kamo? Alliance of Moralized Radical Nationalists? “Al”… “Mo”… “Ra”… “Nash”!! ALMORANASH !! Hahaha! That’s what you’re going to get for sitting long on THAT throne!! Hahahahaha!!
MATANDANG LALAKI: Tuso mag-isip ng mga pangungutya…ang galing mo talaga, iho. Siguro manunulat ka, ano? (Pasigaw.) Manunulat ng kabastusan!!
BINATA: Manunulat lang, period!
MATANDANG LALAKI: Sana itong pag-uusap natin ang magsilbing inspirasyon para sa ‘yong bagong obra sa kubeta.
BINATA: Hehehe…sana nga…hehe…(Maaalala ang talaarawan niyang nahulog sa inidoro.) …sana…kaso…
MATANDANG LALAKI: …Kaso?
BINATA: Nalaglag kasi yung Journal ko sa inidoro kanina, eh. Marami pa naman akong obrang naisulat du’n…(Titingin sa loob ng inodoro.)…este,…dito.
MATANDANG LALAKI: At pa’no naman nangyari ‘yon?
BINATA: Nagmamadali kasi ako kanina—
MATANDANG LALAKI: Ha! I rest my case.
BINATA: Case? Case my ASS !! (Bubulalas ng tawa.) Hahahaha!!
MATANDANG LALAKI: (Kunyaring may kausap sa telepono.) Hello? Gary Lising ? Sorry ka na lang at may bagong hari na—ng kubeta! Ha? Sandali, ha? (Sa Binata.) Gusto ka yatang maka-usap, iho. Ano na nga ba’ng pangalan mo?
BINATA: ALMORANASH Junior!! Hahaha! Ikaw na lang ang kumausap,…DAD!!! Hahahahaha!
MATANDANG LALAKI: Ang galing galing niya, Gary …ang dumi sa bibig niya lumalabas… hindi sa pwet…
BINATA: Mas mainam naman ilabas ang bulok sa katawan kaysa piliting pigilin,…gaya niyo. Siguro ho, sosyal na pagkain ang kinain n’yo kagabi, ano? Kaya ngayon, nasasayangan kayo’t ayaw niyo pang ilabas! (Nangiinis.) Oo nga naman, talaga nga namang nakapanghihinayang… biruin mo niluto iyon nang pagkaaaaaaatagal… tagaaaal at pihadong nagbayad ka pa nang mahal tapos inidoro lang din naman pala ang makikinabang, tsk…sayang nga naman. Alam ko na hong dapat ninyong gawin! Mag-recycle! Paglabas ho niyan mam’ya tiyak namang may tira tira pa ‘yon na pwede niyong papakin…oh, look…Crab?! Corn!! Voila, Crab Corn Soup in a bowl…just add… (Titingin sa kanyang putotoy.)… one egg!! Hahahaha!
MATANDANG LALAKI: (Nandidiri.) Eeeeiiii…Ang baho talaga ng bibig mo, iho! Amoy na amoy hanggang dito! Siguro ang sarap mong kausap habang kumakain!
BINATA: Hindi kasing sarap ng kakainin n’yo mamaya! Hahaha!
(Hindi iimik ang matanda. Sandaling Katahimikan. Mababahiran ng kaunting hiya ang paghalakhak ng binata. Unti unti siyang tatahimik. Mapapatid ang katahimikan ng isang napakalakas na utot.)
BINATA: Amang, kung galit ho kayo sabihin n’yo lang! Huwag n’yo nang idaan sa sound effects!!
MATANDANG LALAKI: Hus! Tumigil ka nga riyan! Tayong lang dalawa rito itatatwa mo pang ikaw ‘yon.
(Saglit.)
BINATA: Sorry ho.
MATANDANG LALAKI: For what?
BINATA: For being such an ASS! Hahahaha!!!
MATANDANG LALAKI: (Inis.) Siguro, wala kang magulang na sumasaway sa iyo, ano?!!!
BINATA: (Napuruhan. Magagalit.) Siguro, wala kayong anak na pwede n’yong sawayin, ano?!!!
(Sandaling Katahimikan.)
2nd MOVEMENT: Adagio sostenuto- Op. 27 No. 2 Piano Sonata no.14 in C sharp minor “Moonlight” (L.V. Beethoven)
MATANDANG LALAKI: Meron dapat. Sana.
BINATA: Medyo ako rin. (Saglit.) Anong nangyari ?
MATANDANG LALAKI: Napabayaan ko ang pamilya ko. Batang bata pa ako naging isang Ama. Ayaw noon ni Papa at Mama na mauwi lang ako sa kasintahan ko. Hindi raw kami bagay. Pero ang totoo n’un, gusto nila ang pakasalan ko, yung negosyo nila. Kaya sapilitan nila akong dinala sa Amerika para mahiwalay sa binuo kong pamilya at malimutan ang lahat. Pero hindi ko sila makalimutan. Lalo na si Junior. (Saglit.) Isang araw, tumakas ako. Wala akong pera pero pinilit kong makabalik dito sa Pilipinas. Pagbalik ko, wala na ang dati kong kasintahan sa dati nilang tinitirahan. Hindi rin alam nung mga kapitbahay—na napagtanungan ko—kung sa’n na sila. Kung saan saan ko sila hinanap. Sinuyod ko ang buong Maynila. Wala talaga. Gutom, pagod, walang pera… napilitan akong maghanapbuhay. (Saglit.) Kakaiba talaga ang pakiramdam kung magsisimula ka sa isang butas na bulsa. Pero nagsumikap ako d’un sa pinasukan kong pagasolinahan. Nasa isip ko palagi ang anak ko. Sabi ko, “Kailangan huwag tatamad tamad para balang araw ‘pag mahanap ko sila mabibigyan ko sila nang isang en grandeng salubong.” (Saglit.) Pinalad naman ako sa paghahanapbuhay… pero hindi sa paghahanap sa aking IKINAbubuhay. Hanggang Ngayon.
BINATA: Mukhang mahal na mahal n’yo yung asawa n’yo, ‘no? Pati yung anak n’yo?
MATANDANG LALAKI: Hindi ‘yon alam ng anak ko. Sanggol pa lang siya nung naiwan ko sila…at malamang sa malamang galit at poot ang namamayani sa loob ng anak ko para sa kanyang Ama.
BINATA: Malamang…oo nga.
MATANDANG LALAKI: Bakit, “Oo nga”?
BINATA: Medyo pamilyar kasi sa ‘kin ‘yang mga ganyang kwento, eh. Iniwan din ho kasi kami ng Tatay ko, eh. Pero yun, sigurado kong walanghiya’t isang gago’t kalahati. Sana nga lang hindi ko namana yung kalahati. Hehehe. (Saglit.) Pero bilib din ho ako sa inyo. Biruin n’yo hanggang ngayon may intensyon pa rin kayong hanapin ang pamilya niyo. Ako, wala akong ka inte-intensyon na hanapin pa yung hudas kong Ama…kahit para maningil lang ng utang. Pinabayaan niya ako, pwes, pababayaan ko din siya!
MATANDANG LALAKI: Pa’no kong bigla kayong magkita?
BINATA: Eh, di magkita…para namang mamumukhaan ko siya at mamumukhaan niya ako. Matutunugan pwede pa may kutob kasi akong makikilala ko ang boses niya, eh. Minsan kasi nakikinig ako sa radyo…tapos si Mr. DJ kala ko si Tatay ko na…hahaha…naluha pa ko n’un. (Saglit.) Pero kung sakiling mamukhaan namin ang isa’t isa, tinitiyak kong hindi ‘yon magiging makabagbag damdaming eksena, …gaya nung sa napapanood nating drama sa TV pagkatapos ng Balita. Hehehe. Dahil wala akong ka-inte-intensyong mag-model para kay Amor Powers!! Hahaha!
MATANDANG LALAKI: Bakit naman?
BINATA: Ayaw kong mag-model?
MATANDANG LALAKI: Hindiiii…yung sabi mong, “hindi magiging makabagbag damdaming eksena” ang inyong pagtatagpo…baka ‘pag dating ng panahon, kakainin mong lahat ng sinabi mo ngayon.
BINATA: Aaaaa. Naku, imposible. Matagal ko na ho kasing binaon sa limo’t ang dati kong pananabik na makita siya, eh. Sa madaling sabi, kalimutan na n’yang may anak siya kasi, kinalimutan ko nang may Ama ako.
MATANDANG LALAKI: Kinalimutan? (Patlang.) O pinipilit kalimutan?
BINATA: Pareho lang ‘yun.
MATANDANG LALAKI: Hindi iho. Kapag pinipilit kalimutan mas masakit dahil bawat saglit na gusto mong iwaglit…masakit. Lalo kang masusugatan.
BINATA: ‘Andyan na naman tayo sa sugat sugat…pero,… sige na nga ho. Minsan, ginusto ko ring magkita kami. Baka sakaling nakapagtatakang maunawaan ko ang mga palusot niya kung bakit niya kami iniwan. Pero masakit umasa sa isang bagay na napupurnada araw araw. Lalo na nu’ng bata pa ako. Bago matulog pinagdadasal kong sana matupad na bukas…o di kaya’y malimutan man lang ang lahat ng sama ng loob na idinulot ng tarantado kong Tatay. (Saglit) Malungkot. Masakit. Sa dibdib. Ang pangit ng pakiramdam. Pinagpapawisan ka nang malagkit. ‘Di ka mapakali. Humihilab ang kalooban mo. Para kang may—
SABAY: LBM !! (Maghahalakhakan.)
3rd MOVEMENT: Allegro assai-guasi presto- Impromptu No.1 A flat minor (F. Chopin)
BINATA: I suppose all great thinkers think alike. Para tayong yung “Thinker” ni Rodin, …sa banyo napapaisip nang malalim at nagmumuni.
MATANDANG LALAKI: Nasa banyo napaisip yung “Thinker” ni Rodin??
BINATA: Bakit naman siya maghuhubo’t hubad at uupo ng ganoon, (Gagayahin ang postura ng sikat na istatwa.) kung hindi siya nasa kubeta’t nagbabasketbol!!!
MATANDANG LALAKI: Corny.
BINATA: Eksakto! Yes, that’s what I had for breakfast. (Titingin sa kanyang relo.) Siguro kaya ganito ako katagal magbawas ngayon kasi kumain ako ng ‘corny’ kanina. Haaaaayy. Bad trip. Late na ako.
MATANDANG LALAKI: Parang bising-busy ka na iniiskedyul mo’ng lahat pati oras ng pagbabawas, a…
BINATA: Kailangan ho, kasi ako lang ang bumubuhay sa sarili ko –-‘wag niyo na itanong kung bakit, pihadong alam niyo na—kaya bukod sa pagaaral kailangan kong rumaket.
MATANDANG LALAKI: Anong klaseng raket?
BINATA: Nagsusulat ako ng kung anu-ano para sa mga tabloid. Alam ko hindi masyadong kapita-pitagang hanapbuhay pero, bilang manunulat,…buti na lang din may pinagkakakitaan ako. Tapos, dahil sinasagad ko ang load ko sa eskwela…at marami pa akong extra-curricular activities…kakaunti na lang ang natitirang oras ko para sa sarili at, higit sa lahat,…sa mga di matatakasang rituwal ko sa banyo. Ten minutes nga lang ang iniskedyul ko para magbawas, eh…over over time na ito. (Saglit.) Eh, kayo ho? Marami din naman kayong trabaho, a. E, ba’t ang tagal ninyo diyan sa trono? Bukod sa gusto n’yong lasapin ang buhay? Hehehe.
MATANDANG LALAKI: Hinihintay ko itong tabo mapuno ng tubig na ‘panghuhugas ko sa—
BINATA: Okey na ho…I get the picture. Pasalamat kayo hindi pa nila na Vulca-seal ‘yang butas sa kisame…
MATANDANG LALAKI: Oo nga.
BINATA: (Biglang magagalak.) Yes! Yes!
MATANDANG LALAKI: Bakit?
BINATA: Eto na yata!! Ang aking pinakahihintay!! (Hihinga ng malalim.) 10… 9… 8… 7… 6… 5… 4… 3… 2… (Matitigilan.) TEKAAaaaaaa!!!
4th MOVEMENT: Presto Agitato- Piano Sonata no.14 C sharp minor Op. 27 No. 2 (L.V. Beethoven)
MATANDANG LALAKI: Bakit na naman?
BINATA: Walang tissue!!
MATANDANG LALAKI: Iho, wala ka sa bahay…s’yempre walang tissue.
BINATA: Pa’no ‘to?
MATANDANG LALAKI: Hetong dyaryo. Puno na naman ang tabo ko.
BINATA: Naku, Amang, hindi ngayon ang panahon magbasa ng current events…sa current event kong ito!!
MATANDANG LALAKI: Tonto! Huwag kang maarte…binibigyan ka na nga ng pamunas…
BINATA: Hindi ba ho maiimpeksyon ang mga pigi ko? Sensitive ho kasi ang skin ko, e…
MATANDANG LALAKI: Gusto mo, ayaw mo?!
BINATA: GUSTO…gusto ho …gustung gusto…
(Kukunin niya ang inaabot na dyaryo.)
BINATA: Salamat ho. (Maiintriga sa dyaryo, magbabasa.) Hmmm… “GEMINI: A mundane experience will be magical today. But you will have to hold yourself together”…nye. “Listen to a voice within and purge out bottled feelings for a life changing discovery…” (Mauutot.) Yes, yes, I heard you the first time…(Iroroliyo ang dyaryo at susubukang umayos sa pagkakaupo.)
(Mabibitiwan and dyaryo at malalaglag sa may kalayuan.)
BINATA: Ano baaaa?!!!
MATANDANG LALAKI: Bakit na naman ?
BINATA: Nabitiwan ko yung dyaryo. Nalaglag sa sahig. ‘Di ko abot…(Inaabot.)
MATANDANG LALAKI: Hehehe.
BINATA: (Galit.) Seryoso na ‘to, ha?!!
MATANDANG LALAKI: Aba, s’ya naman ngayon ang nangangaral. Subukan mo pa rin abutin!
BINATA: (Sinusubukang abutin.) Hindi abot ng kamay ko!!
MATANDANG LALAKI: E, ng paa mo?
BINATA: (Susubukan.) Urgh! Ayaw umunat ng paa ko. ‘Naykupo! Pinulikat ‘ata!!
MATANDANG LALAKI: Hehehe. Unti-untiin mong iunat …kaya mo ‘yan.
BINATA: (Susubukang iunat ang paa.) Arrraaay …may pakiramdam pang para akong kinokoryente…
MATANDANG LALAKI: Kaya mo ‘yan iho. Magtiwala ka sa sarili mo…
BINATA: Araaaykopooooo…(Maiuunat.) Hayan…(Humihingal.)…naiunat ko na…
MATANDANG LALAKI: Abutin mo na…
BINATA: (Susubukan abutin ng paa.) Hindi pa rin abot!
MATANDANG LALAKI: Tumayo ka nang kaunti…
BINATA: Kung tatayo ako nang kaunti baka ‘di ko mapigilang sumabog.
MATANDANG LALAKI: Huwag! Huwag kang tatayo! (Saglit.) Sinabi ko na kasing huwag magpadalos-dalos, eh.
BINATA: Nagsalita ang Alibughang Ama na nagpadalos-dalos. Naku po,…heto na…aeeeiii… Bahala na… here we gooooo….(Matitigilan.) Nawala. Baby, sa’n ka nagpunta?
MATANDANG LALAKI: Baka bumalik sa sikmura mo. Nahiya.
BINATA: (Kakarinyuhin ang sikmura.) O, baby, labas ka na, excited na si Daddy na makita ka… Maghahanapbuhay pa si Daddy…
MATANDANG LALAKI: Sino’ng kausap mo?
BINATA: Baby ko.
MATANDANG LALAKI: Ha?
BINATA: (Makokornihan.) Huwag na.
(Sandaling katahimikan.)
MATANDANG LALAKI: Aaaaaa… nakuha ko na…para tayong nanganganak sa delivery room at ang mga baby natin…itong—
BINATA: --Ep. ‘Wag mo nang sabihin, baka mausog pa ang baby ko.
MATANDANG LALAKI: Hahaha. Naalala ko tuloy nung nanganak si Swithart…alalang alala ko pa yung amoy sa delivery room…(Hihinga nang malalim, malalanghap ang amoy ng kubeta.) Hindi naman gan’to ka-baho… pero ‘yun ang isa sa pinaka-maliligayang araw ng buhay ko…ang araw na nakita ko…si Junior… ang pinaka-pogi kong si Junior… May ningning sa mga mata niyang pagkaganda ganda habang kinukwentuhan ko siya sa incubator. Hmmm,…makikilala niya pa kaya ang boses ko? (Bubuntong hininga.) Si Junior… ang pinakamamahal kong si Junior… Noong araw ding ‘yon, nagumapaw ang puso ko sa katuwaan…kaya ginawa kong malaking karangalan para sa aking sarili ang ipamana sa kanya ang aking pagka-habaaaa-habang pangalan…
BINATA: Naku, kayo rin pinarusahan ng mahabang pangalan ?!
MATANDANG LALAKI: Sobra.
BINATA: Ano ho ba’ng pangalan niyo?
MATANDANG LALAKI: Ikaw?
BINATA: (Nagpapatawa.) Ikaw? “Ikaw” ang pangalan niyo?!
MATANDANG LALAKI: Hmp.
(Saglit.)
SABAY: José Arturo Vicente Mirasol Santos
(Saglit.)
5th MOVEMENT: Giocoso- Op. 30 “Also Sprach Zarathustra” (R. Strauss)
(Magigitla at sasabog sa galak ang Matanda. Mag-aalangan ang Binata.)
MATANDANG LALAKI: (Kinukutoban.) JUNIOR ?!
BINATA: ‘Tay ?!!
MATANDANG LALAKI: (Mas tiyak.) JUNIOR !!!
BINATA: ‘TAY!!!!
(Biglang magkukumbulsiyon ang sikmura.)
SABAY: TekkkAAAAAAAAAAaaaa!!?!
(Habang iniluluwal ang kani-kanilang sama ng loob.)
MATANDANG LALAKI: Juniooooorrrrrr!!!!
BINATA: Itttaaaaaayyyyyy!!!
6th MOVEMENT: Largo- Symphony no. 9 “Aus der neuen Walt/From the new World” (A. Dvorak)
(Hahangos matapos makaraos. Marahang tatayo mula sa inodoro. Dali-daling mag-aayos ng damit at hitsura. Ifu-flush ang kani-kanilang sama ng loob at saka lalabas ng cubicle.)
(Magtititigan ng ilang saglit. Katahimikan.)
MATANDANG LALAKI: (May pagaalangan.) Junior.
BINATA: ‘Tay.
SABAY: Patawad.
(Sabay silang tatango nang “oo” at magyayakapan nang mahigpit.)
7th MOVEMENT: Strepitoso Furioso- Ouverture “Das Libesverbot” (R. Wagner)
(Matitigilan.)
SABAY: TEKAAAaaaAAA!!!
(Dali-daling tatakbo papasok muli sa mga pinanggalingang cubicle para sa “Round 2”. Blackout.)
TELON
* No part of these plays may be staged without a written permission from the author. For performance rights, permit to play, and inquiries email ktfi2001@yahoo.com or call 386.3278 /text (0917)9726514.
No comments:
Post a Comment